Tatlumpu't Walong Panaginip

25 8 0
                                    


***

Pagkalubog ng araw, muli nang ibinalik si She sa silid nito pagkatapos nitong sumailalim sa iba't ibang test. Si Cassy ang sumama sa pinsan ni Faye habang isinasagawa ang mga iyon. Laking pasasalamat niya nga at abala na ang propesora sa ibang trabaho nito sa ospital. Mukhang hindi naman na ito interesado sa kakalabasan ng resulta.

Nang may kumausap sa kaniya na isa sa mga doktor, ang nakita raw sa scan ay ang posibleng pagkawala ng oxygen sa utak ni She. Kung paano nangyari iyon ay hindi masabi ng doktor. Binigyan na rin ito ng lunas at nagsabing patuloy pa rin ang obserbasyon kay She sa mga susunod na araw. Wala pa raw kasing makapagsasabi kung kailan ito magigising.

Hindi naman niya lubos-maisip kung ano talagang nangyari kay She sa loob ng stockroom, o kung ang nakita ba niyang bulto ang may kagagawan nito sa babae.

Pero kung si Jacob iyon...I'm sure, hindi niya iyon magagawa. If that is actually Jacob.

Napakagat siya sa daliri habang malalim na nag-iisip. Sa dami ng kababalaghang nangyayari sa kaniya, hindi na imposible ang hinala niyang 'buhay' si Jacob. Sa ibang paraan.

Naupo na siya sa silyang nasa tabi ng kinahihigaan ni She na wala pa ring malay sa ngayon. Saglit niyang iniayos ang kumot nito na nasa bandang tiyan nito. Itataas niya sana 'yon hanggang sa dibdib ng babae, nang bigla na lang nitong hawakan ang kamay niya.

Agad siyang napatayo. "She? Gising ka na ba?" Awtomatiko ang kamay niya sa pagpindot sa pulang buton para matawag ang nurse, pero tumagos lang ang kamay niya roon.

Agad na umawang ang kaniyang bibig.

Anong nangyayari? Nananaginip na naman ba ako?

Paanong hindi niya napansin?

Pero...parang wala namang nagbago sa paligid?

Inilibot niya ang paningin sa buong silid. Ganoon pa rin ang nakikita niyang kulay sa mga pader, kisame, maging sa mga kagamitan. Napakalinaw at mistulang gising na gising siya.

Nang ibalik niya ang paningin kay She, nakaupo na ito sa gilid ng kama at nakamulat ang mata. Nakakabahala ring diretso itong nakatingin sa kaniya.

"Wala na...huli na ang lahat para sa 'yo, kaya mas maigi pang sumuko ka na lang, tutal, iyon naman ang gusto mong gawin, umpisa pa lang," may diing wika nito gamit ang katamtamang tinig.

"She...?" Halos maistatwa na lang siya sa kinaroroonan niya.

"Kasalanan mo rin naman. Kung 'di ka naging sakim, kung hindi mo ninais na managinip nang managinip at maglakbay sa iba't ibang mundo. Kung hinarap mo lang sana ang problema mo sa sarili mong mundo, hindi mo mararanasan ito. Hindi ka masasakop ng nilalang."

"Pero mahina ka!" Iniangat nito ang kamay at dinuro ang dibdib niya. "Pinili mong maging mahina...kaya lalo siyang naging malakas."

Agad ng dumaloy ang mga luha niya nang mapuno ito sa kaniyang mga mata. "Hindi...hindi ko sinasadya." Napapikit si Cassy dahil sa labis na pagsisisi. Kasalanan niya nga ang lahat.

"Ngayong mawawala na ang lahat sa 'yo, wala ka nang dapat pagsisihan," muling wika ni She na mistulang nakatitig sa kaibuturan ng kaniyang kaluluwa. "Hayaan mo na lamang ang nilalang, at magpaubaya ka...dahil wala ka na ring magagawa pa."

"Hindi...hindi puwede. K-kailangan kong bumalik sa pamilya ko! Sa totoo kong mundo," pag-iyak niya.

"Wala na akong oras. Kaya, huwag ka nang makialam, at sumabay ka na lang sa agos ng inaakala mong panaginip...dahil iyon lang naman ang kaya mo...ang managinip!"

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon