Pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin.
Napupuno ng maitim na pasa ang paligid ng aking kanang mata. May mga sugat ang aking noo. Putok ang aking labi. Tanggal na ang isa sa aking mga ngipin sa harap.
Nanginig ang aking labi sa nagbabadyang mga luha. Pinanood ko ang sunod-sunod na pagpatak nito at ang paglukot ng aking mukha.
"Senyora Lucia..." Pagkatapos ng isang marahang katok ay dumungaw si Maria, ang aming kasambahay.
"Maria..." Pinalis ko ang aking mga luha.
Nahahabag ang kaniyang mga mata saka isinara ang pinto. Mayroon siyang dalang mga gamot at tubig. Karaniwan nang pangyayari ito sa tuwing binubugbog ako ng aking asawa. Iyon nga lang ay natanggalan ako ng ngipin sa sobrang lakas ng kaniyang pagkakasampal sa akin.
Sa akin naman ay ayos lang iyon. Ngunit kapag ginagawa niya ito sa harap ni Miguelito ay tila dobleng sakit pa ang nararamdaman ko.
Binubugbog niya ako sa tuwing nagkakaroon ng problema ang kaniyang negosyo, kapag mayroong tumitingin sa aking lalaki... at kung ano-ano pang maliliit na dahilan. Nagsimula ang mga ito pagkatapos mamatay ni Miguel. Nang malaman niyang nagtungo rito si Teyong at dinala ako sa kulungan ng mga tulisan ay nagwala siya pagkauwi ko.
"Umuwi nalang ho kaya kayo sa inyong ina, Senyora... nakakatakot na ang mga pinaggagawa niya sa inyo!" Daing ni Maria habang nagsimulang punasan ang iilang dugo sa aking mukha. Pinanood ko lang siyang gawin iyon.
"Mangungulila si Miguelito sa kaniyang Papa... at isa pa, hindi niya maiintindihan iyon..."
Suminghap si Maria nang kumuha ng bulak. "Senyora... tutulungan ko kayo. Wala pa siya hanggang mamayang dapithapon. Ikukuha ko kayo ng-"
Umiling ako at ngumisi. "Ayos lamang ako, Maria..."
Nanatili lang ang mga mata niya sa akin.
"Hihintayin mo pa bang... mapaslang niya kayo!?" Tila nagtatampo siyang nagsasalita habang ginagamot ako. Naiintindihan kong nag-aalala siya sa akin... ngunit mas nag-aalala ako kay Miguelito.
Ngumiti ako sa kaniya kahit parang mapupunit na ang bibig ko. Hinarap ko siya.
"Huwag kang mag-alala. Titigil rin siya," pinalis ko ang mga natirang luha at inayos ang aking sarili.
Titigil na siya, at hindi ko na hahayaang gawin niya ito muli sa akin.
Hinayaan kong gamutin ni Maria ang aking mga sugat. Nakangiti lang ako habang pinapanood siyang gawin iyon. Parang mas siya pa ang nasasaktan sa akin.
"Maria," tawag ko sa kaniya. "Kapag namatay ako, huwag mo hayaang hubarin nila sa akin ang pulsera na ito, ha?"
Ito nalang ang pag-asa ko. Totoo man o hindi, pinipili kong maniwala.
Natigilan siya. "Ano ho ang iyong sinasabi? Naku, sinasabi ko na nga ba! Umalis na tayo, Senyora. Isama na natin si Miguelito habang may oras pa!"
Umiling ako. "Hindi na... mayroon pa tayong piging."
TAHIMIK ang gabi. Hindi ito nakatulong sa bigat na nararamdaman ko. Hinaplos ko ang ulo ng aking Miguelito habang siya ay natutulog.
Sana ay lumaki kang mabuting bata. Isang batang hindi takot ipaglaban ang tama.
"Mahal na mahal kita, anak..." bulong ko habang nararamdaman ko ang pisikal na paninikip ng aking dibdib. Sumabay pa ang pasang hindi ko na kayang tiisin pa.
