Kabanata 22

2.8K 61 18
                                        

"Ate?! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" sigaw ko. Halos mapunit ang lalamunan ko sa tindi ng galit at pagkagulat.


Agad akong yumuko upang alalayan si Mama na ngayo'y nanghihina at hirap makabawi mula sa pagkakatulak. Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak ko siya. Nangingibabaw ang galit habang nakatitig ako kay Ate.


Halos hindi ko siya makilala.


Malaki ang ipinagbago niya mula noong huli kong makita siya. Dati'y payat at halos sakitin ang hitsura niya, ngunit ngayon ay mas may laman na ang kanyang katawan. Mas maayos. Mas matatag.


Mas mature. Ngunit higit sa lahat, mas mabigat ang dinadala niyang sakit.


Masinsinan kong sinuri ang kanyang mukha. Namumugto ang kanyang mga mata sa kakaiyak. Mabilis ang kanyang paghinga na tila ba matagal na niyang pinipigilan ang lahat ng emosyon na ngayo'y sabay-sabay nang sumabog. Nanginginig ang kanyang mga labi habang nakatitig sa amin nang may halong galit, hinanakit, at sakit.


Hindi ko maintindihan. Ano ang maaaring maging dahilan upang itulak niya si Mama nang ganoon?


Napatingin ako kay Papa nang mapansin kong mariin ang pagkakakuyom ng kanyang mga kamao. Halatang pinipigilan lamang niya ang sariling galit. Nakatayo siya sa harapan namin ni Mama, tila isang pader na handang harangin si Ate kung kinakailangan.


"Kung sana hindi kayo nagpakita, hindi sana nangyari ito sa anak ko, Mama!" sigaw ni Ate. Halos mabasag ang kanyang boses sa sobrang galit.


Parang tumigil ang mundo ko.


"A-anong..." nanginginig kong tanong. "A-anong anak, Ate?"


Napalingon siya sa akin ngunit wala akong mabasang lambot sa kanyang mga mata. Tanging sakit. Tanging galit.


"Yung ate mo," singit ni Papa, puno ng poot ang boses. "May anak na pala. Halos isang taon siyang hindi nagpakita dahil buntis siya!"


Parang may malakas na puwersang tumama sa dibdib ko. Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako makapaniwala.


"Ang akala mong nag-aaral siya, pero may pamilya na pala siya!" patuloy ni Papa. "Hindi naman kita pinalaki nang ganito, anak! Pero bakit? May mali ba kaming nagawa? May pagkukulang ba kami sa iyo? Hindi ka naman namin pinagbabawalan na magmahal! Hindi kami naging sagabal sa inyo ni Darwin! Pero ang iisang hiling namin—na tapusin mo muna ang pag-aaral mo—hindi mo pa nagawang tuparin!"


Napasinghap ako.


Pakiramdam ko'y unti-unting gumuho ang lahat sa paligid ko.


Kanina pa mabigat ang mga problemang dala ko mula sa paaralan, ngunit ibang klaseng bigat ang bumalot sa dibdib ko ngayon. Parang may matulis na bagay na paulit-ulit na tumutusok sa puso ko habang pilit kong inuunawa ang lahat.

Against My Will  (Naga Series #1)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon