𝗖𝗛𝗔𝗣𝗧𝗘𝗥 ➢ 2

2.3K 152 122
                                    

"EMERGENCY!"

"Ano bang ginagawa n'yo d'yan? Ang daming pasyente, kilos!"

"Tabi! Emergency! Tawagin n'yo si Doc. Fred!"

"Pahingi pa ng mga stretcher! Bilis!"

Naalimpungatan ako dahil sa maingay na paligid na halos paulit-ulit lamang ang sinasabi.

Sumakit lamang ang aking mata nang binuksan ko ang mga ito, wala akong ibang makita kung hindi liwanag at ilang mga taong nagtatakbuhan sa paligid ko.

Nakakarinig ako ng ilang pag-iyak at paulit-ulit na pagsigaw ng mga tao.

"Excuse me po! Emergency po ito, tumabi muna kayo!"

Ipinikit ko ang aking mga mata at dumilat ako ng dahan-dahan, napalingon ako sa aking paligid, nasa ospital na pala ako.

Nagtatakbuhan ang mga nurse at doktor, nasa emergency room ako, ngunit bakit parang ang daming tao ngayon?

Alam ko namang maraming tao sa ospital pero bakit parang sobrang dami naman yata ngayon?

Sinundan ng mata ko ang doktor na tumatakbo papunta sa pasyente rito sa aking kaliwa.

Halos lahat ay duguan na parang may aksidenteng naganap kani-kanina lamang.

Napatingin ako sa pintuan at nakitang marami pang ipinapasok na sugatan din.

Naguguluhan na ang mga doktor at nurse kung paano sila aasikasuhin.

Sinubukan kong tumayo ngunit para bang may pwersang pumigil sa akin.

Napatingin ako sa mga kamay kong nakaposas sa higaan.

Tama, andito ako dahil sinaksak ko ang sarili ko sa kulungan at nakatanggap ako ng sulat na nawawala ang kapatid ko...

Right, I'm a prisoner.

Nakumpirma ko rin nga na totoo ito nang mapanood sa telebisyon.

Pinipilit kong makawala ngunit wala naman itong silbi, napatingin ako sa tagiliran ko, nararamdaman kong hindi na ito kasing sakit kagaya na lamang ng kanina, naagapan pa sya kahit papaano.

Sinubukan kong gumalaw upang maramdaman ang kirot nito at nang ginawa ko nga ay masakit pa rin talaga s'ya.

Ilang oras na ba ako rito?

Siguro hindi pa naman ganoon katagal dahil naririto pa rin ako, hindi pa ako nalilipat.

"Hindi! Hindi..."

Napalingon ako sa kaliwa ko nang makitang may mga nagtatakbuhan papunta rito at umiiyak, maaaring pumanaw na ang pasyente rito dahil huminto na ang doktor, ilang pasyente pa ang ipinapasok sa loob at nagkakagulo na talaga sila, mukhang litong-lito na.

Dahan-dahan kong inayos ang higa ko at lumingon sa bandang kanan ko.

I gasped.

Laking pagkagulat ko nang makita ang isang babaeng nakatitig sa akin habang nakahiga sa isang stretcher kaya't napatitig rin ako sa kanya.

Kakaiba ang mga mata n'ya, parehas na kulay itim at ang mga titig nito ay pakiramdam ko tinitingnan n'ya ang aking kaluluwa, hindi rin gumagalaw ang katawan n'ya, sadyang nakatitig lang sa'kin.

Nakatihaya s'ya sa stretcher at nakalingon ang ulo sa akin, hindi ko alam ngunit agad akong nakaramdam ng kilabot at kaba.

"Time of death, 3:17 PM..."

Napalingon ako sa doktor na nasa kanan ko na ngayo'y nakatitig sa babaeng nakalingon sa akin.

Patay na s'ya?

GLITCH: Divided CitiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon