"Kevin, anong sinasabi mo?" tanong ni Cassy na bigla nang tumaas ang tono. "Alam mong imposible 'yan, dahil isang taon ng patay si Faye!"
Bigla nitong inihinto ang kotse sa isang tabi, saka mariing tumitig sa harap habang mahigpit na nakahawak sa manibela.
Napapikit si Cassy nang ma-realize ang naging pagkakamali niya. Paglingon niya sa lalaki, napailing-iling ito saka ito lumabas ng kotse. Agad din siyang bumaba para sundan ito. Naglakad si Kevin patungo sa tapat ng puno sa may malawak na sidewalk, saka ito napalakumos sa mukha at doon na ito napahinto. Nakatalikod ito doon at mahahalata ang mabigat na paghinga, kasimbigat ng kalungkutan na nararamdaman nito.
"Im sorry for disappointing you, Kevin, pero nagsasabi lang ako ng totoo," marahang pahayag ni Cassy na pilit pinakalma ang tinig.
"Hindi ako puwedeng magkamali, dahil ilang beses ko na siyang narinig." Humarap na ito sa kaniya at agad sumalubong ang mamasa-masa nitong mga mata. "Ilang beses niya akong kinausap. Naririnig at nakikita ko siya...sa 'yo," tila paglilinaw pa nito na tumitig pa sa magkabila niyang mata.
May bahid ng pagmamakaawa ang tinig nito, pagmamakaawa na pakinggan niya. Mas lalo tuloy nadudurog ngayon ang puso niya.
"Kung ano man ang nakikita o naririnig mo, hindi 'yon si Faye. At hindi rin ako 'yon--" Napahinto na si Cassy kasi hindi na siya sigurado sa susunod niyang sasabihin. May hinala kasi siya na baka tulad niya, pinaglalaruan din ito ng nilalang na nagdala sa kaniya sa mundong ito.
"Hindi mo naiintindihan." Muli itong umiling-iling. "Malaki ang kaibahan ng boses n'yo ni Faye, kaya alam ko, siya 'yong kumakausap sa akin. Siya 'yong humihingi ng tulong!"
"Anong sinasabi mo? Humihingi ng tulong si Faye!?"
"Sumakay ka na ng kotse," tugon ng lalaki.
Naglakad na ito pabalik ng sasakyan, samantalang si Cassy, napalingon sa dalawang estudyanteng may dalang paper bag ng isang pamilyar na snack house. Pagtingin niya sa street na pinanggalingan ng mga ito, saka lang niya naalala na sa mundo nila, naroon ang kalyeng madalas pagtambayan ng mga estudyante sa university. Doon din siya madalas mag-stay noon kasama si Mira. Pero ngayon, hindi na niya gaanong maalala kung kailan ba siya huling nagpunta roon.
Humakbang siya papasok doon dahil sa kuryusidad. Gusto niyang makita kung kapareho lang din ng lugar na 'yon ang lugar na pamilyar sa kaniya--doon sa totoo niyang mundo.
Sumalubong sa kaniya ang masiglang atmospera sa paligid. Ang masayang pop music na nagbibigay-buhay sa lugar. Mas lalo pang dumagdag sa sigla ang pagtatawanan at pagkukuwentuhan ng mga estudyanteng nagpapalipas ng oras dito. Sa pagkakatanda niya, nitong linggo lang, inaaya siya nina Adele at Lily na magpunta rito, pero tumanggi siyang sumama kasi may balak lang pagtripan ang mga ito sa lugar na 'to.
Pagtayo niya sa tapat ng snack house, agad natuwa ang puso niya nang mapagtantong halos ganito rin ang eksaktong estilo n'on. Mula sa labas ay makikita sa babasaging salamin kung gaano kasigla ang loob. Nakikita niya kung gaano kasaya ang mga kaedaran niya kasama ang mga kaibigan nila. Parang ibinalik din siya ng saya na 'yon sa mga sandaling kasama niya sina Mira at Caleb, at masuwerte siya na paminsan-minsan ay nakakasama rin nila noon si Jacob.
Saglit na kumirot ang puso niya dahil sa pangungulila sa mga ito.
Hindi na siya pumasok sa loob dahil nagawi na ang atensyon niya sa arcade na katabi nito. Doon na siya sunod na dinala ng kaniyang mga paa. Pagpasok niya nga ay agad sumalubong ang ingay ng iba't ibang arcade games at claw machine sa paligid. Nandito pa rin ang mga lumang game na pamilyar sa kaniya, pero napansin niyang mayroon ding mga bago.
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
FantastiqueAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...