MAY MGA SALITANG MAHIRAP sabihin pero mas madaling sambitin sa pamamagitan ng awit.
Banayad lang ang pag-strum ni Owen sa kaniyang gitara. Para nga siyang nagsesenti habang naupo sa kama sa kuwarto nila ng kuya niya at pagkatapos ay nagsimula siyang kantahin ang "Passenger Seat" ng Stephen Speaks. Makikita talaga kung gaano kasuwabe ang boses ni Owen sa saliw ng himig sa kaniyang gitara.
Natural na lumalabas sa kaniya ang feelings na hindi niya mailabas-labas sa pamamagitan ng pagsasalita kaya tuloy-tuloy lang si Owen sa pagdamdam ng kanta. Kada strum ay may gustong iparating at kada buka ng bibig ay may gustong sabihin.
Pero sa gitna ng pagkanta niya ay biglang pumasok ang kuya niyang si Uno sa loob ng kuwarto at lumapit sa kaniya.
"O, anong hinuhugot-hugot mo diyan, brokenhearted ka ba?" bungad na tanong niya sabay tinulak nang marahan si Owen.
Pinanliitan siya ng mata ng kapatid niya. "Alam mo, Kuya First...lumayas ka nga! Nagko-concentrate ako dito, o." Pagkatapos ay binitiwan niya ang kaniyang gitara at inilapag sa kama. Kuya First ang tawag ni Owen sa kaniya kasi maliban sa Uno ang pangalan niya, siya pa ang panganau.
Humirit pa nga si Uno, "Sus, sino 'yang inaalayan mo ng kanta, 'yong si Lovely ba? Si Trisha na anak ni Darang Mercy?" Natigilan siya at nanlaki ang mata. "Oh, si Annika, 'no?" Pagkatapos ay ngumisi siya sabay sabi pa ng "Ayieeee~. Kaya nga umusok ang ilong ni Owen sa sobrang pikon.
Pero totoo naman kasi—nakaalay talaga kay Annika ang kantang iyon. At least, sa paraan mang iyon niya mailalabas ang totoo niyang nararamdaman sa kababata niya na hindi masabi-sabi.
Kaya kahit ano pang pagde-deny ni Owen ay lalabas at lalabas pa rin ang totoo. Hindi talaga siya marunong magkunwari; kaya nga ayaw niyang mag-audition para mag-artista.
"'Di ka titigil, a?" Kaya sa sobrang pagkapikon ay tumayo siya sa kama at saka hinila ang kuya niya palabas ng kuwarto, kinalampag ang pinto, at saka ni-lock.
Magpapatuloy pa sana siya sa paggigitara nang makarinig siya ng pagkatok ng pinto. Pero sa pagkakataong ito, hindi ang Kuya First niya ang tumawag.
"Anak!" Boses iyon ng mama niya na tumatawag habang kumakatok.
"Ma, bakit po?" tanong naman ni Owen bago siya tumayo at buksan ang pinto.
Bumungad sa kaniya ang nanay niya na nakapameywang ang kanang kamay. "Ano ka ba naman, Wewen. 'Di mo ba i-e-entertain bisita natin?" Pagkatapos ay lumitaw ang hindi niya inaasahang bibisita sa bahay nila.
"Hi!" masiglang bati ni Annika sabay hawi ng mahabang kulot na buhok nitong nakatali ngayon na pa-ponytail. Pagkatapos ay iniabot niya ang kulay indigo na textbook. "O, ito'ng libro mo. Nalimutan mo kasi kanina sa school." Napakamot ng batok si Owen pagkabigay sa kaniya ng libro na nalimutan pala niya pag-uwi.
Napatameme na lang si Owen at nagsimulang ma-conscious. Maliban sa hindi siya sanay na nasa loob ng bahay nila ang taong gusto niya, hindi man lang siya nagmukhang disente sa ayos niya: Gulo-gulong buhok, gray na muscle shirt, at maikling shorts na may design na mga kotse.
"T...tuloy ka..." Nahihiya tuloy si Owen sa pagyayaya sa kababata niya sa loob. Tuwing kaharap talaga niya si Annika, nawawala 'yong lakas ng loob niya. Para siyang dementor na nanghihigop ng lakas.
Inilibot ni Annika ang sarili niya sa loob ng kuwarto habang tino-tour naman siya ni Owen na sinusundan siya kahit na parang nanginginig ang mga paa niya.
Humarap pa si Annika kay Owen bago nagsalita, "Tagal ko nang hindi pumupunta rito. Naalala ko, dito ko dinadala 'yong mga laruan ko tapos nilalaro natin."
"Oo nga, tapos may pinugot pa akong Barbie mo no'n." Napangisi naman si Owen sabay nagpakita ang dimple niya—at least, iyon man lang ang asset na mayroon siya.
