Apatnapu't Pitong Panaginip

33 4 0
                                    

Halos maubusan na ng hininga si Cassy, pero patuloy pa rin sa pag-uunahan ang kaniyang mga paa. Ngayon ay lubusan na niyang naiintindihan kung bakit at papaano biglang lumilitaw ang mga halimaw na humahabol sa kaniya. Sa tuwing naaalala niya na hindi totoo ang lahat ng ito at kailangan niyang tumakas at lumaya mula sa lugar na ito, agad ding magsisilitawan ang mga iyon para habulin siya.

Madalas, madilim na lugar ang tinatakbuhan niya, wala siyang ibang nakikita kung 'di ang sariling mga paa at ang mga nilalang na nakasunod sa kaniya. Pero minsan, bigla na lang siyang may makikitang liwanag, may lilitaw na pinto at kapag binuksan niya iyon, saka lang niya mamamalayang nakapasok na siya sa ibang dimensyon o sa ibang parte sa mundo ng panaginip na nadalaw na rin niya noon.

May pagkakataong nakakasalubong pa niya ang iba niyang bersyon na nakaharap na rin niya dati. Katulad ngayon na may binuksan na naman siyang pinto. Bumungad ang babaeng walang malay sa hospital bed, nakaposas ang isang kamay, may gupit na panlalaki, mukhang mas bata sa kaniya ng ilang taon at bantay-sarado ng pulis na bersyon ni Jacob/Kevin. Lumabas ito saglit at may kinausap sa phone, kaya naging pagkakataon ito ni Cassy na malapitan ang babae sa kamang kinahihigaan nito. Laking pasasalamat niya at buhay pa ito, pero base sa mga aparatus sa paligid, mukhang matindi ang naging tama nito.

Bahagyang napaatras si Cassy nang mapansing dahan-dahan itong napakurap. Maya-maya pa, napirmi na sa kaniya ang mga mata nito.

"S-sino ka...?" nanghihina nitong tanong na 'di pa rin lubusang maidilat ang mata.

"Nakikita mo ako?" naalarmang wika niya.

"Hmm...nasaan na siya?" usal nito na sinubukang ilibot ang paningin. "A-anong...nasaan ba ako?"

Kaagad nadismaya si Cassy sa narinig. Mukhang namalik-mata lamang ito sa kaniya.

"Hindi puwede. Kailangan ko na talagang makaalis dito."

Dagli ding tumibok nang malakas ang kaniyang puso nang mapagtanto ang pagkakamali, lalo na nang marinig niya ang mahinang paghalakhak ng mga halimaw.

"Hindi!"

Awtomatiko na ang naging pagtakbo ng kaniyang paa patungo sa may pinto nang mapansing nakadungaw sa bintana ang mga itim na aninong may nakakakilabot na mukha, bilog na bilog na mga mata, maugat na pisngi at mga ngiting nakakapanindig-balahibo.

Pagkabukas niya ng pinto, tumagos lang siya sa napalingong bersyon ni Kevin na nanlalaki ang mata dahil sa pasyenteng nagkamalay na.

Kumaripas na siya patungo sa ano mang pinto na maaari niyang maging tulay patungo sa ibang mundo o ibang dimensyong maaari niyang pagtaguan pansamantala. Bakit ba kasi, palagi niyang nakakalimutan, na kahit sumanggi lamang 'yon sa isipan niya, agad lilitaw ang mga halimaw na 'yon?

Palakas nang palakas ang pagtawa ng mga anino kaya't pakiramdam niya, nasa bandang likuran niya lang ang mga 'yon. Wala naman siyang oras para lumingon kaya't nagpatuloy lamang ang pag-uunahan ng kaniyang mga paa.

Heto at bumibigat na naman ang kaniyang paghakbang na tila may magnetong humihila sa kaniya paibaba. Pakiramdam niya nga, ang pintong ilang dipa lang dapat ang layo sa kaniya, mas lalo pang lumalayo at humahaba ang distansya. Halos dumikit na ang kaniyang mga paa sa sahig pero pinilit niyang abutin ang doorknob gamit ang kamay na nakalahad.

"Isang pinto pa...pakiusap?" mangiyak-ngiyak niyang hiling sa kung sino.

Nabigla siya nang kusa itong bumukas. May kung sinong lumabas na tumagos sa kaniya. Kasunod n'on ay nagbago na ang hitsura ng paligid. Sumalubong ang malakas na hangin at ang nakasisilaw na sinag ng araw. Nasa pinakamataas na bahagi siya ng isang lumang gusali at sa bandang dulo, natanaw niya ang babaeng may katamtamang haba ng buhok, nakasuot ng simpleng shirt at palda at may pangangatawang pamilyar sa kaniya. Lumapit siya para makasiguro na 'di siya nagkakamali ng naalala.

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon