Apatnapu't Walong Panaginip

30 4 0
                                    


Kevin





Napasinghap si Kevin dahil sa matinding sakit. Unti-unti nang bumabaon sa kaniyang balat ang matinik na sangang gumagapos sa kaniyang paa't kamay. Kinailangan itong gawin para mapigilan ang pagdaloy ng anomang uri ng kapangyarihan sa kaniyang katawan na maaari niyang gamitin sa pagtakas. Pero marahil, ito rin ang paraan ng mga tagabantay at ng buong konseho para siya'y maparusahan.

Kasalukuyan siyang nasa may kadilimang selda na may malamlam na liwanag ng espesyal na batong nagniningas sa bawat sulok. Dito siya pansamantalang ibinilanggo habang patuloy pa rin ang pagpupulong ng mga ito sa malaking bulwagan.

Nanghihina man at halos manlambot ang tuhod, wala siyang ano mang nararamdamang pagsisisi sa ginawang pagsisiwalat. Malaki pa nga ang pagpapasalamat niya sa Inang Reyna sa ibinigay nitong pagtitiwala. Malamang kung 'di dahil dito, naparusahan na siya ng walang hanggang kamatayan.

Sa totoo lang, hindi sariling kaligtasan ang inaalala niya, bagkus ay kay Cassy. Sa mga sandaling ito, maaaring naabandona na ito ng nilalang sa mundo ng mga panaginip. Ang tanging dasal niya ngayon ay ang mabilisang pagpapasya ng buong konseho at ng Inang Reyna para mailigtas ang babaeng iyon.

Maya-maya pa, naistorbo si Kevin sa malalim na pag-iisip nang marinig ang pag-ingit ng bakal na tarangkahan sa dulo ng piitan. Kasunod n'on ay ang ingay ng papalapit na yabag, kasabay ang dahan-dahang pagliliwanag ng paligid.

Pag-angat ng kaniyang ulo, bumungad ang isang guwardiyang Yperaspistis(kalahating halimaw-kalahating athanatos). May katawan ito at mukha na tulad ng isang imortal, ngunit 'di maikakaila sa mga patulis na linya kulay kahel at berde sa pisngi nito, at sa nag-iiba-iba nitong kulay ng balat na may dugo ito ng isang hunyango(chameleon).

Kusang bumukas ang tarangkahang nasa harapan nito, saka pa lang nagsalita ang nilalang gamit ang mababa ngunit may kanipisang tinig, "Ipinatatawag ka ng Inang Reyna."

Ilang sandali pa, binabaybay na ni Kevin ang mahabang pasilyo patungo sa malaking terasa na nasa pinakagitna ng palasyo. Nasa magkabilang gilid niya ang dalawang Fylakas(tagabantay) na nagsisilbing guwardiya nito.

Pagkabukas ng malaking pintuan, agad ng nakita ni Kevin ang reyna na nakatayo sa tapat mismo ng harang. Nakatalikod ito at nakatanaw sa banal na talon na payapa pa rin ang pag-agos ng tubig paibaba.

Humakbang na sila palapit.

"Dumating na ang oras na aking pinangangambahan," panimula ng Inang Reyna. "Kaya pala, pagkabalik ko, hindi ako mapalagay. Labis akong kinukutuban ngunit 'di ko malaman ang dahilan. Marahil, kaya hindi ko makita, ay dahil isang natatanging Kathairoma rin ang susunod na makakatunggali ng buong kaharian."

Humarap na ito at kitang-kita sa ekspresyon nito ang pagkabagabag. "Binalak kong makapaglakbay sa mas naunang panahon para sana makaharap siya, pero nauunawaan kong kahit anong gawin ko, hinding-hindi ko rin siya makikita dahil sa proteksyon ng lawa. Magkakausap lang kami sa oras na bumalik siya at tumuntong sa kahariang ito, ngunit posibleng bago pa mangyari iyon ay mahuli na ang lahat."

Totoo 'yon, pagkat halos lahat ng miyembro sa konseho, binansagan na itong isang kriminal at walang kaparatang maging susunod na tagamagmana ng kaharian. Malaki na ang naging pagdududa ng lahat na maaari nitong namanipula ang Banal na Talon.

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon