Habang nagluluto ng tanghalian si Thunder ay nakatulog na ako sa sofa. Nagising ako nang marinig ang iilang boses galing yata sa labas. Bumangon ako at wala si Thunder. Tiningnan ko ang orasan at nakitang alas sais na ng hapon. Ang haba ng tulog ko.
Tumayo ako at binuksan ang pinto. Nakita ko roon si Thunder na may kausap na tatlong lalaki na parehong malalaki ang pangangatawan. Sigurado akong mga Taong Lobo sila.
"Ba't daw ako gustong makausap ni Francisco?"
"Baka po may kinalaman kay Forrest Ford, pinuno-" Natigil ang sinasabi ng lalaki nang masulyapan ako.
Umayos ako sa pagkakatayo at bahagya akong natigilan dahil narinig ko ang pangalan ni Forrest. Nilingon ako ni Thunder nang mapansin ang tingin ng tatlong lalaki sa akin. Walang suot na pang-itaas si Thunder. Umigting ang panga niya at mabilis na nilingon ang mga kausap.
"Mamaya na lang tayo mag-usap." Seryosong sinabi ni Thunder sa kanila.
Sabay-sabay silang yumuko kay Thunder at alam kong pagbibigay respeto iyon dahil pinuno nila si Thunder. Umalis na ang tatlong lalaki kaya naman hinarap ako ni Thunder. Lumapit siya sa akin at marahan akong tinulak sa sala. Isinarado niya na rin ang pinto.
"Nagluto na ako. Kumain na tayo." Sabi niya at nagtungo na sa kusina.
Mabilis akong sumunod sa kaniya. Kumuha naman si Thunder ng mga plato at kubyertos. Nakatingin lang ako sa kaniya.
"Kumusta na raw? Narinig ko ang pangalan ni Forrest, Thunder... at bakit ka p-pinapatawag ng pinuno nila?" Sunod-sunod kong sinabi.
Umigting ang panga ni Thunder at tumigil sa ginagawa.
"Hindi ko alam kung ano ang nangyari."
Tumalikod siya at kumuha ng kanin at ulam na niluto niya. Kumunot ang noo ko.
"Anong hindi mo alam?" Tumaas ang boses ko.
Imposibleng hindi niya alam. Ilang oras akong nakatulog at ilang oras ang lumipas. Imposibleng hanggang ngayon ay wala pa siyang alam sa nangyari.
"Thunder ilang oras ang lumipas kaya paanong hindi mo alam ang nangyari sa kaniya..." Lumapit ako sa kaniya.
Nagpatuloy naman siya sa ginagawa. Nilagyan niya ng kanin at ulam ang plato ko at pati ang kaniya. Hindi niya ako pinapansin kaya mas lalo akong nairita. Para niya akong pinipikon. At nang matapos siya ay umupo na siya sa kabisera. Saka lamang niya ako nilingon.
"Kumain ka na."
Para akong napuno sa kaniyang sinabi.
"Hindi ako gutom."
Umirap si Thunder.
"Anong hindi gutom?"
Sa puntong ito ay pareho na kaming pikon sa isa't-isa. Ayaw niya akong sagutin at ayaw ko namang kumain.
"Sagutin mo muna ako!" Sigaw ko.
"Hindi ko nga alam, Chandria. Tangina!"
Umiling ako. Hindi ako naniniwala sa sinabi niya.
"Nagpunta rito ang mga tauhan mo at imposibleng wala silang nasabi sa'yo gayong gusto kang makausap ni Francisco."
Tumayo si Thunder. "Wala akong balak makausap si Francisco kaya hindi-"
Pinutol ko agad siya nang may maisip.
"Pumunta ka na lang at isama mo ako para naman alam natin 'yong kalagayan ni Forrest."
Nanlaki ang mata ni Thunder dahil sa sinabi ko.
"Nag-iisip ka ba?"
Halos mabingi at masindak ako sa sigaw niyang iyon pero hindi ako tumigil.
BINABASA MO ANG
Immortality in the Woods (Completed)
RomanceNaging malaking desisyon ang paglipat ko sa probinsya ng Nueva Ecija. Pakiramdam ko, mali ang naging desisyon ko pero napagtanto ko na tama lang pala dahil nakilala ko siya, inakala kong normal lang siya na tao pero hindi. Hindi ko akalain na 'yong...