Warning: Death, Violence.
Hindi na kami nagtagal sa bahay. Nang dumating si Papa, agad kong napansin ang pagmamadali niya. Halos hindi na siya huminga nang maayos habang dali-daling nag-iimpake ng mga gamit.
Tinulungan siya ni Mama. Ako naman ay tahimik na sumunod at nag-impake rin. Wala nang tanong. Wala nang reklamo.
Mabilis kaming nakasakay sa bus. Tahimik lang si Papa. Nakatitig lamang siya sa kawalan habang blangko ang ekspresyon ng kanyang mukha. Si Mama naman ay hindi mapakali. Panay ang lingon niya sa paligid. Parang may kinatatakutan.
Kitang-kita ko ang takot na namumuo sa kanyang mga mata. Kaya marahan kong hinawakan ang kanyang kamay. Baka sakaling mapakalma ko siya kahit kaunti. Naalala ko tuloy ang sarili ko noong nasa paaralan pa ako.
"Pa, ayos lang ba si Mama?"
Napalingon si Papa sa akin. Ngunit simpleng tango lamang ang isinagot niya. Marami sana akong gustong itanong.
Ano ba talaga ang nangyari? Bakit kailangan naming umalis nang biglaan? Saan kami pupunta? Bakit parang natatakot sila? Bakit pakiramdam ko ay may kung anong malaking bagay na itinatago nila sa akin?
Ngunit nang makita ko ang lalim ng iniisip ni Papa ay pinili ko na lamang manahimik.
"Anak," tawag ni Papa maya-maya, "Ayos lang ba kung ito muna ang kainin natin? Wala kasi akong mabiling ibang pagkain nang hindi napapansin."
Tumango lamang ako. Tinapay lang iyon. Hapon na nang mga oras na iyon. Kanina pa kami huminto sa ilang bus stops.
Napakalayo na ng narating namin. Mula sa naga ay nakarating na kami ngayon sa Tabuelan. Karagatan lamang ang tanaw ko sa paligid. Walang katapusang tubig. Unti-unti na ring nilalamon ng gabi ang natitirang liwanag sa kalangitan.
Hindi ko alam kung saan ang susunod naming hihintuan. Ayon kay Papa, malayo pa raw ang pupuntahan namin. Paulit-ulit akong pinapaalalahanan ni Mama. Huwag raw akong lalayo. Huwag akong hihiwalay sa kanila. Kapag may nakita raw akong mga lalaking nakaitim,ay sabihin ko agad sa kanila.
Something is off.
Sa unibersidad pa lang ay nakikita ko na sila. Mga lalaking nakaitim. Mga grupo ng kalalakihang tila laging nagmamasid. Noon ay hindi ko iyon pinapansin. Ngunit ngayon ay ramdam ko na may koneksyon sila sa lahat ng ito.
Lumalim ang gabi; doon ako lalong nagtaka. Sa halip na maghanap ng matutuluyan, inayos ni Papa ang matutulugan namin sa ilalim ng isang tulay.
Tahimik ang lugar. Malamig. Ang dumadaloy na tubig sa ilalim nito ay diretsong patungo sa dagat. Hindi naman mabaho.
Sa katunayan, amoy-alat ng dagat ang hangin at presko. Para kaming nagtatago habang natutulog kami dito.
BINABASA MO ANG
Against My Will (Naga Series #1)
غموض / إثارةLaurence Adam Hart is a popular Marine Engineering student at Cebu Institute of Technology - University. He is a leader, strict, smart, and good at handling problems. Many girls admire him, but there is only one girl who truly catches his heart, Zen...
