Kabanata 23

2.8K 61 2
                                        

Wala na akong narinig pagkatapos noon. Parang nawalan ng tunog ang buong paligid. Parang may makapal na harang sa pagitan ko at ng mundo.


Hindi ko alam kung paano ako nakalabas ng opisina. Naglalakad lang ako habang nakatulala. Hindi alam kung saan ako pupunta.  Walang direksyon. Walang nararamdaman.


Natigilan ako nang may nakita akong pamilyar na tao. Ang taong hinahanap ko. Si Adam. Biglang nawala sa isip ko ang lahat ng sinabi ni Sir. Ang scholarship. Ang grades. Ang problema.


Lahat.


Ilang araw na ba siyang hindi nakikita? Hindi ko na mabilang. Parang napakahabang panahon. At ngayon ay narito siya. Kasama ang grupo niya.


Huminto ang paglalakad ko. Napatitig ako sa kanya at nang mapansin niya ako, agad na kumunot ang kanyang noo. Nanikip ang dibdib ko. 


Para akong biglang nataranta. Mabilis akong umiwas ng tingin. Nagmadali akong maglakad palayo. Ngunit dahil hindi ako nakatingin sa dinaraanan ko, may nabangga ako.


Napaatras ako.


"Sorry. Ay—Zendall?"


Nanigas ako. Pamilyar ang boses. Dahan-dahan akong napatingin. Doon ko nakita si Kuya Darwin. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang mukha ko.


"Z-Zendall..." Nag-aalala ang kanyang tinig. "Ayos ka lang?"


Lumapit siya agad.


"Anong nangyari sa'yo?"


Pilitan niya akong tinulungang makatayo. Ngunit hindi ko tinanggap ang kamay niya. Kusa akong tumayo nang mag-isa.  Parang wala akong lakas na humawak sa kahit sino. Mabilis kong pinunasan ang luha sa gilid ng mata ko.


"A-Ayos lang ako." Pinilit kong ngumiti nang hindi nag-angat ng tingin. "Salamat."


At bago pa siya makapagtanong muli ay naglakad na ako palayo. Naririnig ko pa siyang tumatawag. Ngunit hindi ako lumingon.


Pagbalik ko sa classroom, tahimik akong naupo sa upuan ko. Tulala lang ako at nakatingin sa kawalan. Hindi ko namalayang nagsimula na pala ang klase. 


"Miss Diesel?"


Napakurap ako.


"P-Po?"


Napailing ang propesor.


"Naku, hija." Tumikhim siya. "Alam mong ayaw ko sa mga estudyanteng parang wala sa klase."


"P-pasensya na po." Sabi ko nang hindi binalingan ang mga kaklase. 


Against My Will  (Naga Series #1)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon