Chapter 9

66 9 0
                                    


[ CHAPTER 9 ]


LIMANG TAON ang lumipas mula nang maaksidente ako sa train kasama ng mga kaibigan ko. Taong 2021 ng February 14 sa oras na alas nuebe ng gabi, ito ang araw na nag-iwan ng takot at pangamba sa aking pagkatao ang isang nakakagimbal na pangyayari na hanggang ngayon ay tila binabangungot pa ako. Sinong mag-aakalang ang dapat ay masayang araw ng mga puso ay mauuwi sa isang trahedya at nakakakilabot na kaganapan na naging sanhi mismo ng pagkasawi ng mga kaibigan ko.


Nang gabing iyon, hindi ko maitatangging binalot ako ng matinding takot at kaba sa dibdib. Hanggang ngayon ay hindi ko lubos matanggap na wala na ang mga kaibigan ko na sina Danica, Xhelle at pati si Israel, ang pilyong boy best friend namin ni Bethany na walang ginawa kundi patawanin kami sa mga pilyo niyang jokes. Wala na rin sina Chesca at ang boyfriend nitong si Jordan.


Nagtamo ng injury si Israel sa ulo nang tumama ang ulo nito sa isang matigas na bagay na umagaw sa malay niya. Nagkaroon ng pagdurugo sa kaniyang sugat na natamo sa ulo dahilan para may mabuong dugo sa kaniyang utak. Sinubukan pa siyang dalhin ng kaniyang parents sa ibang bansa para magamot pero matapos ang tatlong buwan na pagkakabaldado ay sumuko na siya at tuloyang namaalam. Ilang araw akong hindi lumabas ng bahay n'yon at pilit na umaasang magigising ako mula sa isang nakakagimbal na panaginip pero parang bigo ako dahil totoo ang lahat. Matapos ang pangyayari kay Israel ay inatake sa puso ang mommy niya na ikinamatay rin nito habang ang daddy naman niya ay mag-isa na lang sa buhay at sa ibang bansa na nanirahan.


Hindi ko rin lubos na maisip na ang gabing iyon, ang huling araw na pala nina Danica at Xhelle. Ayon sa report. Tumalsik si Danica sa bintana palabas ng train at nagtamo ng bali sa katawan na agad nitong ikinasawi habang si Xhelle naman ay namatay matapos atakihin sa puso at madaganan ng ibang pasahero. May sakit din kase sa puso ang isang iyon.


Malaki na nga lang ang pasasalamat namin ni Bethany dahil nandoon si Danver nang mga sandaling iyon dahilan para may prumotekta kay Bethany. Si Danver ang mismong nagligtas sa kaibigan ko. Kuwento sa akin ni Bethany, nasira raw ang kotse ni Danver kaya nagpasya itong mag-commute at sumakay na lamang ng train. Nagkataon namang nasa parehong train kaming lahat sumakay.


Nakita siya ni Danver na nagpupumilit na bumalik kahit nagsisiksikan na ang lahat ng pasahero ng train at nagpapanik dahil sa takot kaya sapilitan siyang hinila ni Danver papuntang hulihan ng train kung saan ay ligtas ang lahat. Umiiyak si Bethany ng mga oras na iyon at pilit akong tinatawag at nang hindi na talaga ako makita ay natakot siya kaya gusto niya akong balikan pero isang malutong na sampal galing kay Danver ang natamo niya na nagpatigil at gumising sa kaniya. Doon lang siya natauhan at nakitang luhaan ang mga mata ni Danver na nunca lang niya nakitang matamlay habang nagdurugo naman ang bahaging itaas ng noo nito dahil sa tumama ito sa bakal na posteng nasa loob mismo ng train dahil sa kakahila sa kaniya at walang tigil na rambulan ng mga tao makaligtas lang sa badya ng kamatayan. Pinilit siya ni Danver na pakalmahin at dinala sa pinakadulo ng train rason para maligtas siya.


Sino rin ang mag-aakala ng gabing iyon, iiyak si Danver sa harap niya at yayakapin siya nang mahigpit, at mapapaamin si Danver kay Bethany na may gusto rin ito sa kaniya.


Limang taon na ang nakararaan, at ganoon na rin kahaba ang naging relasyon nilang dalawa. Hinamon ng makakaibang pagsubok sa buhay-magsyota pero nanatiling matatag sa isa't-isa. Matapos ang malagim na bangungot na iyon sa buhay namin, marami ang nagbago. Marami ang mga pusong nasaktan at naiwang luhaan. Pero may mga relasyong pinagtibay ng sitwasyon.

Time After It's GoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon