Tatlumpu't Pitong Panaginip

25 7 0
                                    


Nang magkamalay si Cassy, saglit siyang napapikit sa nakasisilaw na liwanag. Pagdilat niya, isang hindi na namang pangkaraniwang bagay ang tumambad sa kaniya.

Narito ulit siya at kaharap si Haliah, ngunit mukhang hindi pa rin siya nakikita ng babae. Bukod nga kay Haliah ay wala na siyang ibang nakikita pa. At katulad ng ekspresyon nito kaninang madaling araw, masama pa rin ang timpla nito at may bahid pa rin ng galit ang maamong mukha.

"Uulitin ko, kung para lamang sa paghihiganti, hindi ko na nanaisin pang bumalik ang alaala ko," mariing wika nito. "Ang tanging gusto ko lamang ay matapos na ang isinumpang buhay na ito."

"Sinong kinakausap mo, Haliah?" usisa ni Cassy pero mukhang hindi pa rin siya naririnig nito. Nang subukan niya ngang lumapit, ni hindi siya makagalaw. Para lamang siyang nakalutang sa kung saan at hindi makontrol ang sariling katawan.

Maya-maya pa, ang matang puno ng pagkamuhi kanina, unti-unting napalitan ng pagtataka. "Kung hindi ito ang tunay kong mundo, saan ako nabibilang? Saan ako nagmula?"

"Parang-awa mo na, Haliah!"

Halos mapaiyak na si Cassy dahil sa pagkadismaya. Sobra na siyang naguguluhan at nag-aalala. Patuloy pa rin si Haliah sa pagtitig sa direksyon niya, na parang may kinakausap ito--sa harap niya mismo, ngunit hindi lang niya malaman kung sino.

"Paano ko paniniwalaan ang sinasabi ng mala-parasitikong nilalang na nakadikit sa ligaw na kaluluwang ito? Mukhang hindi niya nalalaman ang tungkol sa 'yo?" tanong pa nito na muling tumapang ang ekspresyon.

Mala-parasitikikong...nilalang?

"Sinong tinutukoy mo, Haliah?"

Bigla na lang siyang nakaramdam ng panghihina kaya't napayuko siya. 'Di niya nga malaman kung nasaang parte na ba siya ng kalawakan. Tila umiikot ang kaniyang paningin at may kung anong humahalukay sa kaniyang sikmura. Nawala tuloy ang buong atensyon niya sa babae.

Nang iangat niya ang kaniyang ulo, nagbago na ang paligid at wala na si Haliah sa harapan niya. Dahil ngayon ay nakatitig na siya sa lalaking labis niyang pinananabikan.

"Jacob..." usal niya.

Nakatingin din ito pabalik sa kaniya. Naramdaman na naman niya ang init ng pagmamahal nito mula sa mga mata ng lalaki. Kaya ngayon muling umusbong ang pagdududa sa puso niya--na hindi para sa kaniya ang tinging ibinibigay nito, na isa na naman ito sa napakarami niyang pag-aakala.

Sa kabila nito, gusto niyang isiping hindi siya nagkakamali sa inaakala. Gusto niyang isigaw ang pangalan nito. Gusto niyang hawakan ulit ang pisngi nito. Ngunit kataka-takang hindi niya magawa. Hindi niya magawang makakilos o kahit makapagsalita. Para siyang nasa loob ng isang bangungot--ng sleep paralysis na madalas na rin niyang maranasan noon bago pa man siya maaksidente at ma-coma.

Anong nangyayari?

Napatingin siya sa paligid. Puro puti ang nakikita niya. Ang mga pader, ang kisame, ang mga kabinet, maging ang mesa sa dulo.

Kasunod ng pagtataka niya, may narinig siyang boses ng babae na mistulang nahihintakutan.

"Kahit sabihin mo pa sa kaniya, hindi naman siya maniniwala. Kahit nga ikaw, nagdududa pa rin na nandito ako."

"Hindi sa ganoon, Faye," tugon ng lalaki.

"Alam ko." Nagpatuloy naman ang boses. "Hindi niya maiintindihan dahil hindi naman niya alam na nandito ako sa katawan niya...baka habambuhay na akong makulong dito."

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon