KYLE
Hindi ako makatulog. Madilim pa nang makauwi ako mula sa trabaho at sinimulan ko na agad humiga at magpaantok. Ilang oras na ang nakalipas at nakapikit lang ako, pabaling-baling pakanan at pakaliwa, hanggang maya maya pa'y nagsimula nang lumiwanag, uminit, at umingay sa paligid.
Sa isa pang pagkakataon ay bumaling ako sa kaliwa. Argh tang ina. Dumilat ako at tinignan ang oras sa cellphone ko. Alas otso pasado na. Tatlong oras mahigit ko nang pinipilit makatulog. Si Philip na nasa taas ng higaan ko ay kanina pa naghihilik samantalang mas nauna pa akong humiga kaysa sa kanya. Sumasakit na ang ulo ko sa sobrang puyat.
Sabi nila, kapag hindi ka makatulog, ibig sabihin ay may tao kang iniisip. Sa madaling salita, in-love ka. Akala ko ay hanggang salita lang iyon. Wala naman kaseng basehan. Ngunit ngayon, anumang pilit kong isisi ang pagkapuyat ko sa ingay at init ng paligid, hindi ko maitatanggi na sa isipan ko ay ginuguhit ko ang nakataas na buhok, ang magandang mga mata, matangos na ilong, at pamatay na ngiti na lalong pinaganda ng malalalim na dimple sa magkabilang pisngi. Sa isip ko ay iginuguhit ko si King, ang unang taong nagparamdam sa akin ng lahat ng nararamdaman ko ngayon.
Mula sa ilalim ng unan ko ay dinukot ko ang card na ibinigay ni King sa akin noong binigyan niya ako ng pabango at mga damit. At kahit ilang beses ko nang nabasa at kabisado ko na ang nilalaman nun, parang bago pa rin sa akin ang lahat. Hindi ako nagsasawa. Naglalaro sa imahinasyon ko kung paano kumilos ang kamay ni King para isulat iyon. Naiisip ko ang posibleng hitsura ng mukha ni King habang nagsusulat. Posible kayang hinalikan pa ito ni King bago isilid sa sobre?
Dahan dahan kong inilapit ang card sa bibig ko at parang wala sa sariling hinalikan ko iyon, na para bang si King ang hinahalikan ko.
Naalala ko bigla ang kwento ni Jane tungkol sa pabangong ibinigay ni King sa akin, kung paano binuo ni King ang plano na gagawa ng isang espesyal na pabango, at papangalanang 'Mon Amour' na ang ibig sabihin ay 'My Love' o 'Mahal Ko'. Ito ang pabangong pinlanong ibigay sa isang napakaespesyal na tao, sa isang taong unang mamahalin ni King. Hindi ko pa rin mapaniwalaan na ako ang pinagbigyan ng pabangong iyon ni King. Ibig sabihin lang, ako ang unang taong nagpatibok ng puso niya.
Hindi ko alam kung bakit nasasaktan ako sa nararamdaman. Dapat nga ay matuwa ako dahil mahal din ako ni King, bagamat hindi pa talaga niya direktang binabanggit na mahal nga niya ako. Kitang kita naman sa mga ikinikilos niya na mahalaga ako para sa kanya.
Hindi ko lang maintindihan kung bakit sa tuwing nararamdaman ko na handa na akong magtiwala, naroon ang takot. Ang takot na hindi ko alam kung ano ang dahilan at kung saan nanggagaling. Tila may isang tinig sa loob ko na pumipigil sa akin upang ibigay nang buo ang puso ko.
Ito kasi ang una. Kung hindi pa dumating si King ay hindi ko pa nga malalaman kung ano ang tunay kong pagkatao. Kung hindi pa nga dahil kay King, hindi ko malalaman na marunong pala akong magmahal.
Pansin ko ang malaking pagbabago. Dahil dati, ang buhay para sa akin ay pagkita lang ng pera para makakain at makabili ng mga gusto ko. Ngayon ay parang nagkaroon ng panibagong dimensyon. Isang dimensyon kung saan ay nakasalalay na ang puso ko at kung ano ang nararamdaman ko.
Siguro, iyon ang kinakatakot ko. Natatakot akong masaktan. Oo, sa ngayon ay ayos si King, pero hanggang kailan? Mayaman siya, malawak ang impluwensya, malaki ang mundo. Napakalaki ng posibilidad na bukas makalawa ay mawawalan na ako ng puwang sa buhay niya. At iyon ang hindi ko handang harapin. Ayaw kong umasa nang lubos at masaktan lang sa bandang huli.
Ganumpaman, may isang tinig din sa loob ko na nagsasabing sa kabila ng mga pagdududa, kawalan ng katiyakan, mga takot, at pangamba, kailangan kong subukan. Oo, nakakatakot mapaso; baka masunog ako kapag tuluyan akong lumapit sa apoy pero parang gusto ko pa rin subukan. Para bang ang isang dahilan para magtiwala ako ay sapat na para tabunan ang isandaang dahilan upang hindi.
BINABASA MO ANG
Mon Amour (My Love)
RomanceA Sequel to 'The Other Half' Angelo returns home from France after six years, wealthy and accomplished. Yet, despite his success, he is still a virgin. He's determined to lose his virginity by any means necessary. Then he meets Kyle, a striking and...