Apatnapu't Limang Panaginip: Ikalawang Bahagi

32 4 0
                                    

Kevin: Part 2





Bahagyang nabalisa si Kevin dahil sa biglaang paglitaw ng nilalang mula sa kaniyang bandang likuran. Lumampas ito at pinagdaop din ang mga palad. Ilang sandali ang lumipas ngunit wala pa ring nangyari.

"Ikaw ba ang may kagagawan nito?" tanong ni Cephreus nang lingunin siya.

Umiling si Kevin.

Saglit itong tumitig na mistulang binabasa siya. Saka naman biglang lumitaw ang ibang kasamahan nitong nasa bandang likuran na nila. Natanaw na nga rin niya ang ilang dosenang repleksyon ng mga ito sa iba't ibang sulok ng lugar na kinaroroonan nila.

"Umamin ka, anong mundo ang dapat ay pupuntahan mo!?" matapang na wika ng mas nakatatandang Tagabantay. "At bakit ngayon ay sarado na ito?"

"Ang iyong ina ba ang may kagagawan nito?" kalmadong usisa ni Luziahanna na nakilala niya bilang si Miss Lucielle.

Hindi pa rin sumagot si Kevin at piniling yumuko na lamang.

"Bakit kailangan mong magsinungaling sa amin? Anong itinatago ninyo ng 'yong ina?" pang-uusip pa ng isang ginoong mukhang kaedad niya.

"Tama na 'yan. Kung ang ina niya ang may kagagawan nito, isa lamang itong patunay na pinili nga siya." pag-awat ni Cephreus gamit ang kalmadong tinig. "Sumama ka sa amin nang matiwasay."







***

Segundo lamang ang lumipas ay nakabalik na sina Kevin sa Diamanti Vasilieo--isang dimensyong kung saan iba't ibang makapangyarihang nilalang ang naninirahan. Muli na naman niyang tinatahak ang mahabang pasilyong gawa sa purong dyamante kung saan matatanaw ang pambihirang tanawin sa labas. Hindi lamang iba't ibang uring nilalang ang lumilipad sa kulay lilang kalangitan, naroon din ang mga bilugang bagay na madalas gamitin ng iba't ibang uri ng nilalang bilang lagusan tungo sa iba't ibang mundo.

Si Cephreus na lang at si Luziahanna ang kasama niya dahil ang ibang Tagabantay, iniimbestigahan pa ang mundong mayroong saradong lagusan sa kasalukuyang panahon.

Ngayon ay desidido na siyang umamin sa Inang Reyna. Naging atrasado man siya at makasarili nitong nakaraan, kailangan na niyang gawin ang tama. Umpisa pa lang, alam na niyang hindi patas sa babaeng bihag ng nilalang ang naging pasya niya.

Umugong ang malaking pintong napapalamutian ng malilinaw na mga bato nang bumukas ito. Agad bumungad ang malawak na bulwagang napapaligiran ng salaming pader kung saan natatanaw rin ang Banal na Talon. Kapansin-pansin din ang mga nilalang na may mga kaakit-akit na itsura, nagniningning na balat at may kulay puti at mahabang buhok. Naroon ang mga iyon at nakaupo sa mga nakalutang na upuan palibot sa sentro ng bulwagan.

Napapaisip si Kevin kung bakit narito ang karamihan sa lahi ng mga Kathairoma. Ang lahat ay nakalingon sa kanilang tatlo habang tinatahak nila ang kahabaan ng pasilyo patungo sa pinakaunahan, kung saan nakaupo ang Inang Reyna at mukhang kanina pa naghihintay sa kanila.

Nagbigay-galang sila sa pamamagitan ng pagyukod. Tango lamang ang iginanti ng Reyna na may maamong mukha.

Lumuhod si Cephreus gamit ang isang tuhod at habang nakayuko ay nagwika, "Kamahalan, nais naming ipaalam sa lahat na isang pambihirang pangyayaring kasalukuyang nagaganap sa ating kaharian."

"Anong ibig mong sabihin?" tanong ng Inang Reyna.

Lumuhod din si Lucielle para makapagsalita, "Isang lagusan ang patungo sa isang mundo ng mga mortal ang kasalukuyang nakasara."

Agad umugong ang bulungan sa buong bulwagan.

"May hinala na kami kung sino ang maaaring may kagagawan nito," muling wika ni Cephreus na ikinatahimik ng lahat. "Kaya, Kamahalan, muli ko pong hinihingi ang inyong pahintulot na isagawa ang puripikasyon sa dugo ni Ezekiel."

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon