Kabanata 49

486 16 3
                                    

Marahan niyang binitawan ang braso ko nang makita niyang sumuko na ako. Paniguradong nabasa niya na ang nasa isip ko... na talagang susundin ko nga ang sinabi niya. Tinalikuran ko siya at kumuha ng baso at uminom ng tubig. Nakalimutan ko na ang dahilan kung bakit nandito ako sa kusina. Saka ko lang naalala nang tingnan ko ang lamesa. 

Hindi ko alam kung ano pang sasabihin ko sa kaniya. Hindi ko alam kung babalik ba kami sa isa't-isa o hihintayin muna naming matapos ang lahat ng ito. At isa pa, hindi ko alam ang plano niya. Hindi ko alam kung ano ang gagawin niya at dahil sumuko na ako, ano pa ba ang gagawin ko rito? Umuwi lang naman ako para harapin ang kanilang pinuno. 

Ibinaba ko ang baso sa lamesa pagkatapos uminom. Ramdam na ramdam ko naman ang titig niya sa akin. Hindi kami maaaring magkabalikan kung ganito ang sitwasyon namin. Kinagat ko ang labi ko at napatingin sa kaniya nang hindi ko na nakayanan ang ginagawa niyang pagtitig. 

"Hindi ko na haharapin... ang pinuno ni'yo. Susundin ko ang sinabi mo. Kaya... pwede ka nang umalis." Sabi ko bago mag-iwas ng tingin.

Hindi ko alam ang reaksyon niya pero hindi rin naman siya gumagalaw. Nanatili siyang nakatayo at nakatingin sa akin. Gusto ko na tuloy bumalik sa kwarto. Gustong-gusto ko siyang yakapin ulit pero hindi ko magawa. Hindi ko kaya. 

"Saan ako pupunta?" Seryoso niyang tanong.

Napalunok ako nang marinig ang boses niya. 

"Umuwi ka sa inyo." Sabi ko nang hindi siya tinitingnan.

"Hindi ako uuwi. Dito ako. Dito lang ako." 

Sa sinabi niya ay iritado ko siyang tiningnan. Nag-iwas din agad ako ng tingin sa kaniya. Ang hirap palang kausapin siya nang hindi ko tinitingnan ang kaniyang mukha. 

"Hindi ka pwede rito kaya umuwi ka sa bahay ni'yo." Iritado kong sinabi.

Hindi siya nagsalita. Suminghap ako at aalis na sana nang makita ko si Thunder. Nakakunot ang noo niya habang tinitingnan ang likuran ni Forrest. Hindi na nagulat si Thunder nang makita niya kung sino ang kausap ko at kasama ko ngayon. Humarap si Forrest at nilingon si Thunder. Nagkatinginan ang dalawa kaya naman iniwan ko na silang dalawa. Lumabas ako sa kusina at umakyat na sa aking kwarto. Bahala silang dalawang mag-usap. 

Kung ayaw niyang umuwi sa kanilang bahay, bahala siya sa buhay niya. Matutuwa sana ako na nandito siya kung hindi lang ganito ang sitwasyon ngayon. 

Kinain ko na lang ang makakain dito sa aking kwarto. Nakaupo ako sa gitna ng kama habang kumakain at habang iniisip kung ano na ang pinag-uusapan ng dalawa. Alam kong hindi naman talaga gusto ni Thunder ang desisyon ko kaya kung sasabihin man ni Forrest sa kaniya ngayon ang napag-usapan namin, sigurado akong magdidiwang si Thunder. Napailing ako sa problemang kinahaharap namin ngayon. Bakit ba ang komplikado? 

Naubos ko na ang kinakain kong pagkain pero hindi pa rin bumabalik si Thunder. Siguron ay nag-uusap pa silang dalawa roon. Napailing ako at humiga na lang. Pinikit ko ang mga mata ko at pinilit na matulog pero lumipas ang limang minuto ay hindi pa rin ako makatulog. Iritado akong bumangon at nagpunta na lang sa balkonahe. Ramdam na ramdam ko ang malamig at sariwang hangin. Malalim na ang gabi at napakatahimik ng paligid. 

Napangiti ako at kahit papaano'y nakaramdam ng kasiyahan dahil nakabalik pa rin ako rito ngayon. Akala ko nga ay imposible nang makabalik dito. Pero ngayong nakabalik na ako ay may mangyayari pa yatang kaguluhan lalo pa't hindi ko alam kung ano ba talaga ang planong gawin ni Forrest.

Kumunot ang noo ko nang may maramdaman sa aking likuran. Lilingon na sana ako nang maramdaman ko ang isang yakap. Napasinghap ako at mabilis na tumibok ang puso ko. Hindi ko man nakita ang mukha, alam kong si Forrest iyon. Sa katawan pa lang niya, sa malalamig niyang kamay. Alam kong siya itong yumayakap sa akin. At halos antukin ako sa kaniyang yakap. 

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon