Kabanata 28

579 16 2
                                    

Kinabukasan ay maaga ulit akong gumising. Huling araw na ito ng final exam namin sa first semester at sa susunod na linggo na rin kami magsisimula sa pagiging practice teacher. Kinakabahan ako pero mas nangingibabaw ang excitement ko. Lalong-lalo na si Cindy na malapit na malapit sa mga bata.

"Bye!" Nakangiti kong sinabi kay Forrest.

Hinatid niya ulit ako at nasa tapat na kami ng eskwelahan. Hindi ko pa nakikita ang sasakyan ni Carlos kaya siguradong wala pa sila ni Cindy. 

"Goodluck on your exam!" 

Tumango ako. Pagkatapos ay lumapit siya at alam ko na agad ang gagawin niya. Pumikit ako nang maramdaman ko ang malambot at malamig niyang labi. Sandali lang ang halik niya pero gusto ko nang mahimatay. Gustong-gusto ko ang halik niya. Mas lalo akong napangiti. 

Hindi man lang nawala ang ngiti ko kahit na pumasok na ako sa eskwelahan at umalis na rin siya. 

"Ba't ka ngumingiti-ngiti riyan?" 

Napatingin ako kay Cindy. Sinundot niya pa ang tagiliran ko kaya naman natawa ako.

"Wala..." 

Nanliit ang mga mata niya sa akin. Hindi naniniwala. 

"Asuuuuus! Ang saya ng lovelife ng bestfriend ko ah!" 

Mas lalo akong natawa. 

"Hindi lang naman ako ah! Ikaw rin..." Tinuro ko siya.

Ngumisi siya at matagal bago sumagot. Nandito ulit kami sa bench sa dulo lamang ng eskwelahan. Lilim kasi rito at mahangin pa dahil sa mga puno na nakapaligid. Break time na namin at kakatapos lang sa dalawang subject. Si Thunder ay hinihintay pa namin dahil bumibili pa ng pagkain namin. 

"Oo nga, Chandy eh! Hindi ko namamalayan na masaya na rin pala ako." Napatingin ako sa aking kaibigan.

Nakatingin siya sa mga puno at kitang-kita ko sa kaniyang mukha na masaya talaga siya.

"Alam mo 'yon..." Natawa siya at nilingon ako. "Pinapangarap ko lang siya tapos ito na... natupad na." 

Ngumiti naman ako sa kaniya. Iba-iba talaga 'yong mga pangarap ng bawat tao. Ang pangarap ko noon, manirahan dito kasama sina Grandma at Ate Celine. Natupad iyon kaya naman masaya talaga ako kahit na sa pag-alis ko sa syudad ay siyang pag-iwan ko kay Daddy. At ngayon, iba naman ang pangarap ko. Ang tumira rito habang buhay kasama na si Forrest. Gusto kong manatili sa payapang lugar na ito, basta't kasama si Forrest. Mababaw man pero iyon talaga ang pangarap ko. 

"Kumusta ang exam?" Biglang tanong ni Thunder. 

Tapos na ang exam at palabas na kami ng gate. Nauunang maglakad sina Cindy at Carlos. Ang mga pinsan naman ni Forrest ay nauna nang umuwi sa Tumana. Mukhang pagod pa yata sila sa ginawang pagligo sa patubig. 

"Okay naman. Sure naman sa mga sagot. Ikaw?" Nilingon ko siya.

Ngumisi siya kaya naman inirapan ko. Hindi ko na naman kasi siya nakitang nagreview. Ako kinakabahan sa grades niya eh!

"Wala ka talagang bilib sa'kin 'no?"

"Wala talaga hangga't hindi kita nakikitang nagrereview..."

Tumawa naman siya. Maraming mga babae ang nakatingin sa amin pero sanay na ako simula noong naging kaibigan ko siya. Hindi yata mauubos ang mga babaeng nagkakagusto sa kaniya at sa mga pinsan ni Forrest. Pero nakakabilib din dahil kahit isa ay wala silang pinapansin. Hindi talaga sila malapit sa ibang tao.

"Pustahan tayo mas mataas pa grades ko sa inyo." Tinuro niya pa si Cindy.

Muli ko siyang inirapan at hindi na lang pinatulan ang pinagsasabi niya. Nakalabas na kami ng gate at tumawid na. Nakita ko namang bumaba si Forrest at napatingin sa kamay ni Thunder na nakahawak sa aking braso. Mabuti na lang at binitawan na ako ni Thunder at dumiretso na sa kaniyang motor. 

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon