***
"Dumito ka muna. Ito ang pinakaligtas na lugar para sa 'yo," pahayag ni She nang mabuksan nito ang may katamtamang laking pinto.
Napasilip si Cassy sa loob ng maliit na silid. Agad din siyang napangiwi. Mukhang mas malaki pa ang comfort room niya kaysa rito. Looks like 4 squaremeters lang ito. May maliit na kama sakop ang halos kalahati ng kuwarto, may kabinet sa gilid at iisang bumbilya na nagbibigay liwanag sa silid. Sa kabila ng nakabukas ang bintanang nahaharangan ng grills, pansin niya ang nangangamoy kulob sa kabuuan nito. Napapisil tuloy siya sa ilong.
Wala siyang ideya na ang nakahiwalay na gusali na may apat na palapag sa likod mismo ng university, ay nagsisilbing dorm para sa mga scholars. Dito siya dinala ni She para makaiwas raw siya sa tiyahin nito. Bukod kasi sa pagkaka-trap niya rito, may mas masama pang posibleng mangyari sa kaniya. Ayaw naman nitong banggitin kung ano.
Ngunit hindi pa iyon ang nakakagulat. Sabi kasi ni She, 9PM na, pero kitang-kita niya mula sa bintana na papalubog pa lang ang ginintuang araw. Nasa 4th floor kasi siya kaya bukod sa ibang kabahayan sa malayo, tanaw na tanaw niya ito sa ibabaw ng matatayog na puno sa 'di kalayuan.
"Huwag kang mag-alala, hahanapin ko sa libro ang paraan kung paano ka makakabalik," paniniguro ni She kaya bumalik ang pansin niya rito.
"Anong libro?" tanong ni Cassy na medyo na-curious kung ano ang sinasabi nito.
"Dito ka muna magpalipas ng gabi. Babalik ako nang maaga bukas." Tumalikod na ito.
Agad siyang kumapit sa braso nito. "Are you serious? Iiwan mo talaga ako rito? Paano kung malaman nina Mila na nandito ako? Paano kung pumunta sila rito para saktan ako?"
"'Wag mo silang intindihin." Marahan na nitong inialis ang kamay niya.
"Anong 'wag? Alam mong muntikan na ako kanina!" bulalas ni Cassy dahil sa labis na pag-aalala.
"Hindi sila ganoon kasama. Hindi ka nila ipapahamak dahil wala ka namang atraso sa kanila."
"So, sinasabi mo bang may atraso ka sa kanila, kaya ka nila sinasaktan noon?" balik niya.
Hindi ito tumugon.
"Nakita kong sinasaktan ka nila!"
"Hindi lahat ng nakikita mo sa panaginip ay totoo. Maaaring mali lang ang pagkakaintindi mo," paliwanag ni She.
Nangunot lang ang noo ni Cassy dahil hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.
Nang tumalikod ang babae at naglakad sa makitid na koridor palayo, wala siyang ibang magawa kundi sundan ito ng tingin. Muli siyang lumingon sa silid na mukhang kulungan ng hayop. Hindi niya alam kung anong klaseng tao ang makakapagtiis sa ganitong tulugan.
Walang iba kundi ang mga desperado--tulad ko.
Pumasok na siya at maiging ini-lock ang pinto. Medyo nahirapan pa nga siyang maisara, kung 'di niya pa sinipa sa ibaba. Kahit 'yong doorknob, halatang luma at kinakalawang na. Baka kaunting kalikot lang nito, bumukas agad ito.
Umiling-iling siya at muling pinagmasdan ang silid. Hindi niya kailangang iikot ang paningin, dahil kitang-kita niya ang kabuuan nito mula sa kinatatayuan.
Inis niyang inilapag sa ibabaw ng kabinet ang dalang paper bag. Pagkain 'yon na binili ni She para sa hapunan. Wala naman siyang gana kaya naupo na lang siya sa kama. Kahit pagod na pagod ang katawan niya dahil sa buong araw niyang pagtakbo at pagtatago sa iba't ibang tao, parang hindi naman siya basta-basta aantukin. Humiga na lang siya habang nakatagilid. Nagsimulang bumigat ang dibdib niya hanggang siya'y mapahikbi. Unti-unting napuno ng takot at pag-aalala ang puso niya. Nag-aalala siya sa mom niya. At natatakot siyang baka hindi na siya makabalik.
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
ParanormalAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...