CHAPTER 32

668 83 10
                                    

RICCO ANDRE

"Akalain mo yun, sinong magaakalang makakauwi ka ulit sa pamilya mo?" si Mamu, minsang naisipan kong bisitahin siya sa boarding house. Bumili ako ng maraming groceries at nagpahatid ako kay Kuya Jason sa kotse hanggang sa labasan ng eskinita patungo sa boarding house na naging tahanan ko sa loob ng mahigit limang taon.

"Oo nga Mamu eh. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala." nakangiti kong sinabi. "Parang ang hirap pa ring paniwalaan na pagkatapos ng lahat ng pinagdaanan ko, nakauwi rin ako sa wakas."

"Masaya ako para sa'yo, Kyle." Sandali niya akong tinitigan. Pagkatapos ay ngumiti. "Mukha ka nang mamahalin, o. Ang ganda ganda ng bihis mo."

Yumuko ako at tinignan ko ang suot kong asul na polo. "Dati naman na akong nagbibihis ng ganito, Mamu."

"Iba pa rin syempre ang awra mo ngayong totoong anak-mayaman ka na. Dati, bukambibig mo lang 'yan. Pinagtatawanan ka nga lang ng mga border dito kasi akala nila nagiilusyon ka lang."

Lumingon ako at napansin kong may ilang mga border na pasimpleng nakatingin sa amin ni Mamu. Yung iba, sadyang padaan-daan pa sa harap namin pero nasa akin ang tingin.

"At higit sa lahat, hindi ka na kolboy ngayon."

Natawa ako. "Buti naman ngayon, kolboy na ang tawag mo. Hindi na.." Hindi ko na itinuloy ang sasabihin ko dahil hindi ko napigilang maluha. "Salamat, Mamu ha?"

"Saan? 'To namang batang 'to, ngayon pa ba iiyak? Eh noon na hirap na hirap kang lumaban eh ang tapang tapang mo." sabi niya habang pinapaypayan ako.

"Hindi mo alam Mamu kung gaano kalaki ang naitulong mo sa akin." sabi ko habang idinidiin ang panyo ko sa sulok ng mga mata ko. "Salamat nang marami."

"Wala 'yun, Kyle, naku. Eh teka, maiba tayo. Ano nga ba ang totoo mong pangalan?"

"Ricco. Ricco Andre Lucas-Ibarra."

"Ibarra? Hindi nga?" gulat na tanong ni Mamu.

"Oo Mamu, bakit?"

"Wag mong sabihing anak ka ni Engineer Samuel, yung napakayaman at may malaking kumpanya?"

Umiling ako. "Hindi. Pero Samuel ang pangalan ng Lolo ko. Hindi ko alam kung siya ang tinutukoy mo. Kilala mo pala siya?"

"Aba'y oo naman!" malakas niyang tugon. "Paano kong hindi makikilala si Engineer Samuel? Eh hindi mo naitatanong, doon ako tumira sa Samuel Executive Homes noong kabataan ko."

"Weh?" tanging nasabi ko pagkat hindi ko alam kung paniniwalaan ko ang mga sinasabi ni Mamu, o ano.

"Oo nga! Pero syempre bilang chimay. Katulong." Tumawa siya. "Kapitbahay ng amo ko ang mga Ibarra, kalapit lang namin ang mansyon nila. Naku, Kyle, pinakamalaki at pinakamaganda ang mansyon nila. Lagi akong tatanaw tanaw sa labas ng gate. Naging ka-close ko nga yung isang katulong nila doon. Si Mama Macel. Napakabait na matanda."

Sa pagkakabanggit kay Mama Macel, nalungkot ako. Naalala ko ang nangyaring gulo dahil sa kagagawan namin ni Rose. Nakakahiya sa alaala ni Mama Macel ang mga ginawa at sinabi ni Rose. At alam ko, sa paningin ni King, damay ako doon.

"Kung apo ka ni Engineer Samuel, ibig sabihin, anak ka nung anak nun? Yung gwapong pianista, Wilson ba yun?"

"Allison, Mamu." tila nalulula kong tugon.

"Ah oo Allison nga. Allie nga pala ang palayaw. Grabe, sobrang crush ko yun nung kabataan ko. Ang gwapo gwapo. Ang puti puti. Parang tuwing nakikita ko ay nakakakita ako ng isang prinsipe. Kaya isa pang pinangarap ko sanang magtrabaho sa kanila, para lagi kong matitigan nang malapitan."

Mon Amour (My Love)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon