Dalawampu't Siyam na Panaginip

28 7 0
                                    


Halos matulala si Cassy dahil sa kaniyang nasabi. Ilang segundo rin sigurong katahimikan ang namagitan sa kanila. Bukod sa malakas na pagtibok ng puso niya, ang malamyos na pagsimoy ng hangin, kasabay ang paghuni ng mga ibong napapadaan ang tanging naririnig niya.

Nang makabawi, sinubukan niyang ilihis ang paningin, ngunit agad lang itong napadpad sa ibaba ng ikatlong palapag. Muling tumalon ang puso niya dahil sa pagkabigla sa nakalulang taas nito. Bigla tuloy siyang nadulas sa kinatatayuan, at dahil sa pagka-out balance, muntikan pa siyang mahulog, kung 'di lang siya nahawakan sa braso ni Kevin.

Napasinghap siya nang mapasandig sa dibdib nito. Ang pagwawala ng puso niya, mas lalo pang tumindi. Agad din siyang napatingala at sumalubong ang nangangalit nitong mata.

"'Yong totoo? Sino talaga sa atin ang may balak magpakamatay?" tanong ng lalaki na may bahid na ng pagkainis ang tono.

Hinila na siya nito at marahang itinulak papasok. Muntik pa siyang matumba, kung 'di lang niya naitukod ang isang paa sa bandang likuran. Pagtingin niya kay Kevin, mabilis na itong nakaakyat papasok sa bintana, tulad ng ginagawa ng mga nagpa-parkour. Hindi niya maiwasang mapahanga, pero agad din 'yong nawala dahil sa bumungad na ekspresyon ng lalaki.

"Ano bang problema mo? At ano bang pakialam mo kung mahulog ako rito?" Humakbang ito palapit na tila dragon na handang-handang manugod.

Napapaatras tuloy si Cassy. "Concern lang ako," mahinang sambit niya.

"Hindi ko kailangan niyan." Halos bulong nito dahil sobrang lapit na nito sa pagmumukha niya. "Hindi porket kamukha mo siya, may karapatan ka nang pagsabihan ako!"

May diin ang pananalita nito na mistulang tumutusok sa damdamin niya. Napasandig na lang si Cassy sa pader na nasa bandang likod niya. Biglang nanlambot ang mga tuhod niyang muntikan nang bumigay. Para siyang mauubusan ng hangin dahil sa mga mata nito na sobrang pamilyar sa kaniya.

Ang mga matang 'yon na sobrang nami-miss niya.

Pero bakit...?

Bakit ko naiisip ang bagay na ito?

Alam ko namang hindi siya si Jacob.

"Wala akong pakialam sa opinyon mo. Kaya puwede bang 'wag mo rin akong pakialamanan?"

Pagkatapos siyang titigan nang may pagbabanta, tumalikod na si Kevin at binalikan ang mga gamit nito malapit sa bintana. Saglit nitong inayos ang mga iyon saka ito naglakad palayo nang 'di man lang lumilingon sa kaniya.





***

Mabigat ang naging paghakbang ni Cassy palabas sa gusaling 'yon. Inis siyang napalingon sa pinanggalingang babasaging pinto. Hindi siya naiinis kay Kevin. Actually, mas naiinis siya sa sarili niya. Hiyang-hiya siya sa nangyari at sa mga nasabi niya. Napasabunot na lang siya sa buhok dahil sa matinding pagkadismaya. Mabigat siyang napabuga sa hangin at maglalakad na sana nang may makasalubong.

Tulad niya, napahinto rin ito saka napatingin sa suot na relo.

"I see that you're still not in class," pahayag ni Mr. Francisco sa maawtoridad na tinig. Saglit pa nitong iniayos ang suot na salamin. Sa tindig pa lang at pananamit nitong suit and tie, ang laki talaga ng kaibahan nito kay Kuya Peter.

"Papunta na ako roon. Naligaw lang ako," pagdadahilan niyang napaiwas ng tingin.

"You're already late. Ihahatid na kita."

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon