Limampung Panaginip

55 6 0
                                    


Sa unti-unti nilang pag-ahon mula sa ilalim ng tubig, napansin ni Cassy ang saglit na pagliliwanag sa bandang itaas. Nagtataka man, ipinagpatuloy lamang niya ang paglangoy para makaahon na sila.

At sa kanilang paglitaw mula sa tubig, mabilis niyang hinila ang lalaki sa may lupa gamit ang natitira niyang lakas. Wala siyang napansing kakaiba sa paligid, bukod sa malawak na katubigan at kabundukang naliliwanagan ng bilog na bilog na buwan. Kaagad na niyang inasikaso si Kevin na wala pa ring kamalay-malay.

"Kevin, gumising ka!" bulalas ni Cassy na naisipan itong I-CPR. Ilalagay na sana niya ang kamay sa dibdib nito nang mapaatras siya dahil sa paglutang ng mala-dahong kwintas na ngayon ay kumikinang sa gitna ng dilim.

Ano 'yan?

Mistulang may humila n'on, at sa isang iglap, napansin ni Cassy na napalilibutan na siya ng mga nilalang na may mahahabang kasuotan at makikinang na balat, tulad ni Kevin. Ang iba sa mga ito ay may nakaaakit na hitsura, samantalang ang iba, mistulang lumabas mula sa mga pelikulang may pantasya o hindi naman kaya ay may nakatatakot na tema.

"S-sino kayo?" halos manginig niyang wika.

Isa sa mga nilalang, kataka-takang pamilyar sa kaniya.

"Maligayang pagdating, Binibini," pagbati ng lalaking kamukha ng ama ni Lia. Mas mukha lang itong bata, kapita-pitagan sa suot nitong may kahabaang damit, may puting-puti na balat at may puti at mahabang buhok.

"Maraming salamat at nakarating kayo nang ligtas," pahayag naman ng maladyosang nilalang at hindi niya maiwasang mapanganga dahil sa taglay nitong kagandahan. Literal na nagniningning ang balat nito at may dulot na kapayapaan ang pagngiti, suot ang may pagkakonserbatibong kasuotang nagpalitaw ng maganda nitong hubog.

Sa kabila nito, muli siyang nag-panic nang maalala ang kasama.

"Tulungan n'yo si Kevin!"

Saka lang niya napansing inaasikaso na pala ito ng ibang mga nilalang na mukha ring mortal kung hindi lang sa mga suot nito at kulay ng buhok at balat. Nakatagilid na ang lalaki na inaalalayan ng isa, habang ang isa pa sa mga ito, pinagagaling ang sugat nito gamit ang liwanag na nagmumula sa kamay nito.

"Maayos na ang kalagayan niya. Kailangan niya lang makapagpahinga. Sadyang nanghina siya dahil sa paghigop ng kuwintas sa kaniyang lakas," tugon ng may edad na imortal na binigyan siya ng ngiti.

Muli siyang napatingin sa maladyosang babae na nakatanaw naman sa bandang gitna ng katubigan. At nang makita niya kung ano ang nakalutang doon, agad nangunot ang kaniyang noo.

Sandali...ako ba iyon?

Maigi niyang pinagmasdan ang bagay na nakikita sa gitna ng lawa. Naroon nga ang kaniyang katawan, nakalutang at walang malay habang napalilibutan ng kung anong kumikislap. Napansin niya ring may kung anong nagniningning sa kaniyang bandang dibdib.

May mga nilalang na may mahahaba ring kasuotan ang mistulang lumipad para palibutan ang kaniyang katawan. Isa na roon ang maliit na lambanang may pakpak na bitbit ang isang pambihirang bulaklak. Mukha itong lily at kumikinang sa gitna ng dilim ang makakapal at mahahaba nitong talulot na may bahid ng kulay rosas.

Huminto ang lambana sa bandang uluhan ng kaniyang katawan at pinalutang doon ang bulaklak. Kasunod n'on ay nagsimula sa paghimig ang mga nakapalibot na tila umuusal ng kung anomang dasal sa saliw ng musika at tambol na 'di niya malaman kung saan nagmumula.

Maya-maya pa, ang pagniningning sa kaniyang bandang dibdib, unti-unti ng lumipat sa kumikinang na bulaklak. Para itong dalisay na liwanag na may magkahalong asul at puti. Nakamamangha mang panuorin, napapaisip pa rin siya kung anong nangyayari at kung anong ginagawa ng mga ito sa katawan niyang nakahiwalay sa kaniya.

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon