"Naging maayos ba ang usapan nila?" Tanong ko kay Konrad.
Umiling naman si Konrad.
"Hindi ako sigurado. Baka bukas pa makakabalik si Forrest dito. Sisiguraduhin muna nila na talagang wala na rito ang pinuno o kahit mga tauhan nito."
Nagkatinginan naman kami ni Thunder. Tumango siya sa akin kaya naman ngumiti ako sa kaniya. Ilang minuto pa kaming nanatili sa sala hanggang sa binuhat na ako ni Thunder patungong kwarto. Marahan niya akong ibinaba sa malambot na kama.
"Salamat, Thunder." Ngumiti ako sa kaniya.
Ngumiti pabalik si Thunder at kinumutan niya ako. Pagkatapos ay umupo na siya sa aking gilid at marahang hinahaplos ang aking kamay.
"Matulog ka na. Nandito lang ako."
Tumango ako kay Thunder at pumikit na. Bukod sa nanghihina na ako, bumabagsak na rin ang mga mata ko. Hinihiling ko na sana'y sa pagmulat ng mga mata ko bukas ay si Forrest na ang makita ko at natupad nga ang hiling ko.
Nang dumilat ako ay nakita ko si Forrest. Hawak-hawak niya ang kamay ko at ang mukha niya ay punong-puno ng takot.
"Forrest..." Ngumiti ako sa kaniya kahit na hinang-hina ako.
Napalunok siya at pumikit nang mariin. Nang dumilat siya ay yumuko siya. Mas humigpit ang hawak niya sa aking kamay. Napatingin ako sa mga kasama namin ngayon sa kwarto at gulat na gulat ako nang makita ko lahat ang mga pinsan niya. Sina Dalton, Halton, at Kylo ay seryosong nakatingin sa akin. Si Arisse naman ay nasa dulo ng kama at nakaupo habang malungkot akong pinagmamasdan. At si Cindy na umiiyak habang nakasiksik ang mukha sa dibdib ni Carlos.
Iniwas ko ang tingin sa kanila at ibinalik ang tingin sa lalaking mahal na mahal ko at ama ng aking anak.
"Forrest..." Tawag ko sa kaniya.
Nanatili kasi siyang nakayuko. Dahan-dahan niyang inangat ang kaniyang ulo at tiningnan ako.
"Patawarin mo ako..."
Bahagyang kumunot ang noo ko sa narinig mula sa kaniya. Bakit?
"Bakit? May nagawa ka bang k-kasalanan?" Nagtataka kong tanong sa kaniya.
Isang beses siyang umiling at lumipat ang tingin niya sa aking katawan kung saan nagbago simula nang lumaki ang tiyan ko.
"Pinangako ko sa sarili ko na hindi kita ipapahamak pero... ako pa pala ang dahilan kung bakit nahihirapan ka ngayon."
Mabilis akong umiling nang maintindihan ang kaniyang sinabi. Sinisisi niya ngayon ang sarili niya dahil sa kalagayan ko ngayon.
"Forrest, hindi ikaw ang may kasalanan kung bakit ganito ang kalagayan ko at hindi rin kasalanan ng anak natin 'to. Please, huwag mong sisihin ang sarili mo." Diretso kong sinabi kahit na nanghihina ako.
Ayaw kong sisihin niya ang sarili niya. Kahit nahihirapan ako ngayon at kahit maraming nagbago sa aking katawan, hindi ako nagsisisi na may nabuo kami.
"Ikamamatay mo 'to!" May bahid na ng galit ang boses ni Forrest.
Natahimik ako. Sa sinabi niya ay alam ko na. Alam kong alam niya na ang mangyayari sa akin. Kaya niya ngayon sinisisi ang kaniyang sarili.
"At hindi ko hahayaang mamatay ka. Hindi ko hahayaang mapatay ka niya..." Bumaba ang tingin niya sa aking malaking tiyan.
Umiling ako.
"Hindi ako mamamatay, Forrest. Naghahanap ng paraan si Francisca. May pag-asa pa." Sabi ko sa kaniya.
Unti-unti akong umahon sa pagkakahiga at tinulungan naman ako ni Forrest. Bumaba ang kumot sa aking hita kaya naman kitang-kita nila ngayon ang malaki kong tiyan. Lahat sila ay napatingin sa aking tiyan. Napanganga sina Kylo at Halton habang tinitingnan ang tiyan ko. Si Forrest naman ay iniiwasang mapatingin sa aking tiyan.
BINABASA MO ANG
Immortality in the Woods (Completed)
RomanceNaging malaking desisyon ang paglipat ko sa probinsya ng Nueva Ecija. Pakiramdam ko, mali ang naging desisyon ko pero napagtanto ko na tama lang pala dahil nakilala ko siya, inakala kong normal lang siya na tao pero hindi. Hindi ko akalain na 'yong...