Kabanata 48

460 17 0
                                    

Nang mag alas onse ay nagpunta na kami ni Thunder sa Hulo. May dala siyang motorbike pero hindi iyon ang ginamit namin dahil bibili kami ng mga pagkain at kailangan ko sa mansion. Ang sasakyan ni Daddy ang ginamit namin at si Thunder na ang nagmaneho. 

Sa grocery kami bumili at nasa likuran ko lang siya habang tumitingin ng mga bibilhing pagkain. Siya ang nagbibitbit ng basket. Kumuha ako ng dalawang gatas at inilagay iyon sa basket. Nagkatinginan naman kami ni Thunder.  

"Okay na 'to. Tara na!" Sabi ko sa kaniya at nagtungo na sa cashier.

Ibinigay ni Thunder ang basket sa cashier at nakita ko kung paano tingnan ng cashier si Thunder. Tumaas naman ang aking kilay at nakita iyon ng babaeng cashier. Napalunok ang babae at hindi na tumingin kay Thunder at kahit sa'kin. Nagtaka naman ako pero hindi ko na pinagtuonan ng pansin.

Umuwi rin kami agad pagkatapos mamili. Buti na lang at ipinabalik ni Ate Celine ang kuryente sa mansion kaya naman nabuksan na namin ang ref. Iniligay ko roon ang mga dapay ilagay. Si Thunder naman ay hinubad ang kaniyang damit. 

"Anong gusto mong lutuin ko?" Tanong niya.

"Kahit ano, okay lang." Sabi ko naman.

Nagsalin ako ng tubig sa baso at uminom. Nang maubos ko ang tubig ay muli kong nilagyan at tiningnan si Thunder na tinitingnan ang mga pinamili namin kanina.

"Sa terasa muna ako..." Sabi ko kay Thunder at lumabas na ng kusina. 

Pumunta ako sa terasa at umupo. Tahimik ang paligid habang pinagmamasdan ko ang upuang bakante na nasa aking harapan. Hindi ako makapaniwala na nandito na nga talaga ako. At ang upuang nasa harapan ko ngayon ay pwesto ni Forrest kapag nandito kami sa terasa. Ang daming alala sa aming dalawa at hanggang ngayon, hindi ako makapaniwala na ganito ang naging bunga ng aming pagmamahalan. 

Madalas kong naiisip na sana'y bumalik na sa normal ang aking buhay. Madalas kong naiisip na kung hindi ko nakilala si Forrest ay baka nandito pa rin kami nina Grandma at Celine. Nandito ako at nagtuturo. Pero tuwing ganoon ang naiisip ko, mabilis akong nagsisisi kung bakit nakapag-iisip ako ng ganoon. Masaya naman ako kahit wala pa noon sa buhay ko si Forrest pero mas sumaya lang ako nang dumating siya. At kahit ganito ang sitwasyon ngayon, hindi ako nagsisisi. Na kahit sa huling hininga ko, hinding-hindi pa rin ako magsisisi na minahal ko si Forrest.

Huminga ako nang malalim at natigilan sa pag-iisip nang may napansin akong nakatingin sa akin sa kabilang parte ng terasa. Mabilis akong lumingon doon at kumunot ang noo ko nang mahuli ang mabilis na kilos. 

Napatayo ako at mabilis na lumapit doon. Bumaba ako sa terasa at pumunta sa gilid ng mansion. Wala akong nakitang Bampira kaya naman naglakad pa ako hanggang sa nakarating na sa likuran ng mansion. 

"Sino ka?" Sigaw ko. 

Tumingin ako sa paligid at may nakita akong babaeng nakasuot ng asul na bestida. Hindi ko makilala ang kaniyang mukha dahil sa sobrang layo niya at sa sikat ng araw. Tumakbo siya palayo kaya naman tumakbo ako para maabutan siya. Hindi ko alam kung tao ba siya pero sigurado akong Bampira siya. 

Hiningal ako at napatigil nang makarating sa patubig ng mansion. Napalunok ako nang maalala ang huling nangyari rito kasama si Cindy. Kumunot ang noo ko at tiningnan ang paligid at ang patubig. Payapa ang agos ng tubig at malinaw pa rin ang tubig hanggang ngayon.

"Sino ka?" Muli kong tanong. "Magpakita ka!" Dagdag ko. 

Ilang sandali pa ay may naramdaman ako sa aking likuran kaya mabilis akong lumingon at nagulat ako nang makita si Cindy. Tinakpan ko ang bibig ko sa pagkakagulat nang mapagtantong... 

"Chandria..." Napatingin ako kay Thunder nang bigla siyang sumulpot.

Ibinalik ko ang tingin kay Cindy. Pinagmasdan ko ang pagbabago sa kaniya. Mahaba na ang buhok niya at... hindi na siya tao. 

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon