Huling Espesyal na Kabanata. Tuluyan na po nating isasara ang istorya nina Miguel at Lucia :) Medyo malungkot pero pagpahingahin na natin sila. Mahaba rin ito ngunit naglalaman ng mga detalyeng kukumpleto sa istorya kaya sana ay pagtyagaan ninyo! (:
Mga Kabanatang Direktang Kaugnay ng Espesyal na Kabanatang ito:
Kabanata 18: Ang Mga Prinsipyo
Kabanata 39: Ang Anak ng Traydor
Kung mapapansin niyo na rin, tumakbo sa buong istorya ang kaalamang buhay pa ang Tiyo ni Miguel (kapatid ng kaniyang ina) at isa ito sa mga natitirang Katipunero. Clue: Nabanggit ang kaniyang pangalan sa Kabanata 18 at sa huling liham ni Heneral De Jesus. :)
~ ~ ~
07 Marso 1899
San Fabian, Pangasinan
Araw na tinugis at hinuli si Miguel ng mga espiya ng Espanya
"SAAN NIYO AKO DADALHIN!?" pilit akong nagpumiglas sa lubid na iginapos ng mga espiya sa aking kamay. Hindi ako makapaniwalang kahit napakatagal nang panahon ng anila'y pagtatraydor ng aking ama ay mayroon pa ring nag-utos na ipadakip ako.
Lumapag na kami mula sa mga kabayo at umalis na ang iba nilang kasamahan.
Ibinaba kami sa bandang kakahuyan patungo sa himpilang kanilang sinasabi. Panay lamang ang pag-uusap nila sa kung ano ang gagawin nila sa danyos na ipinataw sa aking pangalan.
Pilit ko silang tinatanong kung sino ang nag-utos sa kanila nito ngunit hindi nila ako pinagtutuunan ng pansin. Kanina ko pa sila sinusuri sa tahanan nina Lucia ngunit kahit kailan man ay hindi ko pa sila nakikita. Sa totoo lang ay wala na rin naman akong pakialam kung patayin na nila ako. Wala na rin namang mangyayari sa amin ni Lucia. Hindi na niya ako kailan man gugustuhing makita pa.
Ngunit isinumpa kong bibigyan ko siya ng malaya na bayan, hindi ba?
Paano ko magagawa iyon kung hahayaan ko na lamang na mamatay ako sa kamay ng mga taong ito?
Hindi kami tuluyang nahabol nina Teyong. Nasa malayong bahagi na kami ng Pangasinan. Hindi ako gaanong pamilyar sa lugar dahil panay sa kakahuyan ang aming naging daan. Nang mahuli na nila ako ay iniwanan na sila ng kanilang mga kasama at silang dalawa na lamang ang naiwan upang ihatid ako doon sa sinasabi nilang himpilan.
Hindi ko magawang tumakbo dahil pati paa ko ay nakagapos sa lubid. Sapat lamang ang luwang upang makalakad ako ng mga mumunting hakbang. Duguan na rin ang aking mukha dahil kinulata nila ako pagbaba namin ng kabayo kanina.
Pakiramdam ko ay nabasagan pa ako ng isang ngipin dahil sa dugong nanahan sa aking bibig na kahit idura ko ay patuloy pa rin sa pagdugo.
"Sa tingin mo ay totoong ibibigay sa atin ang danyos?" tanong ng isa habang humahalakhak kagat ang kaniyang tubo.
Tumango naman ang isa na nakamasid sa akin. "Oo, malaki ang pera! Itinuro ba naman itong hijo del traidor na ito noong mismong lolo ng kaniyang naging nobya!"
Umihip ang hangin at natigilan ako sa paglalakad. Tila namanhid lahat ng sakit na nararamdaman ko sa aking katawan nang marinig ako ang sinabi noong isang lalaki.
Lolo ng aking nobya?
Si... Kapitan Enriques ang nagpaaresto sa akin?
Ngunit... bakit?
Talaga bang inisip niyang pinagtaksilan ko ang kaniyang apo?
"Hoy, maglakad ka nga! Aabutan tayo ng gabi!" Tinadyakan ako ng lalaking nakaatay magmasid sa akin dahilan upang mapaluhod ako sa damuhan.
BINABASA MO ANG
Sa Takipsilim
Fiksi Sejarah[Rebolusyon Duology #1] Batid nating mayroon nang mga librong pangkasaysayan ang nabasa na natin noong elementarya, hayskul, o kahit kolehiyo. Tinukoy sa mga libro ang pananakop at rebolusyon- ngunit hindi pa kailanman nabanggit ang pighating idinul...
