Napalunok ako nang makababa sa eroplano. Halos lahat ng mga taong nakakasalubong ko ay halos Pilipino. Hindi ako makapaniwala. Hindi ako makapaniwalang nakabalik na nga ako sa Pilipinas. Pitong taon na ang lumipas pero parang kailan lang. Parang walang nagbago. Umalis ako noon na punong-puno ng sakit at takot pero ngayong nakabalik na ako ay punong-puno pa rin ng sakit at takot ang aking kalooban. Kaya walang nagbago.
Nang makalabas kami ng airport ay kinuha ko ang maliit na papel na sinulatan ko ng aking numero kanina. Nilingon ko ang dalawa at inabot ko kay Francisca ang papel. Kinuha niya iyon at tiningnan ang nakasulat. Tipid akong ngumiti sa kaniya at tatalikod na sana nang magsalita si Lazaro.
"Saan ka pupunta, Chandria?" Seryoso niyang tanong.
Wala akong balak sumagot at naramdaman iyon ni Francisca kaya naman siya na ang sumagot.
"Wala siyang balak na sumama sa atin sa hotel na kinuha mo. Mukhang may balak na gawin si Chandria." Nilingon ako ni Francisca at ngumiti.
Wala namang reaksyon si Lazaro at tiningnan lang ako. Tuluyan naman na akong tumalikod at sumakay na sa taxi na nakaabang. Nang makaupo sa back seat at umandar na ang taxi ay kinuha ko ang cellphone ko at nag-text agad sa aking kapatid na nasa Pilipinas na ako.
Tumingin ako sa bintana at nakalayo na kami sa airport. Hindi ko alam pero nagbago ang desisyon ko. Didiretso ako sa bahay namin upang makita muna sana sina Christian, Tita Rochelle, Daddy at Manang Stella. Marami akong naisip habang nasa eroplano pa kami. Kung katapusan ko na nga, gusto ko na sanang makita ang mga taong importante sa aking buhay.
Hindi biro ang desisyong gagawin ko. Hindi biro ang makipag-usap at harapin si Francisco. Pero kung ito ang paraan para wala nang madamay, edi mabuti nga itong desisyon na gagawin ko. Ganoon naman talaga hindi ba? Pipiliin natin na tayo ang masaktan o mapahamak kaysa ang ibang tao na mahal natin.
Pumasok kami sa village at itinuro ko ang aming bahay na nagiba na ang kulay pero wala namang pagbabago.
"Dito na lang po. Salamat, Manong!" Binigyan ko ng sobrang bayad ang matanda.
Bumaba na ako at hinatak na ang maleta. Bahagyang namuo ang luha sa aking mata. Ilang taong naputol ang komunikasyon namin ni Daddy. Walang kumustahan o ano pa man. Walang kahit na ano kaya hindi ko na alam kung hanggang ngayon ba ay galit pa rin siya sa akin. Pinindot ko ang door bell ng aming gate habang inaalala ang masasayang alala kasama sina Daddy, Mommy at Ate Celine.
May lumabas na isang babae na sa tingin ko ay mas matanda lang ako ng ilang taon. Nakasuot siya ng unipormeng puti na gaya ng mga uniporme ng mga katulong sa mga bahay. Ngumiti sa akin ang babae at mabilis na binuksan ang gate. Tipid naman akong ngumiti sa kaniya.
"Bago ka?" Tanong ko sa kaniya.
Nakangiting umiling ang babae. "Naku! Hindi po. Tatlong taon na po ako rito. Kayo po ba ang bunsong anak ni Sir Charles?" Sunod-sunod niyang sinabi.
Nagulat ako sa kaniyang sinabi. Kilala niya pala ako. Kaya siguro pinagbuksan niya agad ako ng gate.
"Uhm... ako nga. Nandito ba si Daddy?"
Tumango ang babae.
"Opo. Katatapos niya nga lang pong uminom ng gamot."
Kumunot ang noo at tinikom naman agad ng babae ang kaniyang bibig. Tinakpan pa niya ng palad ang kaniyang bibig. Napalunok ako at mabilis na pumasok sa loob ng bahay. Walang nagbago. Ang aming kagamitan ay ganoon pa rin pero nakakapanibago na ngayon. Tahimik ang bahay at halos wala akong makitang tao. Napatingin ako sa pintuan ng kusina nang marinig ang pamilyar na boses.
BINABASA MO ANG
Immortality in the Woods (Completed)
RomanceNaging malaking desisyon ang paglipat ko sa probinsya ng Nueva Ecija. Pakiramdam ko, mali ang naging desisyon ko pero napagtanto ko na tama lang pala dahil nakilala ko siya, inakala kong normal lang siya na tao pero hindi. Hindi ko akalain na 'yong...