Tatlumpu't Apat na Panaginip

27 7 0
                                    


Mariin itong napatitig sa malayo. Nang umihip ang malakas na hangin, napuno ng galit ang mga mata ni Lia, isang bagay na kailanman, hindi niya nakita sa nakilala niyang Lianne sa kabilang mundo. Kahit sa mga naalala ni Cassy sa pamamagitan ng panaginip, ni minsan, hindi niya nasaksihan ang ganitong pagkagalit sa babaeng itinuturing na rin niyang kaibigan.

"She's the worst and its so unfair na namatay siya nang 'di man lang niya pinagdusahan ang ginawa niya!"

Pagkasabi n'on, inilahad na nito ang mga bagay na gusto niyang marinig tungkol sa gabing 'yon--ang pangyayaring gusto niyang masiguro kung katulad rin ba sa nasaksihan niya mula sa kaniyang panaginip.

Nang gabi raw na 'yon, nakasalubong nito sa loob ng bahay si Faye na balisa at wala sa sarili. Dahil sa pagkakaalam ni Lia ay magkasama si Faye at ang mama nito papunta ng ospital, nagtanong ito kung bakit mag-isa na lang itong nakabalik, ngunit hindi sumagot ang babae. Pumasok lang ito sa kuwarto nito at padabog na isinara ang pinto. Sa pagtataka at pag-aalala, agad nitong hinanap ang ina at baka nasa labas ito, pero pagdating nito sa garahe, napansin nito ang kalagayan ng kotse. Basag ang windshield nito at may bahid din ng dugo sa bandang unahan.

Doon na nakatanggap ni Lia ang tawag tungkol sa isang masamang balita, na na-hit and run ang mama nito at naghihingalo sa ospital.

Dali-dali itong nagpunta roon, pero pagdating nito, ang tanging sumalubong sa pandinig nito ay ang matining at tuloy-tuloy na pagtunog ng aparatu na nakakabit sa ina, kasabay ng isang diretsong linyang nagkukumpirmang tuluyan na itong binawi sa mga ito.

Nang kausapin si Lia ng nag-iimbestiga, sinabi nito ang nalalaman pero ito pa ang napalabas na sinungaling. Wala raw sa bansa si Faye, wala rin itong maipakitang ebidensiya dahil bigla na lang nawala 'yong kotse sa bahay nina Faye. Wala ring nakita sa ano mang CCTV footages sa paligid ng ospital.

At ang pinakamasakit sa lahat, ang ama ni Lia ang isa sa nagtago sa katotohanan.

Isang linggo kasi matapos mailibing ang mama nito, kinausap ito nang masinsinan ng sariling ama. Hindi man direktang umamin, pero sa pagkakasabi nito, batid ni Lia na nabayaran ito ng malaking halaga. Paulit-ulit lang daw kasi ito sa sinasabi na isang malaking aksidente ang nangyari, na hindi 'yon sinasadya ng gumawa, at para daw sa ikapapanatag ng lahat, tanggapin na lang daw nila ang sinapit ng ina.

"Nakakasuka na alam kong ang pagiging scholar ko sa university na ito ang kapalit ng pananahimik namin, pero wala akong magawa." Luhaan man si Lia, matigas pa rin ang ekspresyon nito na kitang-kita ang labis na paghihirap at paghihinagpis.

Magkatabi silang nakaupo na ngayon sa bench sa ilalim ng puno. Walang ibang magawa si Cassy kung 'di tapikin ang likod nito bilang pagsuporta. Mabuti nga at medyo maaga pa, kaya wala pang gaanong estudyante ang napapadpad sa kinaroroonan nila.

Ngayon, nabuo na niya ang palaisipang tungkol sa panaginip na 'yon. Unti-unti na rin kasing luminaw sa kaniya ang umpisa n'on, bago pa man mangyari ang aksidente.

Magkasamang nagpunta sa ospital ang teenager na si Faye at ang ina ni Lia para mabisita si Professor Aguirre at madalhan ng hapunan, pero naunang umalis si Faye na sumimple pang kunin ang susi. Pagbaba nito sa parking lot ng ospital, agad na nitong minaneho ang kotse. Ilang minuto itong nagpaikot-ikot doon, hanggang sa dumating ang ginang na labis na nag-alala sa ginagawa nito. Kaya nga hindi ito nagdalawang-isip na harangin ang kotse para maawat ito. Ngunit dahil sa nilalang na narinig niya rin mula sa kaniyang isipan kagabi, tuluyang nawala si Faye sa sarili at tuloy-tuloy lamang sa pagpapatakbo sa kotse, hanggang sa mangyari ang bagay na naging dahilan ng pagkasawi ng ina ni Lia.

"Hinding-hindi ko sila mapapatawad," mariing wika ni Lia saka lumingon sa kaniya, "Lalong-lalo na ang pagmumukhang 'yan. After what she did, paano niya naatim na kalimutan ang nangyari? Paano niya nagawang maging masaya pagkatapos niyang patayin ang mama ko!? Kaya siguro siya kinarma at maagang namatay!" patuloy nito habang nanggagalaiting napatingin sa malayo.

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon