Kabanata 52

502 14 1
                                    

Napatingin ako kay Thunder nang pumasok ako sa loob ng bahay. Nahuli kong sinusuri ni Thunder ang katawan ko. Si Konrad naman ay nakaupo na sa sofa at seryoso ang mukha. Hinarap ko siya kaya naman bahagya siyang yumuko at ibinalik din ang tingin sa akin. 

"Maraming kasama ang pinuno ninyo?" Tanong ko sa kaniya.

Matagal bago sumagot si Konrad. Para bang nagtataka siya kung bakit interesado ako.

"Hindi pa namin alam." 

Tumango ako kay Konrad. Kinagat ko ang labi ko at nilingon si Thunder na nakatitig pa rin sa aking katawan. Kumunot ang noo ko at umakyat na lang sa pangalawang palapag. Pumasok ako sa kwarto namin ni Forrest at alam kong nakasunod sa akin si Thunder. 

Umupo ako sa kama at tiningnan si Thunder na nakakunot ang noo. Sinarado niya ang pinto ng kwarto.

"Bakit mo naman iniwan si Konrad doon?" Tanong ko sa kaniya.

Tumayo siya sa harapan ko at nakapamaywang na. Hindi ko alam kung bakit parang galit si Thunder ngayon. 

"Anong nangyari rito?" Tanong niya na hindi ko naintindihan.

Kumunot ang noo ko. 

"Ha?" Naguguluhan kong tanong.

Umigting ang kaniyang panga. 

"Buntis ka ba?"

Nanlaki ang mata ko sa kaniyang tanong. Napatayo ako at talagang nagulat sa tanong ni Thunder. Buntis? Paano niya namang nasabing buntis ako? Eh mag-iisang linggo pa nga lang ang lumilipas noong may nangyari sa amin ni Forrest.

"Ano bang tanong 'yan, Thunder? Bakit ako mabubuntis?"

"Kaya nga tinatanong kita. Buntis ka ba?" Galit niyang sinabi.

"Hindi." Mabilis kong sagot. 

Saan niya ba nakuha ang tanong niyang iyon? Imposibleng mabuntis ako. 

"Busog lang ako!" Sabi ko sa kaniya.

Napailing siya at iritadong natawa. 

"Hindi ako naniniwala."

"Edi huwag." Sabi ko at umupo ulit sa kama.

Napalunok ako at nag-isip. Kahit may nangyari na sa amin ni Forrest, imposible pa ring mabuntis ako agad at lumaki agad ang tiyan ko na ganito. Pero inaamin ko na pagkatapos naming gawin iyon ni Forrest, napansin ko nga'ng parang lumalaki ang tiyan ko. Pero dahil sigurado akong hindi naman talaga ako buntis, hindi ko na pinansin. At isa pa, Bampira si Forrest. Immortal siya. Pwede ba iyon?

"May nangyari ba sa inyo?" Tanong ni Thunder pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan.

Iyon na yata ang nakakatakot na naging tanong sa akin ni Thunder. Napalunok ako at kinakabahang tumawa. 

"Ano bang tanong 'yan, Thunder?" Iritado kong sinabi sa kaniya. 

Masama niya akong tiningnan. 

"Oh ba't ka nagagalit? Tinatanong lang kita."

Inirapan ko siya. Halos umusok ang tainga ko sa sobrang iritasyon para sa kaniya.

"Hindi porket lumaki ang tiyan ko, buntis na ako!" 

"Kung normal na tao ang boyfriend mo, hindi ako magtataka pero Bampira si Forrest."

Kumunot ang noo ko at kinabahan sa kaniyang sinabi. Hindi ako nakapagsalita at nag-iwas na lang ng tingin kay Thunder. 

"Tatanungin ulit kita...." Matigas niyang sinabi.

Hindi ako nagsalita at tumingin na lang sa sahig. Sa reaksyon pa lang ni Thunder, alam kong magiging problema ito. Pero imposibleng buntis ako. 

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon