RICCO ANDRE
Itinigil ni Joshua ang kotse nang may nakita siyang mga batang lansangan na namamalimos. Lumingon siya sa akin. Binuksan ko ang bintana at agad na dumungaw ang dalawang bata - isang lalaki at isang babae na parehong madungis at talaga namang hindi kaaya-aya ang amoy.
Napansin kong nagreact si Joshua. Nalukot ang ilong at suminghot singhot. Hindi lang siguro niya matakpan ang ilong niya dahil nag-aalala siya sa iisipin ko pero ang totoo, kahit ako, parang hindi ko rin matatagalan ang amoy ng mga batang iyon. Masakit at nakakairita sa ilong.
Iniabot ko ang mga pagkaing nakalagay sa paper bag at agad itong hinablot ng batang lalaki at binuklat habang naglalakad palayo. Sinundan naman siya ng batang babae na halatang hindi papayag na hindi siya mabibigyan. Kitang kita ko pa kung paano nito hilahin ang nanlalagkit na buhok ng batang lalaki habang panay ang pahid sa sipon gamit ang sariling braso. Isinara ko ang bintana ng kotse.
"Hindi man lang nagpasalamat." mahinang sinabi ni Joshua.
"What do you expect? Sino bang magtuturo sa kanila ng magandang asal?"
Hindi sumagot si Joshua at sa halip ay inadjust ang pwesto ng air freshener para tumapat sa air-con. Halatang nabahuan talaga siya sa mga bata. Tumingin siya sa akin habang ginagawa iyon.
"Are you still upset?" tanong niya.
Hindi ako kumibo. At hindi ko inaasahan, biglang tumulo ang luha ko na agad ko namang pinahid.
"You're crying again. OK ka lang ba? Ano ba talagang sinabi sa iyo ng mga 'yun?"
Hindi pa rin ako kumibo. Hindi ko alam kung dapat ko bang sabihin ang lahat - na maliban sa indecent proposal ay hinarass ako ng dalawa dahil sa idea na alam ng mga ito ang nakaraan ko. May tiwala ako kay Joshua, pero hindi ko sigurado kung enough ba iyon para ipagkatiwala sa kanya pati ang detalyeng iyon ng dati kong buhay.
"I'm OK, Joshua. Don't mind me."
"Sorry kung natagalan ako sa restroom. Bigla kasing sumakit ang tiyan ko. Kung nakabalik lang ako kaagad, hindi sana magkakaroon ng chance yung mga 'yun na lapitan ka."
"I didn't know you owned a gun." sabi ko, na parang hindi narinig ang sinabi niya.
"Kailangan ko iyon, Sir Ricco. I'm your bodyguard. And you are the CEO. Hindi ka basta basta lang. I should be able to protect you kung saka-sakali."
Muli, hindi ako kumibo.
"Did I scare you?"
Umiling ako. Hindi na bago sa akin ang makakita ng totoong baril. Sa kalye ako lumaki at ilang beses na din akong nakasaksi ng mga barilan - kapag may mga nireraid ng pulis at kung ano ano pa. Nakakita na rin ako ng mga patayan, at karamihan doon, baril ang gamit. Isang beses nga, kapwa ko batang kalye na namamalimos, binaril ng isang lalaki sa ulo. Kitang kita ko iyon. Kung paano siya namatay sa harapan ko.
"Nagulat lang siguro ako. But I actually expected the worst. Akala ko talaga, makakapatay ka na kanina. Parang galit na galit ka eh."
Mahina siyang tumawa at umiling iling. "Hindi naman siguro aabot sa ganun. Tinakot ko lang talaga yung dalawang 'yun. Ang aangas eh. Ang babastos pa. Pero halata namang hindi sila papalag." Muli siyang tumawa. "Pero hindi ko maipapangako, Sir Ricco, na hindi ko magagamit 'tong baril para ipagtanggol ka in the future. Kung saka-sakali, handa akong pumatay para sa'yo."
Lumingon ako sa kanya at tinitigan siya sandali. Nakatingin lang din naman siya sa akin. Gusto kong itanong kung bakit, anong mayroon sa akin para ilaban niya ng patayan, pero hindi ako sigurado kung ready ako sa magiging sagot niya kaya minabuti ko na lang na huwag itanong.
BINABASA MO ANG
Mon Amour (My Love)
RomanceA Sequel to 'The Other Half' Angelo returns home from France after six years, wealthy and accomplished. Yet, despite his success, he is still a virgin. He's determined to lose his virginity by any means necessary. Then he meets Kyle, a striking and...