CHAPTER 8

875 121 10
                                    

KYLE

Sa unang pagkakataon sa loob ng labinglimang taon, gumising ako na magaan na magaan ang pakiramdam. Hindi ko pa iminumulat ang mga mata ko ngunit ramdam ko pa rin ang malambot na kamang hinihigaan ko at ang lamig ng paligid dahil sa aircon. Totoo ang lahat. Totoong naroon ako sa unit ni King. At totoong iba ang binatang ito sa napakaraming mga kliyenteng nakasex ko, na basta basta na lamang akong itatapon na parang basahan matapos gamitin, sapagkat heto ako ngayon, komportable at panatag na natulog. Malayo sa lahat ng ingay, sa lahat ng gulo, malayo sa mundong aking nakasanayan.

Naamoy ko ang pabangong bagamat ilang oras ko nang naaamoy ay hindi ko pa rin makasanayan. Malapit lang si King, sigurado ako. Nagulat ako nang may humaplos sa buhok ko. Banayad na banayad at masarap sa pakiramdam. Iminulat ko ang mga mata ko.

Unang unang tumambad sa paningin ko ang magandang mga mata at ang kabuuan ng napakagwapong mukha ni King. Nakangiti siya habang patuloy pa rin sa paghaplos sa buhok ko. Suot pa rin niya ang asul na manipis na pajama at wala pa rin siyang damit pang-itaas. Nakaupo siya sa gilid ng kama, sa tabi ko. Ang kaliwang kamay ay nakaakbay sa unan na hinihigaan ko habang ang kanan naman ay patuloy na humahaplos sa buhok ko.

"Good morning." nakangiting sinabi niya.

"Anong oras na?" pupungas pungas kong tanong.

"It's past 11."

Bumalikwas ako ng bangon. "Bakit hindi mo ako ginising?"

Bakas ang gulat sa mukha ni King. "Why? May mahalaga ka bang appointment today?"

Bigla kong naalala na wala naman akong mahalagang gagawin, at katunayan nga, sa ganoong oras ay tulog pa rin ako sa boarding house kung saan ay tinitiis ko ang ingay at init makakumpleto lang ng tulog. Alas kwatro kasi ng madaling araw nagsasara ang club at kadalasan, alas singko pasado na ako nakakauwi.

At lis, sa unit ni King ay komportable pa ako at nakatulog ako nang mahimbing.

Umiling ako at pagkatapos ay muling sumandal.

"I left the curtains drawn so you won't be disturbed while you were sleeping. Kanina pa ako gising, and I was just watching you."

Nagulat ako nang halikan na naman ako ni King sa pisngi.

"Nakakarami ka na ha." matigas kong sinabi.

"You're really beautiful. Pasensya ka na." tugon naman ni King. Tumayo siya at hinawakan ako sa kamay. "Come. You must be hungry."

Parang narinig naman iyon ng sikmura ko at biglang kumalam. Tama. Kagabi pa ako hindi kumakain. Ramdam ko na ang gutom.

Hawak pa rin ni King ang kamay ko hanggang sa makarating kami sa kusina kung saan sa lamesang babasagin ay nakahain na ang iba't ibang pagkain. Naroon ang tila isang dosenang hotdog, pritong itlog, bacon, at luncheon meat. Mayroon ding iba't ibang tinapay na pahaba ang hugis na nakikita ko lang noon sa litrato o di kaya ay sa TV. May sari-saring prutas na nakalagay sa isang malaking bandehado sa gitna ng mesa.

"I have no idea what you usually have for breakfast. So I just prepared the possible things you could choose from. Also, I'm not much for cooking, that's why fried lang lahat 'yan. If you want something else, we can call the restaurant downstairs and have the foods delivered. For your beverage naman, what do you prefer, espresso or cappuccino? Or maybe chocolate? Milk? Or if you want fruit juices I have a lot in the fridge. Kaya lang, I'm not sure if you like cold drinks with your breakfast. What do you want? Let me prepare it for you. I'm sorry, Kyle. I really don't know much."

Halatang halata ang pagkatensyonado ni King at sa dami ng sinabi niya, nakalimutan na yata niya na hindi pa rin niya binibitawan ang kamay ko. Ako na mismo ang nag-angat ng mga kamay naming magkakapit para mapansin niya.

Mon Amour (My Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon