Kabanata 47

438 15 5
                                    

At dahil gabi, walang traffic kahit na sa NLEX. Wala pa yatang tatlong oras ang lumipas nang makarating ako sa Pambuan at sa malayo pa lang ay tanaw na tanaw ko ang malaking factory nina Thunder at Rain. Hindi ako pwedeng magpakita ngayon kay Thunder dahil hindi niya alam ang plano ko at wala akong balak ipaalam sa kaniya. Kilala ko si Thunder at sigurado akong makikialam siya. Sa ayaw at sa gusto ko at ayaw kong pati siya ay mapahamak.

Nilagpasan ko ang malaking factory at ilang sandali lang ay nakapasok na ako sa loob ng Penaranda. Hindi ko mapakalma ang pagtibok ng aking dibdib. Kinakabahan ako pero hindi natatakot. Pakiramdam ko pa nga ay nasasabik ako na makapasok muli sa aming mansion. Wala akong balak bumalik sa lugar na ito pero kailangan.

Maraming nagbago sa lugar pero hindi ko na alam kung anu-ano iyon. Basta't may nagbago. Iniliko ko ang kotse sa Purok sais at halos hindi ako makapaniwala na talagang nandito na ako. Nakarating ako sa Tumana at ito lang yata ang lugar na walang pagbabago. Kung nagbago man, mas lalo lang dumami ang mga malalaki at matataas na puno. Layo-layo pa rin ang mga kabahayan at bilang pa rin sa aking daliri ang nakikita kong kabahayan. 

Ilang sandali pa ay nasa tapat na ako ng aming mansion. Ang luma at mataas na gate ay nakasarado. Lumunok ako at huminga nang malalim bago bumaba ng sasakyan. Napatingin ako sa daan patungo sa bahay ng mga Ford. Naroon kaya sila? Naroon pa kaya sila? Hindi ako siguro pero malaki ang tsansa na nandoon sila. Dahil kung wala ang mga Ford dito, bakit pupunta rito si Francisco para sa kanila hindi ba?

Binuksan ko ang gate at nagulat ako nang nabuksan ko iyon. Hindi ko na naisip na baka nakakando iyon. Basta't tinulak ko na lang at bumukas naman. Binukas ko pa nang mas maluwang at bumalik ulit ako sa sasakyan at ipinasok na ang kotse. Mabilis akong bumaba, hatak-hatak na ang aking maleta. 

Pinagmasdan ko nang mabuti ang mansion na kahit sa gitna nang dilim ay maliwanag pa rin dahil sa malaking buwan na nagbibigay liwanag. Sa mansion na ito ay nakaparaming alala na nabuo. Alaalang kasama sina Grandma at Ate Celine. Sina Mang Repil at Manang Cora. At higit sa lahat, alala kasama si Forrest. 

Umakyat na ako sa terasa at mabilis akong napangiti. Binuksan ko ang malaking pinto at muling bumukas iyon. Kumunot ang noo ko at halos malaglag ang puso ko nang tumunog ang aking cellphone sa isang tawag. Mabilis kong kinuha iyon at sinagot ang tawag ng kapatid ko. 

Nagpatuloy naman ako sa pagpasok sa loob at hinanap ang switch button. 

"Ate?" Sagot ko sa tawag.

"Nakarating ka na ba sa mansion? Pinapunta ko riyan ang apo ni Manang Celia at ipinatanggal ko ang kandado ng gate."

Binuksan ko ang ilaw at ang ilaw lamang sa sala ang bumukas kaya naman medyo madilim pa rin lalo na't luma na ang ilaw. Kulay dilaw na nga ang liwanag niya.

 "Pati ang kandado ng pinto?" Tanong ko kay Ate.

"Hmmm... oo kasi sabi ko lahat pati kandado sa kwarto mo."

Napatango naman ako.

"Teka nga... nandiyan ka na ba?" 

"Oo, ate nandito na ako."

Narinig ko naman ang malalim na hinga ni Ate. "Sige. Bukas babalik ulit diyan ang apo ni Manang Celia. Magdadala ng mga pagkain."

"Okay, ate! Salamat."

Marami pang sinabi si Ate at nakinig lang naman ako. Nang matapos ang tawag ay muli kong pinagmasdan ang bawat sulok ng mansion. Nilapag ko ang kanang kamay ko sa istante at wala namang alikabok. Talagang nililinis ng apo ni Manang Celia ang mansion. Mag-isa lang ako ngayon pero hindi ako nakararamdam ng takot. 

Dahan-dahan akong umakyat sa hagdanan habang bitbit ang aking maleta. Nang makarating sa pangatlong palapag ay natanaw ko na ang aking kwarto. Tipid akong napangiti at mabilis na binuksan iyon. Bumungad sa akin ang aking kama, kabinet at mga ibang bagay na naiwan ko rito. Isinarado ko ang pinto at binuksan ang ilaw.

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon