Pinilit itong ipagtulakan ni Cassy. "Ano bang pinagsasabi mo? Bakit mo na naman ako tinatawag na Faye?"
Nakatingin pa rin si Kevin habang puno ng pagkalito ang mamasa-masang mata. Matagal din itong natigilan habang nakatitig sa kaniya. Dahil tuloy doon, mistula na namang may humihila sa kaniya patungo sa lalaki. Napalunok siya. Hanggang ngayon nga ay kumakabog pa rin ng malakas ang kaniyang dibdib.
Pinilit naman niya itong tanggalin sa isipan.
"Kevin, ayos ka lang ba?" tanong niya kahit medyo nababahala pa rin siya.
Nag-iwas na ito ng paningin saka tumayo nang maayos at bahagyang napayuko.
Inilibot niya ang mata sa paligid. Base sa puting silid na puro malilit na higaan na natatakpan ng puting kurtina, nandito sila sa ospital. Natanaw pa nga niya sa dulo ang babasaging pinto kung saan nakapaskil sa pulang sticker ang mga letrang: ER.
Tiningnan niya ang mga braso't binti pero wala naman siyang kahit na anong galos o sugat. Wala rin siyang nararamdamang ano mang sakit.
"Bakit tayo nandito? Mukhang okay naman ako," wika ni Cassy na pinagmasdan ang buong katawan nito. Kumpleto naman ito at nakakalakad.
"Hinimatay ka," simpleng tugon nito. "Tinawagan ko na si Professor Aguirre. Parating na 'yon."
Tumalikod na ito at naglakad patungo sa pinto. Saka naman dumating ang propesora na patakbong lumapit sa kaniya.
"Faye! Anong nangyari? Nasaktan ka ba?"
Dahil sa pangalang narinig, muling napalingon si Kevin at napatingin sa kaniya.
"Professor!?" bulalas niya na sinubukan itong sawayin pero huli na, dahil narinig na 'yon ng lalaki.
Tiningnan naman ng ginang ang kabuuan niya saka ito mahinang napahagulgol nang yumakap sa kaniya. "Hindi ko na kakayanin kapag nawala ka ulit sa akin, Faye. Huwag mo na itong uulitin."
"Professor, hindi ako si Faye," mariing wika ni Cassy.
Laking pasasalamat nga niya at busy ang ibang nurse at doctor na naroon kaya hindi sila marinig ng mga ito.
Ngumiti ang luhaang propesora na hinaplos ang pisngi niya. "Oo, tama. Ikaw na si Cassy ngayon." Tumango-tango pa ito.
"Gusto ko ng umuwi," pahayag niya na saglit napasulyap kay Kevin na nakatingin pa rin sa kanila.
Aalis na sana ito nang balingan ni Professor Aguirre. "Saglit lang, Kevin. Papunta na ang mom mo. Hintayin mo siya."
"Pasensya na po. Kailangan ko ng umalis," paalam nito na tuluyan ng naglakad patungo sa babasaging pinto.
Halata man ang pagkadismaya sa propesora dahil sa inasal ng lalaki, bumaling na ito sa kaniya at nagpilit ng ngiti. "Okay ka lang ba talaga? Wala bang masakit sa 'yo?"
Umiling siya. "Wala nga po. Umalis na tayo rito."
Nang tumayo siya, agad itong umalalay sa kaniya. Bahagya niyang inialis ang kamay nito dahil hindi naman niya kailangan. Maayos naman ang buong katawan niya at wala siyang ano mang bali kaya magagawa niyang makapaglakad mag-isa.
Nauna na siyang naglakad papalabas ng glass door ng ER, kasunod ito. Ngunit sa pagtayo niya sa koridor, saka naman niyang natanawan ang babaeng eksaktong replika ng mukha ng kaniyang ina. Agad din niyang napansin ang lungkot sa buong disposisyon nito habang sinusundan ng tingin si Kevin, na mabilis nang lumampas mula rito.
Seriously? Paano niya 'yon nagagawa sa mom niya?
Kung puwede lang, hinabol na niya ito para mabatukan.
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
ParanormalAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...