Ilang linggo na ang lumipas ngunit wala pa rin akong balita kay Adam. Busy rin ako nitong mga nakaraan, kaya bihira na akong sumama kina Learsi at Monday tuwing nagyayaya silang gumala kung saan-saan.
Unti-unti kong inilalayo ang sarili ko sa kanila—hindi dahil ayaw ko, kundi dahil mas madali para sa akin ang umiwas kaysa harapin ang mga bagay na pilit kong ikinukubli sa sarili ko.
Kahit nasa iisang bubong kami ni Learsi, pakiramdam ko'y magkaibang-magkaiba pa rin ang mundong ginagalawan namin. Minsan ay kinukulit niya ako sa kwarto ko para lumabas at makisama kahit saglit lang, ngunit madalas ko iyong tinatanggihan.
Sa school naman ay hindi niya ako gaanong ginugulo dahil nakikita niyang palagi akong abala. At sinasadya ko iyon. Sinasadya kong lunurin ang sarili ko sa kung anu-anong gawain para lang hindi ko maisip ang isang taong pilit na sumasakop sa isip ko.
Patuloy pa rin ang pagpipilit nina Monday at Learsi na sumama ako sa kanila, ngunit sadyang matigas ang ulo ko. Kaya habang tumatagal, mas lalo akong hindi nakikihalubilo sa kanila.
Nakaka-op din kasi kapag kasama ko sila—lalo na ngayong dumadami na ang mga kaibigan sa paligid nina Learsi at Monday dahil sa kani-kanilang mga jowa at tropa ng mga ito. Pakiramdam ko'y wala akong lugar sa mundong iyon. Isa pa... May isang taong iniiwasan ako. O baka ako talaga ang umiiwas.
Simula noong huli naming pag-uusap ni Adam, halos hindi ko na siya nililingon. At nang malaman kong hindi pala sila ni Leona, mas lalo akong lumayo. Dahil alam ko sa sarili ko kung ano ang ibig sabihin no'n.
That I am dangerously, hopelessly falling in love with him.
Hindi na ito simpleng paghanga o pagkakagusto lang. Mahal ko na siya—at mas lalong lumalala habang tumatagal. Mula pa lang sa simula, alam ko nang hindi ko maiiwasang mahulog sa kanya.
Kaya siguro maaga pa lang ay inihahanda ko na ang sarili ko para sa tamang panahon... o baka para sa sakit na posibleng kasunod nito.
Nakakatakot kayang mahalin ang lalaking kilala sa paglalaro. Sa halip na mas kilalanin siya, mas pinipili kong aralin muna ang sitwasyon.
Observe before you risk.
Karapat-dapat bang ipagsapalaran ko ang katahimikan ng buhay ko? Paano kung tuluyan akong mahulog sa isang Playboy? Paano kung maging kami nga... pero sa huli, mauuwi rin sa pagkawasak? Paano kung isa lang pala akong panandaliang libangan sa buhay niya?
At aminado naman ako—wala akong alam sa relasyon. Wala akong karanasan. Hindi ko alam kung paano magmahal nang tama dahil minsan, sarili kong emosyon ay hindi ko maintindihan. Masyado akong moody. Masyado akong magulo.
Tama ba 'to?
Magiging mabuti ba para sa aming dalawa kung magiging kami?
Sunod-sunod na negatibong "what ifs" ang gumugulo sa isip ko kahit malinaw namang mutual ang nararamdaman namin sa isa't isa. Gusto niya ako. At higit sa gusto ang nararamdaman ko para sa kanya.
BINABASA MO ANG
Against My Will (Naga Series #1)
Mystery / ThrillerLaurence Adam Hart is a popular Marine Engineering student at Cebu Institute of Technology - University. He is a leader, strict, smart, and good at handling problems. Many girls admire him, but there is only one girl who truly catches his heart, Zen...