Kasalanan ba ang aking gagawin?
Oo. Kasalanan ito sa Diyos. Ngunit kasalanan ba ang tapusin ito kung para na rin naman akong nasa impyerno?
"Patawarin mo ako, Miguelito," tinakpan ko ang aking takas na mga hikbi. Hindi ko na kaya, anak.
Nagtungo ako sa kabilang silid kung saan naroon natutulog nang mahimbing ang aking asawa. Naupo ako sa aming higaan at tinignan siyang mahimbing ang tulog.
Paano kaya siya nakakatulog nang mahimbing pagkatapos niya akong saktan?
Nais kong umiyak pero wala na ata akong mailalabas pa.
Bumaling ako sa botelyang nakapatong sa aming lamesa-- botelyang naglalaman ng bagay na tatapos sa paghihirap ko.
Naglagay ako ng isang piraso nito sa mainit na gatas sa tabi ng botelya. Hinalo ko ito nang maigi.
Nakaipit sa ilalim ng botelya ay ang isang liham na iiwan ko.
Carreon,
Malamang kung nababasa mo ito ay wala na ako.
Nais ko mang multuhin ka ng mga pagsisisi upang hindi ka makatulog gabi-gabi ay hindi ako ganoon.
Ginawa ko ito dahil nahihirapan na ako. Araw-araw, kalungkutan ang siyang sumasalubong sa akin.
Masaya akong nandiyan ang ating Miguelito, ngunit maging siya ay naaapektuhan sa mga kalungkutang nananahan sa akin.
Mas maigi na sigurong wala ako at ang aking mabigat na presensya upang mas maging maayos ang kaniyang paglaki.
Alagaan mo siya, pakiusap. Siya na lamang ang matitirang alaala mo sa akin.
Minahal mo ba ako, Carreon? Dahil noong huling beses akong nakadama ng pagmamahal ay hindi ganito.
Ipagdasal mo ako.
Lucia Ysabel
Pumikit ako nang mariin at dahan-dahang ininom ang gatas mula sa baso. Bumuhos ang mga luhang akala ko ay naubos na. Hindi ko alam ngunit bigla na lamang silang umagos.
Nahirapan man ako ay naubos ko ang gatas.
Pinigilan ko ang mga hikbing nais tumakas at nahiga na roon. Inayos ko ang aking unan at hinila ang aking kumot patungo sa aking dibdib.
Tinignan ko ang pulsera.
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi.
Totoo man, o hindi...
"Miguel..." nalukot ang aking mukha pagkasabi ko noon. Nakaramdam ako ng pagkaparalisa. Nagsimula ito mula sa aking mga paa... pataas.
Unti-unti ring bumilis ang pagtibok ng aking puso, kasunod ay ang matinding pagsakit ng aking tiyan at ang pag-agos ng puting likido mula sa aking bibig.
Wala na ito sa akin. Walang-wala ito sa kaniyang mga pananakit.
Dinala ako ng tila isa malamig na hamog kasabay ng panginginig ng aking katawan. Nagpadala ako sa bigat ng aking mga talukap at pumikit.
Plumalope
- - - ^ - - - ^- - - ^ - - - ^- - - ^ - - - ^- - - ^ - - - ^- - - ^ - - ^
Ilang taon na rin! Napagdesisyunan kong ipublish ang maiksing kabanata na ito dahil matagal na rin sa aking drafts. Again, maraming-maraming salamat sa mga nagbasa! ♡
Please voice out your thoughts and questions, and I'll try to answer it.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Historical Fiction[Rebolusyon Duology #1] Batid nating mayroon nang mga librong pangkasaysayan ang nabasa na natin noong elementarya, hayskul, o kahit kolehiyo. Tinukoy sa mga libro ang pananakop at rebolusyon- ngunit hindi pa kailanman nabanggit ang pighating idinul...
