Kabanata 5

1K 28 0
                                    

Kinabukasan ay maaga akong gumising. Nagdesisyon akong pumasok na nang maaga dahil wala rin naman akong magagawa, mahalaga ang attendance. Naligo ako at nagbihis. Ganoon ulit ang sinuot ko, isang pencil skirt at blue blouse. Pagkatapos kong magsuklay ay kinuha ko na ang bag at susi at lumabas na ng kwarto at bumaba. Si Grandma ay nasa sala at may librong binabasa. Inangat niya ang tingin niya sa'kin at ngumiti. Binaba niya rin ang librong binabasa at nilagay sa kaniyang likuran.

Lumapit ako sa kaniya at humalik sa kaniyang noo. 

"Good morning, Grandma!" Bati ko. 

Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti sa'kin. "Papasok ka na?" 

Tumango ako at napatingin sa libro na nasa likuran niya.

"Is that a love story?" Nakangiti kong tanong.

Kita ko ang bahagyang gulat ni Grandma. Nawala rin agad at napalitan ng ngiti.

"Yeah..."

Tumango ako at hindi na nagtanong pa. Pareho kaming mahilig magbasa ng libro kaya naman natanong ko kung tungkol ba sa love iyon. Ang mga binabasa ko kasi ay mga tungkol sa pag-ibig pero may trahedyang kasama. 

Nang lumabas na si Manang Cora sa kusina ay nagpaalam na ako sa kanila. Si Grandma naman ay lumipat na roon sa terasa at tinitingnan ako. Ngumiti muna ako sa kaniya bago pumasok sa sasakyan. Bukas na ang gate kaya pinatakbo ko na ang sasakyan at nagpasalamat at nagpaalam na rin kay Mang Repil.

Habang tumutungo sa eskwelahan ay naisip ko ang naramdaman kong haplos sa pisngi ko kagabi. Alam kong panaginip iyon pero parang totoo. Hindi ko magawang ibukas ang mga mata ko kagabi dahil ang mga haplos ay para bang hinihila ako sa mas malalim na tulog. Sa pagkakatanda ko, hindi lang kagabi, nang maramdaman kong may humahaplos sa aking pisngi. Hindi ko masyadong iniisip iyon dahil para sa'kin, panaginip lang iyon. Ngayong naramdaman ko ulit iyon, parang binibigyan ako ng mga bagong iisipin. 

Iyon ang laman ng isip ko kahit nang makarating na ako sa eskwelahan. Pangalawang araw at pakiramdam ko'y dumami ang mga pumasok kumpara kahapon. Dumiretso na ako sa room ko at naghintay na sa mga guro namin. Naroon na rin sina Jack at Rey, kasama ang dalawa pa nilang kaibigan. Nagtatawanan sila at nang makita ako ay bumati. Ngumiti lamang ako at umupo na kung saan ang pwesto ko kahapon. 

Hindi ko na nagawang batiin pa sila dahil ang ibang mga kaklase kong babae ay napapatingin sa'kin at iyon pa naman ang pinaka ayoko kaya ngumiti na lang ako sa apat na lalaki. 

Sa araw ring 'yon, nakita ko ulit sila sa canteen. Sa dulo ulit ako umupo at ang pwesto nila kahapon na nasa harapan ko lang ay bakante. Ngumuso ako at alam ko na agad ang mangyayari. Inikot ko ang tinidor sa carbonara at sinubo iyon. Gusto ko nang makaalis dito at nagpapasalamat ako na kaunti na lang ay matatapos na ako. 

Umiinom ako ng pineapple juice nang dumating sila at umupo na. Hindi ko sila tinitingnan at tahimik kong pinagpapatuloy ang pagsubo sa carbonara. Nagagawa ko pang uminom ng juice para mas mabilis malunok ang kinakain. Hindi ko akalaing ginagawa ko ito para maiwasan sila. 

At dahil nga, kulang ng upuan at lima sila, lumapit ulit 'yong Kylo. Kahit hindi na normal ang nararamdaman ko ay hindi ko pinahalata iyon nang lumapit siya at nagsabing kukuha ulit ng upuan. 

Tumango lang ako sa kaniya. Iniikot ko ulit ang tinidor sa carbonara, at natigil lang nang hindi pa siya umaalis. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. Ngumisi naman siya, para bang hinihintay na tingnan ko siya.

"Dalawang upuan ang kukunin ko ngayon. Is that okay, Miss?" Hindi nawawala ang ngisi sa kaniyang labi. 

Napatingin ako sa mga kaibigan niya na nakaupo na. Lima lang naman sila at bakit dalawang upuan ang kailangan niya? Sumagot na lang ako para matapos na. Ano nga ulit ang pakialam ko 'di ba?

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon