Nang imulat ko ang aking mata ay naghahanda na silang lahat para sa mangyayari. Sina Arisse at Cindy ay inaayos ang mga gamit sa isang lamesa. Sina Dalton, Halton, at Kylo ay nag-uusap. Sina Carlos, Thunder, at Forrest ay nasa balkonahe at hinihintay ang pagdating ni Hugo. Tiningnan ko si Rain na seryosong nakatingin sa akin. Ngumiti ako sa kaniya bago nag-iwas ng tingin.
Hinawakan ko ang aking tiyan na malaking-malaki na. Parang hindi lang isang bata ang laman ng aking tiyan. Napatingin ako kay Cindy nang lumapit siya sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko. Gustuhin ko mang umupo pero hindi ko na kaya, kaya naman buong araw lang akong nakahiga hanggang sa manganak ako.
"Kakayanin mo ha?" Nanginginig na sinabi ni Cindy.
Lumunok ako at tipid na tumango kahit na iba ang aking nararamdaman sa aking katawan. Hindi ko rin alam kung kakayanin ko ba pero para sa kanilang lahat, sasabihin kong kakayanin ko. Hindi pa nga ako nanganganak ay sobrang sakit na ng aking nararamdaman. Tinitiis ko lang hanggang kaya ko. Ilang araw ko rin namang nararamdaman ang sakit kaya pakiramdam ko'y nasanay na ang aking katawan.
Napatingin kami kay Thunder nang mabilis na lumabas ng balkonahe at ng kwarto. Lumabas na rin si Forrest at nakangiting lumapit sa akin.
"Nandito na si Hugo. Isa siya sa pinakamatandang Lobo kaya sigurado akong matutulungan niya tayo." Ngumiti pa siya lalo.
Tumango ako at ngumiti na rin. Hinalikan niya ang aking noo at ilang sandali pa ay siyang pagbalik ni Thunder kasama ang isang Taong Lobo na si Hugo. Mahaba ang kaniyang buhok at may itim na bandana sa kaniyang ulo. Mukhang nasa trenta pa lang ang kaniyang edad. Nakasuot siya ng mahabang bestida na makulay at marami siyang suot na bracelet na kakaiba ang disenyo.
Nakatingin kaming lahat sa kaniya. Gulat na gulat ang reaksyon ni Hugo habang nakatitig sa aking tiyan. Napatingin siya kay Forrest.
"Labag ito sa inyong lahi." Seryoso niyang sinabi.
Napatingin ako kay Forrest na tumango kay Hugo. Tumayo si Forrest at marahang binitawan ang aking kamay.
"Mahal ko siya at hindi ko akalaing... mabibigyan ko siya ng anak lalo na't tao siya at Bampira ako." Sabi ni Forrest.
Huminga nang malalim si Hugo at isang beses na tumango. Isa-isa niyang tiningnan ang mga Ford.
"Pamilyang unang sumuway..." Sabi niya sabay balik ng tingin kay Forrest. "Ikaw ang susunod na pinuno hindi ba?" Tanong ni Hugo kay Forrest.
Seryosong tumango si Forrest sa kaniya.
"Sigurado akong magkakaroon ng gulo kapag nalaman iyan ni Francisco..." Humalakhak siya sabay tingin kay Thunder.
Huminga naman nang malalim si Forrest.
"Sa ngayon walang gulong mangyayari. Nakausap ko na ang pinuno namin at tuloy ang desisyon niyang ipasa sa akin ang trono. Hindi niya alam ito kaya masasabi kong ligtas pa rin kami." Paliwanag ni Forrest.
Tumango si Hugo at lumapit sa akin. Umupo siya sa kama at unti-unti niyang hinawakan ang aking tiyan. Pumikit siya at nang dumilat ay nakangiti akong tiningnan.
"Ilalabas mo sila mamayang paglubog ng araw."
Ngumiti ako pero mabilis ding kumunot ang aking noo. Nagkatinginan kaming lahat. Pati sila ay natigilan sa sinabi ni Hugo. Mabilis na lumapit sa akin si Thunder.
"Sila? Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong ni Thunder.
Tumingin si Hugo kay Thunder.
"Kambal ang anak nila, pinuno." Sabay balik ng tingin sa akin.
Napatingin ako kay Forrest na napatulala sa aking tiyan. Mabilis akong naiyak sa nalaman. Lumuhod si Forrest sa aking gilid at marahan niya akong hinalikan. Tinanggap ko ang mga halik niya habang patuloy na umiiyak. Hindi ako makapaniwala. Ganoon din ang mga pinsan niya. Sina Arisse at Cindy ay umiiyak na rin.
BINABASA MO ANG
Immortality in the Woods (Completed)
RomanceNaging malaking desisyon ang paglipat ko sa probinsya ng Nueva Ecija. Pakiramdam ko, mali ang naging desisyon ko pero napagtanto ko na tama lang pala dahil nakilala ko siya, inakala kong normal lang siya na tao pero hindi. Hindi ko akalain na 'yong...