Kabanata 43

482 20 2
                                    

Pareho kaming tahimik ni Thunder nang magtungo sa bookstore. Alam kong pareho kaming nag-iisip tungkol sa mensahe ni Rain sa kaniya. At hanggang ngayon, paulit-ulit iyon sa aking utak. Naisip ko rin na ba't gustong maghiganti ni Francisca sa kaniyang kapatid kung alam niyang hindi naman pala niya kaya? At bakit gusto niya kaming tulungan?

Pitong taon na ang nakaraan at hindi na ako sigurado kung mahal pa rin ba ako ni Forrest. At kung mangyari nga ang gusto ni Francisca, tatanggapin pa kaya ako ni Forrest? Magiging maayos na ba kung sakaling bumalik ako roon at kung magkita man kami? 

Gusto niya pa kayang ipagpatuloy ang pagmamahalan namin? Siguro ay hindi na rin. Nang dahil sa akin, napahamak siya pati ang pangarap niyang maging isang pinuno ay nasira. Nasira ang tiwala sa kaniya ni Francisco. Nasira ang hangarin niya para sa kanilang lahi nang dahil sa akin. Baka naisip niya rin sa mga nagdaang taon kung gaano kawalang kwenta ang nangyari sa amin. 

Hindi na ako magugulat kung nagsisisi siya na minahal niya pa ako. 

"Anong gustong ni'yong pagkain?" Tanong ni Thunder.

"Ay Kuya Thunder! 'Wag ni'yo na po ako ibili. Magkikita po kasi kami ng boyfriend ko kaya sabay na kaming mag-lunch."

Tumango si Thunder sa kaniya. Kaya pala nang magsimula ang break time namin ay naglagay na siya ng lipstick sa kaniyang labi. Inayos niya rin ang maikli niyang buhok. 

"Ikaw?" Nilingon ako ni Thunder. 

"Kahit ano na lang basta may rice, Thunder." Sabi ko na lang.

Tumango si Thunder at dumiretso na nga sa pinto. Nagmadali si Annie at sumabay na sa paglabas kay Thunder. 

Naiwan akong mag-isa kaya naman hinayaan ko ang sarili kong matulala. Bumuntong hininga ako at tamad na napatingin sa pinto nang tumunog ang chime bell. Sasabihin ko sanang sarado muna pero hindi ko nagawa nang makita ko kung sino ang pumasok.

Nakasuot si Francisca nang parehong damit kahapon. Iba nga lang ngayon ang kulay ng kaniyang long knitted dress. Kahapon ay gray ngayon naman ay black. Mahabang jacket at black boots. Tinanggal niya ang itim niyang shades at makahulugang ngumiti sa'kin. Nasa braso niya ang kaniyang itim ding bag.

"Magandang araw!"

Nagulat ako sa bati niya. Marunong siyang mag-tagalog? Tumayo ako at lalo siyang hinarap.

"Anong kailangan mo?" Diretso kong tanong.

Pinagtaasan niya ako ng kilay at mas lalo siyang ngumiti. Nanatili namang seryoso ang reaksyon ko.

"Alam mo na siguro ang pagkatao ko. Tama ba?" Tumagilid ang kaniyang mukha.

Tumango lang ako. Tumango lang din siya.

"Nalaman ko na... nagmahal ka ng kalahi ko..." Panimula niya. 

Nanatili akong tahimik dahil abala ako sa pagtingin sa kaniya. Tipid siyang ngumiti sa akin bago nagpatuloy sa pagsasalita.

"Gusto kitang tulungan. Gusto ko kayong tulungan ni Forrest Ford. Kapag natalo ko ang kapatid ko, tiyak akong si Forrest na ang magiging pinuno lalo pa't bumawi siya kay Francisco sa nagdaang taon."

Kumabog nang malakas ang dibdib ko sa nalaman. Ibig sabihin lang ay hindi tuluyang nasira ang hangarin ni Forrest. Bumawi siya upang pagkatiwalaan ulit ni Francisco. Sigurado akong ginawa niya ang lahat.

"Hindi ko na kailangan ang... tulong mo..." Nag-aalinlangan ko pang sinabi.

Tumaas ang kilay niya at bahagyang kumunot ang noo. Tila hindi inaasahan ang sinabi ko. 

"Maaari ko bang malaman ang dahilan?" Seryoso niyang tanong.

Hindi ako nakapagsalita at nanatiling tahimik dahil sa naiisip. Kung papayag ako sa gusto ni Francisca, mapapahamak lang muli si Forrest. Masisira ulit ang pinaghirapan niya. Mababalewala lang ang lahat lalo pa't hindi na ako sigurado kung mahal pa rin ako ni Forrest. 

Immortality in the Woods (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon