Hingal na hingal na napabalikwas ng bangon si Cassy. Bumungad ang kadiliman sa kaniyang kuwarto. Kinapa niya ang switch sa katabing lampshade na agad nagbigay ng kaunting liwanag sa paligid.
Ang bangungot na iyon.
Ulit.
Hindi ito ang unang beses na dinalaw siya ng masamang panaginip na iyon. 'Di niya maitindihan kung bakit paulit-ulit ang eksenang iyon, to the point na halos makabisado na niya ang mga pangyayari.
Sa ilang beses na pagdalaw ng bangungot na iyon, mas lalo itong nagiging makatotohanan sa pakiramdam niya. Na para bang naranasan niya iyon sa kaniyang mismong harapan. Ngunit labis siyang naguguluhan.
Alam niyang siya ang naroon. Siya mismo ang kasama ni Jacob. Pero bakit parang may mali? Bakit parang may kakaiba? Bakit parang katawan niya lang ang naroon, ngunit hindi siya mismo ang kumikilos doon?
Pinaglalaruan ba siya ng isipan niya?
At bakit may halimaw roon?
Gawa ba iyon ng imahinasyon niya?
Dahil ba, hindi kapani-paniwala para sa kaniya na cardiac arrest ang ikinamatay ni Jacob?
Mahinang pag-iyak ang kaniyang pinakawalan kasunod ng pagpunas sa luhaan niyang pisngi.
Higit dalawang linggo na magmula nang siya'y magising mula sa 'coma'. Isang aksidente ang kinasangkutan niya na ikinamatay ng bestfriend niyang si Mira. Pero iba ang sinasabi ni Caleb na 'di niya maintindihan at mapaniwalaan.
Isang taon na raw ang lumipas magmula ng aksidente. At naospital daw siya nitong nakaraan sa ibang kadahilanan. Sa pagkakataong iyon, ang lalaking pinakamamahal naman niya ang nawala sa kaniya.
Kung maaari nga, sana ay hindi na lamang siya nagising. Mapapait na bagay lang naman pala ang naghihintay sa kaniya. At labis na pagkalito.
Wala na si Mira. Wala na ang bestfriend niya.
Hindi niya lubos maisip kung paanong pati si Jacob, wala na rin pala.
Paulit-ulit lang siya. Hanggang ngayon, hindi pa rin namamanhid ang utak niya sa kaiisip ng bagay na ito. At sa tuwing mapapanaginipan niya ang mga ito, mas lalo lang siyang nadudurog dahil sa sakit. Dahil sa matinding pait.
Muli siyang napahikbi kasabay nang marahang pagpukpok sa dibdib.
Bigla lamang siyang natigilan nang may mapansing kakaiba. Dahan-dahan siyang nag-angat ng ulo at agad nakita ang isang bulto sa dulo ng silid. Sa kabila ng kadiliman sa parteng iyon sanhi ng mga nakasarang kurtina, kilala niya ang pangangatawan nito, lalo na ang may kahabaan nitong buhok na abot hanggang balikat. Batid niyang nakatingin din ito pabalik sa kaniya.
"Jacob?" usisa ni Cassy, ngunit sa kaniyang pagkurap, mistula itong bulang naglaho.
Nalipat ang pansin niya nang biglang bumukas ang pinto.
Patakbong pumasok si Caleb na may hawak na set ng susi at agad yumakap sa kaniya. "Cassy, are you alright?"
Sa kabila ng pagyakap nito, awtomatiko ang naging pag-iwas niya.
Agad tuloy bumitiw ang kakambal. "Nanaginip ka na naman ba nang masama?" usisa nito.
Kahit nakatingin si Cassy sa kabilang bahagi ng kama, alam niyang pinagmamasdan ng kapatid ang ayos niya.
"I'm alright," simpleng tugon niya, saka siya muling nahiga at nagtalukbong sa kama.
Humugot nang malalim na paghinga ang kakambal. Nakaupo pa rin ito sa bandang likuran niya. "I know, Cassy, na mahirap itong pinagdadaanan mo ngayon," tila may nabasag sa tinig nito. "But we need you. You have to be strong--" Napahinto na si Caleb.
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
ParanormalAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...