"Grabe, pinaalala mo pa!" ratsada pa ni Annika sabay lapit kay Owen at saka niya ito hinampas sa balikat. Sa kaloob-looban ni Owen ay parang gusto na niyang mamula sa sobrang kahihiyan. Pagkatapos ay napansin ni Annika 'yong gitara ni Owen sa may kama.
Dahil namangha, lumapit si Annika para tingnan ang gitara. "Uy, hala, naggigitara ka ba?" kuryoso niyang tanong kay Owen sabay lipat ng tingin
"Ha? 'Di masiyado." Napayuko na lang si Owen sa hiya sabay sipol.
"E, bakit gamit mo? Sample ka naman diyan, o!" Napapalakpak pa siya para ipilit si Owen. "Sample! Sample!" Kaya ang tanging choice na lang ni Owen ay pumilantik ng dila at saka umupo para kunin ang gitara niya.
Napaupo si Annika sa may sahig habang nagsimula siyang kantahan ni Owen. Hindi man lang makatingin siya nang diretso sa kababata habang tinutugtog ang gitara. Namali pa nga siya sa tono ng gitara sa sobrang pagkawala sa focus.
Pero ipinagpatuloy pa rin ni Owen ang pagkanta na para bang isinisigaw nito ang nararamdaman niya kay Annika. Matama lang na nakikinig itong kababata niya sa maganda niyang boses.
Sa pasimpleng tingin ni Owen kay Annika, nakikita niya kung gaano ito kaganda sa paningin niya. Na para bang ang babaeng ito ay dapat na ingatan.
"Uy, in fairness, ang galing mo palang kumanta." Hindi namalayan ni Owen na tapos na ang pagkanta niya nang magkomento si Annika. "Sabi nila kapag mahugot ka sa pagkanta mo, inspired daw ang taong 'yon. Parang may pinaghuhugutan, gano'n," dagdag pa nito.
"Ows? Fake news lang 'yon." Napangisi na lang si Owen at para bang hindi makapaniwala sa sinabi ni Annika sa kaniya.
Mukhang niloloko nga lang ni Owen ang sarili niya dahil ang totoo naman talaga ay iniaalay niya ang kantang iyon para kay Annika.
Nagsalita pa itong si Annika, "Oo nga pala, kaya ako napunta dito...invite ko sana kayo ng mama mo sa birthday ni Papa this Thursday."
"Asahan kita do'n, a?" Iyon ang sinabi niya bago tumayo para lumabas na ng kuwarto. "Okay, alis na 'ko. Bukas na lang ulit sa school."
"Sige, ingat ka." Sumilay ang ngiti sa labi ni Owen pagkalabas ng kababata niya sa kuwarto. At saka dahan-dahang naupo sa kama niya.
Ibig bang sabihin noon, naghihintay si Annika?
Ibig din bang sabihin noon na gusto siyang makita ng kababata niya?
"O, ngiti-ngiti ka diyan, para kang timang." Biglang kinalabit ni Uno si Owen na dahilan para maputol ang pagmo-moment nito. "Por que dumating lang si Annika rito."
"Epal ka talaga kahit kailan." Sinamaan tuloy siya ng tingin ng kapatid niya sabay sundot sa tagiliran.
"Sus, binata na talaga si Baby Wewen namin." Kinurot pa ni Uno si Owen sa pisngi nito. "E, kung sumbong kaya kita kina Papa? Lumalandi ka na pala, e."
"Wow, nagsalita 'yong hindi malandi." Rumatsada pa si Owen. "Sino 'tong may pa-LSM sa jowa niya ngayong monthsary nila sa FB, a? Utot mo!" Dahil doon ay pinulupot ni Uno ang leeg ng bunsong kapatid. gamit ang braso nito. Nagpumiglas naman si Owen habang kinikiliti ang tagiliran ng kuya niya.
"Owen, Uno, ninanu kayu ken?" Narinig tuloy nila ang sigaw ng kanilang nanay mula sa labas ng kuwarto na napatanong kung ano ang nangyayari sa mga anak niya.
"A, wala po, Ma...naglalaro lang kami ng—" pinutol ni Owen ang paliwanag ng kuya niya sabay kapit sa magkabilang braso nito.
"—Nagre-wrestling lang po kami, Ma!"
-30-

BINABASA MO ANG
Tropang 3some: Sina Wholesome, Awesome, at Handsome (Self-published)
Teen FictionTHE WHOLESOME Meet Owen, ang Mr. All Around at the Jack-of-all-trades na hindi lang pampamilya, pang-sports pa! Pero sa pagbabalik ng kaniyang kababatang si Annika pagkatapos ng ilang taon, masasabi kaya niyang siya na ang kukumpleto sa kaniya? THE...