Tinigil ni Thunder ang motorcycle nang makarating kami sa kanilang factory. Ang ibang mga tauhan nila na nasa labas ay napatigil para bumati. Mukhang nagpapahinga ang mga ito base na rin sa ayos.
"Magandang tanghali, Sir!"
"Kayo pala, Sir Thunder!"
Sabay-sabay nilang bati kay Thunder kaya naman binagalan niya ang pagtakbo ng motorcyle. Tumango si Thunder sa kaniyang mga tauhan.
"Magandang tanghali! Mag-pahinga kayo nang maayos para may lakas sa trabaho."
Natawa naman ang mga ito sa sinabi ni Thunder.
"Opo, Sir! Kayo talaga..."
Tumango si Thunder bago pinatakbo ulit ang motorcylce. Ang kanilang factory at ang bahay nila ay sa iisang lupain lang din nakatayo. Ang factory ang nasa bukana at ang bahay nila ay nasa dulo pa ng kanilang lupain. Medyo malayo sa kanilang factory. Ang nakapaligid sa factory ay mga malalawak na palayan kaya naman halos berde ang mga makikita mo. Dumiretso kami sa kanilang bahay at tinigil niya ang motorcycle nang nasa tapat na kami ng kanilang bahay.
Bumaba ako habang dala ang aking bag. Bumaba rin siya sabay tanggal ng helmet. May lumapit na isang matandang babae at kinuha ang kaniyang helmet. Nilingon ako ni Thunder habang abala ako sa tanawin.
Kumpara sa Tumana, mas ramdam na ramdam ko ang masiglang hangin kapag nandito ako sa Pambuan. Wala kasing masyadong kabahayan na nakatayo rito at halos mga puno lang at malalawak na palayan.
Hinarangan niya ang tinitingnan ko ng kaniyang malapad na katawan kaya naman sa kaniya na ako nakatingin. Ngumiti ako sa kaniya kaya naman ngumiti rin siya. Inangat niya ang mga kamay niya at siya na mismo ang nagtanggal ng helmet sa aking ulo. Mabilis lang iyon at binigay niya agad sa matandang babae. Umalis din naman agad ang matanda kaya naman kami na lang ang naiwan.
"Hilig mo talaga sa mga puno." Sabi niya at ngumisi.
Natawa naman ako at mahinang sinapak ang kaniyang dibdib.
"Nasa bahay si Rain?" Tanong ko.
Umiling siya. "Nasa factory."
Tumango naman ako. Inakbayan niya na ako at tumungo na kami sa loob ng kanilang bahay. Gaya ng bahay nina Forrest, gawa rin sa matibay na kahoy ang kanilang bahay. May maliit silang terasa at may bilugang lamesa roon at dalawang upuan. Pumasok kami sa loob ng kanilang bahay. Bumungad sa amin ang malawak nilang sala. May dalawa silang parihabang sofa at sa gitna noon ay bilugang lamesa ulit. Sa harapan ay malaking telebisyon at sa magkabilang gilid naman niyon ay dalawang cabinet na may lamang mga libro at sa taas noon ay mga picture frames.
Malaki rin ang kanilang bahay kahit walang pangalawang palapag. Mas simple ang bahay nila kumpara sa mansion ni Grandma at sa bahay ng mga Ford. Kinuha niya ang bag ko at nilagay sa sofa pagkatapos ay niyaya niya na ako sa kusina.
Naabutan namin doon ang matandang babae na siyang nag-aayos ng mga lulutuin ni Thunder. Umupo ako sa high chair bar at tinukod ang siko sa bar table ng kanilang kusina. Pinagmasdan ko si Thunder habang sinusuot niya ang apron.
Napangiti tuloy ako pero mabilis ding napawi nang maalala ko ang kailangan kong sabihin sa kaniya mamaya. Bago niya ako maihatid sa mansion ay sasabihin ko na sa kaniya.
"Gusto mo tulungan kita?" Tanong ko at piniling huwag munang isipin ang sasabihin ko mamaya.
Nilingon ako ni Thunder at ngumisi siya sa sinabi ko.
"Hindi na. Manuod ka na lang para matuto ka." Bakas sa kaniyang boses ang panunuya.
Kumunot ang noo ko. Alam ko ang ibig niyang sabihin doon.
BINABASA MO ANG
Immortality in the Woods (Completed)
RomanceNaging malaking desisyon ang paglipat ko sa probinsya ng Nueva Ecija. Pakiramdam ko, mali ang naging desisyon ko pero napagtanto ko na tama lang pala dahil nakilala ko siya, inakala kong normal lang siya na tao pero hindi. Hindi ko akalain na 'yong...