RICCO ANDRE
Pagkatapos kong umihi ay dumeretso ako sa lababo para maghugas ng kamay. Naghilamos na rin ako dahil pakiramdam ko ay inaantok ako.
Habang tinutuyo ko ang mukha ko gamit ang paper towel ay napagmasdan ko ang sarili ko sa salamin. Parang ang laki yata ng iginuwapo ko. Lalong kuminis at pumuti ang balat ko. Kaya lang, parang namayat naman ako. Ganoon na ba katagal na hindi ko napagtutuunan ng pansin ang hitsura ko kaya takang taka ako ngayon?
Napansin ko na pati ang suot kong damit, parang maganda at sobrang mamahalin. Hindi ko natatandaang may nabili ako o may nagbigay sa akin ng ganito. At talagang naka-amerikana pa ako. Buti, hindi ako pinuna ni Mamu kanina bago ako umalis – na bihis na bihis akong ganito eh sa putahan lang naman ako pupunta.
Sinuklay ko pataas ang alon ng buhok ko sa bandang noo gamit ang basa kong mga daliri.
"Bakit ba ang pogi mo, Kyle?" tanong ko sa sarili. Natawa ako pagkatapos. Buti na lang at walang ibang tao sa banyo. Umiling iling ako at huling sulyap sa sarili ko sa salamin ay lumabas na ako.
Natigilan ako. Nasaan ako?
Nilibot ko ang paningin ko sa paligid. Parang hindi ako pamilyar sa lugar. Teka, anong lugar nga ba ito? Bakit ako naririto? Isinama ba ako ng kliyente ko dito? Hotel ba ito?
Teka lang. Bakit hindi ko maalala ang mga nangyari bago ako nagbanyo? Paanong nangyari na narito ako ngayon?
Lumakad ako sa mahabang pasilyo. Bawat bagay na makita ko ay parang magaganda at mamahalin, na hindi ko papangaraping hawakan man lang dahil baka masira ko, o mabasag. Bawat madaanan kong pinto ay nakasarado. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, o kung sino ang tatanungin, o kung ano ang gagawin ko.
Naglakad ako nang naglakad, hanggang sa makarating ako sa dulo ng pasilyo. Lumiko ako at bumungad sa akin ang maluwang at may kataasang hagdanan. Binaybay ko iyon pababa.
Maya maya pa ay may nakasalubong akong isang babae – maayos ang bihis at parang kagalang galang. Malayo pa lang ako ay nakangiti na siya sa akin, at nang tumapat siya sa akin ay yumuko siya. "Good afternoon po, Sir."
Sir? Kung sabagay, sanay naman akong tawaging ganoon kahit ang totoo ay napakababa lang naman ng uri ng trabaho ko, at ako bilang tao sa kabuuan. Nararanasan ko lang na tawaging 'Sir', kapag nasa lugar ako na kailangang tawaging 'Sir' at 'Ma'am' ang mga tao ng mga empleyado – katulad ng mga fastfood, grocery, at hotel.
Gustong gusto kong itanong sa babae kung nasaan ako at kung anong lugar ito pero pinangunahan ako ng hiya. Isa pa, malayo na siya sa akin dahil hindi naman siya huminto sa paglalakad nang batiin niya ako. Saka tama ba? Sabi niya, 'good afternoon'. Hapon pa lang ba? Anong ginagawa ko sa lugar na ito kung hapon pa lang? Gabi ako pumapasok sa bar at saka pa lang ako dadalhin sa hotel ng kliyente ko, kung mayroon man.
Ipinagpatuloy ko ang pagbaba sa hagdan hanggang sa makarating ako sa isa na namang tahimik na pasilyo. Tulad sa pasilyo sa taas, lahat ng mga pinto ay pawang nakasarado. Hindi ko na gusto ang nararamdaman ko. Para akong kinakapos ng hangin na ewan. Hindi ako matatakutin pero parang hindi ko maiwasang makaramdam ng takot. Ang hirap na wala akong alam kung bakit ako naririto at kung paano ako napadpad sa lugar na ito. Kailangan kong makalabas sa building na ito nang sa gayon ay malaman ko kung nasaan ako at makauwi ako sa boarding house.
Sa paglalakad ko ay nakita ko, sa wakas, ang isang pintong hindi nakasara. Dali dali akong lumapit doon at kumatok pero parang wala yatang tao. Ilang ulit kong sinubukan at nang wala pa ring lumapit sa akin ay napilitan na akong pumasok.
Maliit lang ang silid. Parang bahay lang dahil may mga gamit na hindi pang hotel o opisina. May maliit na kama, lamesa, ilang upuan at cabinet. May lababo kung saan sa tabi ay may tauban ng plato na tulad ng mga binebenta sa palengke. Ibang iba ang hitsura kung ikukumpara sa ganda at rangya sa labas. Bagamat maliit at simple ay malinis naman ito.
BINABASA MO ANG
Mon Amour (My Love)
RomanceA Sequel to 'The Other Half' Angelo returns home from France after six years, wealthy and accomplished. Yet, despite his success, he is still a virgin. He's determined to lose his virginity by any means necessary. Then he meets Kyle, a striking and...