CHAPTER 62

597 72 45
                                    

RICCO ANDRE

Nagising ako nang maramdaman ko ang lamig na nanggagaling sa aircon. Dumilat ako at medyo nagtaka nang makita ko ang sarili ko sa loob ng kotse. Naalala ko na sinundo nga pala ako ni King sa boarding house habang nakikipaginuman ako sa mga boarders nang nagdaang gabi.

Masakit ang ulo ko. Siguro, dehydrated na ako dahil dalawang magkasunod na gabi akong uminom nang napakarami at nagpakalasing. Kumakalam din ang sikmura ko. Tumingin ako sa labas ng bintana. Umaga na pero hindi pa ganoon kataas ang sikat ng araw. Tanaw ko ang malawak at kulay asul na dagat na maya't maya ang hampas ng alon sa pampang.

Teka, nasaan ako? Bakit ako nasa beach? At bakit ako nag-iisa? Si King, nasaan siya?

Tumingin ako sa buong paligid – harap, gilid, at likod ng kotse. Wala akong ibang matanaw kundi ang mahabang white sand beach at ang malaki at magandang beach house mula sa di kalayuan.

Dinukot ko ang cellphone ko mula sa bulsa ng pantalon ko para sana tawagan si King. Ah shit. Drained na ang battery. Paano, ilang araw na akong hindi nakakapagcharge ng cellphone dahil ilang gabi na din akong hindi umuuwi. Buti nagamit ko pa para tawagan si King nang paulit-ulit.

Shit.

Bigla akong napahawak sa labi ko, kasabay ng pagbabalik ng mga nangyari nang nagdaang gabi, bago ako makatulog. Yung mga nangyari ba, nangyari talaga?

I mean, hindi ba ako nananaginip lang? Sa totoo lang, hindi ko na alam kung alin ba sa mga iyon ang totoong nangyari, at alin ang panaginip lamang.

Pero yung part na hinalikan ako ni King, sigurado akong totoo yun. Gising ang diwa ko habang nangyayari 'yun pagkat naaalala ko ang pakiramdam. Nang halikan ako ni King, para bang huminto ang oras. May kung ano sa halik na iyon na tumagos hanggang kaluluwa ang pakiramdam. Iyon ang isang bagay na hindi ko naramdaman sa mga halik nila Joshua at Kenjie. Iyon ang isang bagay na si King lang ang nakakagawa sa akin. Iyon ang isang bagay na napakatagal ko nang hindi nararamdaman. Ngayon lang ulit, pagkatapos ng napakahabang panahon.

Muli kong hinawakan ang labi ko, kasabay ng pagtulo ng luha. Panahon na ba? Makakauwi na ba ang puso ko sa dapat nitong kapuntahan? Matatapos na ba ang mga gabing nangungulila ako at nangangarap na makasama ko siyang muli, nang sa gayon, magkaroon man lang ng saysay ang mabuhay ng isa pang araw sa mundong ito?

Binuksan ko ang glove compartment ng kotse para maghagilap ng charger. Buti na lang at mayroon at buti na lang, lightning cable (pang iPhone) din ang gamit ni King. Maayos na maayos pa ang pagkaka-coil na iisipin mo, bago pa. Kahit kailan, sobrang organized talaga niya. Ikinonnect ko ang cord sa lowbat kong cellphone at pagkatapos ay isinaksak sa USB port.

Muli kong naramdaman ang pagkalam ng tiyan ko. Tuyong tuyo din ang lalamunan ko. Saan kaya nagpunta si King? Bakit niya ako iniwan dito sa kotse?

Binuksan ko ang pinto at bumaba. Malamig ang simoy ng hangin, hindi tulad ng hangin sa Maynila. Walang ibang maririnig maliban sa tunog ng mga hampas ng alon at ihip ng hangin. Agad agad, nabalot ang katawan ko ng kapayapaang kailangang kailangan ko nang mga sandaling iyon. Dahan dahan akong naglakad papunta sa dagat, ang mga sapatos ko'y bahagyang lumulubog sa basang buhangin.

Nang malapit na ako sa tubig, ilang hakbang na lang ang pagitan, biglang nagbalik sa alaala ko ang trahedyang nangyari sa dagat noong bata pa ako, na siyang naging dahilan para mawalay ako sa pamilya ko nang napakatagal na panahon. Bigla kong naalala ang apoy, ang amoy ng nasusunog na kahoy at pintura, ang tunog ng pagsabog, at ang malamig na hangin na yumakap sa akin habang ako'y nasa bangkang maliit, kasama ng mga taong hindi ko kilala.

Dahil doon ay napaatras ako at nawalan ng balanse. Bumagsak ako at napaupo sa basang buhangin. Kasabay nun, narinig ko ang yabag ng mga paang tumatakbo palapit sa akin. Lumingon ako at nakita ko ang humahangos na si King. Bakas sa mukha ang pagaalala.

Mon Amour (My Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon