Apatnapu't Siyam na Panaginip

37 5 0
                                    


"Naniniwala ka ba sa babaeng 'yan, Kevin?" wika ng malambing na tinig ni Faye. "Ako 'to, ang pinakamamahal mo." Yumakap ang babae sa katawan nito.

Gumanti rin ng pagyakap si Kevin na base sa ekspresyon ay mistulang nahihipnotismo na nito.

"Kevin, ano ba? Hindi nga iyan si Faye!" pagpipilit niya.

Marahang nagpumiglas ang lalaki na tila nagising sa tinig niya. Pagtayo nito mula sa bench, tumayo rin ang mapagpanggap na babae at muling yumakap kay Kevin.

"Pakiusap, Kevin? Huwag mo akong iwan?" mangiyak-ngiyak nitong wika na napapikit pa.

Hindi sumagot ang lalaki na tila naistatwa kaya muli itong tinawag ni Cassy.

"Kevin, makinig ka sa akin? Tara na. Umalis na tayo!"

Kaagad namang gumapang ang pagkakilabot sa kaniyang tiyan nang tumingin sa kaniya ang babae. Ngumiti ito hanggang sa mapunit iyon tungo sa gitna ng pisngi nito. Mula roon ay lumabas ang malahayop nitong pangil na dahan-dahan ding lumalaki.

Mukhang naramdaman iyon ng lalaki dahil nagsimula na itong magpumiglas, ngunit hindi na ito makawala dahil sa ilang pares ng kamay na bigla na lang lumitaw at tila gumapos sa katawan nito.

"Mauna ka na. Ako na ang bahala rito!" pahayag ng lalaki na mula sa ere ay may napalitaw na makinang na espadang tila gawa sa kristal. Transparent kasi iyon at napapalamutian ng makikinang na bato ngunit kapansin-pansin pa rin ang pagiging matalas.

Nakinig si Cassy kahit pa may pag-aalinlangan siya, may tiwala siya sa taglay na kapangyarihan ng lalaki. Bago nga siya tuluyang tumakbo, nakita pa niya kung paano nito iwinasiwas ang espada para maputol ang mga pares ng kamay na nagsilbing tanikala nito sa sandaling panahon. Malakas na hiyaw ang pinakawalan ng nilalang na 'di niya malaman kung ano.

Sa kaniyang pagtakbo pabalik sa pinto, alam niyang nakasunod na si Kevin na pinipilit namang makipagsagupaan sa mga naglilitawang anino na muli na namang humahabol sa kanila. Dinig na dinig niya ang ingay ng sandata sa tuwing iwinawasiwas nito sa hangin, lalo na ang pag-iyak ng mga halimaw kapag natatamaan at nagkakapira-piraso ang mga ito.

Dahil sa bilis ng kaniyang paa, nakarating si Cassy sa pinto at agad itong binuksan. Saglit niyang hinintay ang lalaki, na mabilis ding nakasunod at nakapasok, at pinagtulungan na nilang isara nang maigi ang pinto.

Nang magtagumpay, pareho silang hingal na hingal na napasandal doon saka nila pinagmasdan ang paligid. Mukhang parte pa rin ito ng nakaraan sa mundo ni Kevin, dahil malaking lecture room sa unibersidad ang napasukan nila.

Muntik nang mapatalon si Cassy nang umalingawngaw ang malakas na pag-alarm ng bell. Paglingon niya sa lalaki, nakabihis pa rin ito bilang mortal na Kevin. Mukhang hindi na ito nagtaka at bahagya lang napaatras para pagbigyan ang mga estudyanteng papalabas ng silid.

"Kevin? Faye? Hindi n'yo naman klase 'to, ah? Anong ginagawa n'yo rito?" tawag pansin ng isang lalaki mula sa likuran nila.

Si Angelo.

Nakangising nakipag-high five ito kay Kevin na alanganin namang tinanggap ng lalaki.

"Hinihintay n'yo ba si Mila?" muling tanong ni Angelo. 

Nagkatinginan sila ni Kevin. Kung nakikita sila ng mga tao rito, posible isa pa rin ito sa mga pekeng mundo na inihanda ni Haliah. Kailangan nilang mag-ingat. Sa mga ganito pa naman mas maraming humahabol sa kaniyang nilalang, at madalas, matagal na ulit bago may lumitaw na pintong maaaring daanan palabas.

Sabay silang inakbayan ni Angelo na nakangiti pang kumaway nang makita ang hinihintay. "Babe, we're here!"

Tatawa-tawa namang lumapit si Mila. "Anong ginagawa n'yo? Bakit kayo nakaharang sa pinto?"

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon