***
Nang muling magkamalay si Cassy, kadiliman ang bumungad sa kaniya. Wala siyang makita o maaninag na kung ano. Ramdam niyang may kung anong tumatakip sa kaniyang mata. Kaagad din siyang nag-panic dahil hindi niya maigalaw ang kaniyang mga paa't kamay. Ang alam niya ay nakaupo siya sa matigas na bagay. Lumilikha ito ng ingay sa tuwing sinusubukan niyang makawala.
Nasaan ba ako? Anong nangyayari?
"Tulong!" Impit ang kaniyang pagsigaw dahil sa nakabusal sa bibig niya.
Kinidnap ba ako? Paano? Bakit 'di ko namalayan?
Patuloy siya sa pagtalon-talon sa kinauupuan, ngunit walang nangyayari. Wala siyang nagagawa dahil naroon pa rin siya, hindi makawala.
Maya-maya pa, may narinig siyang umingit na mistulang bakal na pinto na binubuksan. Kasunod n'on ay mga yabag na papalapit sa kaniya. Huminto ang mga ito sa bandang harapan niya. Nagsimulang magsalita ang mga ito kasabay ang pagtatawanan. Ang problema, wala siyang maintindihan. Hindi niya alam kung anong lenguahe ang gamit ng mga ito.
"Pakawalan n'yo ako! Sino ba kayo!?" Sinubukan niya ulit magsalita pero kahit sarili niya ay 'di niya marinig.
Muling dumagundong ang pagtatawanan ng mga ito hanggang sa maramdaman niyang may bumuhat sa kaniya na para siyang bagahe at inilagay sa balikat nito. Ramdam kasi niya ang pagkakahawak nito sa baywang niya. Halos nakataob na nga siya sa likuran nito.
"Ibaba mo ako!" bulyaw niya kahit hindi naman siya marinig nito dahil sa busal niya.
Ilang minuto ang naging paglalakad ng mga ito habang nag-uusap sa 'di niya maintindihang salita. Pinilit niyang makawala pero ano bang laban niya sa posisyon niya ngayon.
Nang tumigil ang mga ito, kaagad lumundag ang puso ni Cassy nang walang ano-ano'y bigla na lang siya nitong inihagis sa kung saan. Napasigaw siya hanggang sa sumalubong sa kaniya ang walang kasing-lamig na tubig. Kaagad siyang nagpumiglas kasabay ang panlalamig ng buo niyang kalamnan. Unang pumasok sa isipan niya ay kailangan niyang makawala. Ngunit kahit anong gawin niya, wala siyang makapang kung ano sa mga kamay. Mistulang hindi naman siya nakagapos ngunit hindi niya ito maipaghiwalay. Ganoon din ang kaniyang mga paa.
Hindi siya puwedeng sumuko agad pero nauubusan na siya ng oras. Kinakapos na siya ng hininga. Alam niyang ano mang sandali, mawawalan na siya ng hangin sa baga.
Hanggang sa 'di na siya makagalaw dahil unti-unti ng nalagot ang natitirang hangin sa kaniyang sistema.
Mukhang katapusan na niya...
Biglang napasinghap si Cassy at agad napamulat. Halos maubo-ubo siya habang pinagmamasdan ang kinaroroonang sasakyan. Katabi niya si Caleb na nagtatanong kung ayos lang ba siya. Nakasilip naman ang nagmamanehong si Kuya Peter sa rearview mirror.
Hindi siya agad makasagot dahil sa pagtataka.
Panaginip lang ba iyon?
Bakit parang pakiramdam niya, kaaahon lang niya mula sa malamig na tubig at muntikan na niyang ikalunod? Para ngang mamamatay na siya, eh?
"Cassy? Anong nangyayari sa 'yo? Nanginginig ka at ang lamig-lamig mo?" tanong ng kakambal na nakahawak sa braso niya.
Oo nga. Ramdam niya ang panginginig. Para nga siyang inilubog sa tubig na may yelo. Agad na nagsalubong ang kaniyang kilay. Ang panaginip ko?
"Mukhang nilalagnat ka. Dont worry, Cassy, pabalik na rin tayo sa ospital." Matapos kapain ang noo niya, may kinuha itong blankot sa likod at agad ikinumot sa katawan niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/352160401-288-k869870.jpg)
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
ParanormalAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...