KYLE
"Kyle!"
Naalimpungatan ako dahil sa sigaw ni Philip. Akala ko nga noong una ay nananaginip lang ako na may sumisigaw ng pangalan ko. Yun pala, totoo na. "Kyle, ano ba? Hindi mo ba naririnig na kanina pa tumutunog 'yang cellphone mo? Ang ingay ingay, ano ba naman yan! Ang hirap na ngang makatulog dito eh. Bwisit naman talaga o!"
Bahagya akong dumilat at napansin kong maliwanag na. Medyo mainit na rin sa kwarto namin ni Philip (yung roommate ko sa tinutuluyan kong boarding house). Antok na antok pa ako dahil sobrang pagod ko kagabi sa trabaho at dumeretso pa kami sa inuman pagkatapos.
Dinampot ko ang de-keypad kong cellphone at pinindot. Pumikit akong muli at itinapat ko iyon sa tenga ko.
"Hmmm?"
"Kyle Moreno?"
"Sino 'to?" humihikab kong tanong.
"This is from the department store na inapplyan mo last week. Di ba we told you na tatawagan ka namin? You have to report today. Magrereliever ka, marami kasing naka-leave na employees."
Bagamat hilo pa ako sa antok ay napadilat ako at agad na bumangon.
"OK. Anong oras?"
"9 AM. I'll send you a text message for the other instructions."
Tinignan ko ang oras sa malaking relo na nakasabit sa itaas ng pinto ng kwarto. Pasado alas syete na. Tumayo ako at lumabas na.
Paglabas ko ng kwarto ay abala na sa kani-kanilang gawain ang mga tao. Ang iba'y kumakain, habang ang iba'y nakapila at naghihintay ng kanilang pagkakataon para makagamit ng banyo. Puro lalaki ang boarders at karamihan ay mga estudyante na galing probinsya at piniling sa Maynila mag-aral.
"Himala, bumangon ka na." sabi ni Mamu nang makita ako, isang babaeng medyo mataba at tantya ko'y nasa kwarenta mahigit ang edad (hindi niya kasi inaamin sa amin ang totoong edad niya). Nakasuot siya ng pulang daster at may rollers sa buhok. Si Mamu ang may-ari ng boarding house.
"May raket ako ngayong umaga, Mamu." humihikab kong sinabi. Umupo ako sa tapat niya sa lamesa at itinaas ko ang isang paa ko sa upuan at doon mismo ako nagtanggal ng nanuyong mga muta sa mata.
"Sana nagdamit ka man lang, Kyle. Ang hitsura mo."
"Ano naman? Puro lalaki naman kami dito. Wala namang babae." sagot ko habang dumudukot ng pan de sal mula sa brown na supot.
"Anong tingin mo sa akin, hindi babae?"
"Iba ka naman, Mamu. Wala naman akong dapat itago pa sa iyo at nakita mo naman na 'to lahat."
"Ewan ko sa'yo. Di ka nahihiya, lalawit lawit yang betlog mo sa suot mo."
Tumingin ako sa suot kong manipis na boxers. Oo nga, kita nga ang bayag ko dahil masyadong maikli at nakataas pa ang paa ko.
Pero wala akong pakialam.
"Teka. Kelan pa nalipat sa pangumaga ang putahan?"
Tinignan ko siya nang masama kahit na alam kong binibiro lang niya ako pagkat alam ni Mamu kung ano ang trabaho ko at tanggap naman niya ako.
Isa akong lalaking bayaran. Nagbebenta ng aliw, ng katawan at sarili kumbaga, sa mga bading at matronang hindi mapigilan ang kati sa katawan. Palibhasa'y wala naman akong pinag-aralan pero maswerteng nabiyayaan ng gwapong mukha at maganda at masarap (sabi nila) na pangangatawan, ginagamit ko iyon upang kumita ng pera at hindi magutom.
"Hindi ako maghuhubad ngayon, Mamu." sabi ko habang ngumunguya ng pan de sal na pinalamanan ng peanut butter. "Sa-sideline ako sa mall ngayon, sa department store."
BINABASA MO ANG
Mon Amour (My Love)
RomanceA Sequel to 'The Other Half' Angelo returns home from France after six years, wealthy and accomplished. Yet, despite his success, he is still a virgin. He's determined to lose his virginity by any means necessary. Then he meets Kyle, a striking and...