"YES, NANDITO NA TAYO!" masiglang sabi ni Paulo pagkababa nila ni Toto mula sa sinasakyang jeep sa may harap ng capitol grounds sa Malolos. Halatang excited itong si Paulo na mukhang magha-hiking sa bag na dala-dala. Halos lumobo na nga kasi 'yon sa dala niyang mga extra shift, pagkain, tubig, at mga librong ipapapirma niya sa authors na pupunta sa event. Pasipol-sipol pa nga si Paulo habang papatawid sila sa daan.
Kumakanta na nga rin si Paulo ng "I'm So Excited" ng The Pointer Sisters habang umiiling lang itong si Toto. Wala talaga siyang kilalang Allan Paulo Del Monte. Pero sa totoo lang, first time lang din ni Toto na makapunta sa isang book fair at mabuti na lang at napakiusapan ni Paulo ang mga magulang nito na sumama.
"Hindi naman halatang excited ka, 'no?" tanong ni Toto habang naglalakad sila sa may mini forest ng kapitolyo. Noong mga nakaraang araw pa ito excited lalo na noong nalaman niyang may booksigning event din ang isa sa mga paboritong author niyang si Marcelo Santos III na madalas na ring bukambibig nito.
Hinawak pa ni Paulo ang balikat ni Toto, "Alam mo naman 'yong Latin quote, 'di ba?"
"Carpe diem," in unison pa nilang sagot na dalawa.
Sumagot pa si Paulo sabay ngiti kay Toto, "Kaya nga dapat lubusin na natin 'yong araw na 'to. Let's enjoy for a while." Tama nga naman si Paulo, kailangang mag-enjoy muna saglit kahit na maraming backlogs, projects, at assignments na dapat gawin lalo na at nalalapit na ang fourth quarterly exams.
Kailangan munang isantabi ni Toto ang mga bumabagabag sa kaniya at mag-enjoy muna sa sandaling ito.
Pero dahil sa excitement, alas-otso y media na sila nakarating sa may capitol gymnasium na sobrang aga pa dahil mga alas-nuwebe pa ng umaga magbubukas ang event proper.
"Akala ko, 8 AM, bukas na 'yan" seryosong tiningnan ni Toto ang kasamang napa-peace sign na lang. Sobrang aga pa kasing nagising ni Toto at nagmadali pa siya sa pagbibihis dahil ang sabi nga ni Paulo, maagang nagsisimula ang event proper pero na-scam lang pala siya ng asungot.
"At least, maaga tayo." Napaangat na lang ng balikat si Paulo habang nakapalibot sa mga tao nang nakatipon sa may labas na naghihintay na rin sa pagbubukas ng pinto para makapasok. Mukhang marami ang a-attend sa event dahil sikat na Wattpad authors ang darating.
Pero noong sumapit na ag oras ay kaagad nang niyaya ni Paulo si Toto at hinila ang mga kamay nito papasok. Nakaramdam bigla ng kuryenteng dumaloy sa buong katawan ni Toto habang tinitingnan pa siya ng kaibigan niya.
Pero pagpasok nila sa may gymnasium ay hindi maiwasang mamangha ni Toto sa mga nakita at tila ba nananaginip lang siya sa mga nakikita niya. Sa isang side, nandoon ang section para sa mga libro habang nasa may isang side naman 'yong mga naka-arrange na mahabang linya ng mga mesa para sa booksigning.
Kaagad siyang lumapit sa mga nakahanay na shelf na puno ng mga libro at nagsimulang magtingin-tingin. Ibang tuwa talaga ang nararamdaman ni Toto kapag nakakakita ng mga hilera ng libro sa bookshelves. Kung puwede lang na tumalon sa tuwa ay nagawa na niya habang hinahawak-hawakan at tinitingnan ang mga librong nadaraanan niya. Habang si Paulo naman, tamang kuha lang sa may espesyal na istante para sa mga libro ng mga pupuntang author sa booksigning. Kumuha na rin siya ng bagong release na libro ng kaniyang idolo na ipapa-sign mamaya. Mukhang balak niyang mamakyaw at ubusin ang mga paninda sa event.
Para tuloy siyang isang batang dinala sa isang candy store o kaya sa isang toy store. Sadyang mababaw man pero ito ang depinisyon niya ng kaligayahan. Pero hindi nga lang equal ang dami ng mga ibinebentang libro sa dami ng perang dala ni Toto. Ngunit hindi nagpatinag ang kaniyang karupukan at napa-compulsive buying siya nang wala sa oras at inilagay ang mga pinamili niya sa basket ni Paulo. Siyempre, kailangan niyang i-treat ang sarili niya sa pag-survive sa buong linggo habang may mabigat na dinadala.
BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Dla nastolatkówTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...