Ikalabing-Isang Panaginip

54 8 0
                                    

Pagpapatuloy...

Simple lamang ang silid, may katamtamang laki at hindi magarbo, ngunit mahahalata sa kagamitan na karamihan ng narito ay mga antigo. Alam niya iyon dahil sa ama na mahilig mangolekta ng antique.

Mukha itong meeting room dahil sa pahabang mesa na napapalibutan ng mga upuan. Kapansin-pansin sa pader ang ilang medalya at certificates. May ilan ding tropeo ang makikita sa mga istante na may babasaging salamin. Lalapit sana siya para mabasa kung para saan ang mga iyon, ngunit naistorbo siya ng isang malalim na tinig.

Napalingon siya sa kanan kung saan may nakaawang na pinto. Naglakad si Cassy palapit doon para sumilip. Gusto niyang malaman kung sino ang nagsasalita, lalo pa't medyo pamilyar ang boses nito. Mukhang masinsinan ang pag-uusap ng mga ito dahil hindi nila nilalakasan ang tinig.

"...sukdulan na ang rehimeng ito. Sila lamang ang busog, habang karamihan sa mga karaniwang mamamayan ay nasasadlak sa kamatayan dahil sa matinding pagkagutom," turan ng matipunong lalaki na nakasuot ng pang-militar. Nakatalikod ito at nakaharap sa malaking bintana malapit sa mesa nito. Base sa mga bituin sa balikat nito, may mataas itong ranggo.

Nang humarap ito, bahagya siyang nagulat. Hindi niya alam kung ano ba dapat ang kaniyang mararamdaman. Dapat ba siyang matuwa dahil isa ito sa pangarap ng ama? O dapat na niyang tanggapin ang kabaliwan niya?

"Kailangan nang magising ang buong bansa. Dapat na nating umpisahan ang plano," dagdag ng ginoo na may balbas-sarado, pero nasisiguro niyang kamukha ng dad niya.

"Kahit ano pong ipag-utos ninyo, Major General Enriquez," sagot ng babaeng naka-uniporme rin pang-militar. Nakapuyod ang maiksing buhok nito, pero base sa tindig ay kapansin-pansin ang kumpiyansa.

Ang weird din na kahit ito, parang pamilyar din ang boses. Hindi niya lang makita ang mukha nito dahil nakatalikod ito mula sa kaniya.

"Second Liutenant Cassiopeia Fajardo, hindi magiging madali ang susunod mong misyon, nakahanda ka bang isakatuparan ito?" tanong ng ginoo na may pag-aalala sa mga mata.

"Nakahanda po ako, Major General!" wika ng babaeng bahagya nang lumakas ang tinig.

"Panahon na para patayin mo ang nag-iisang anak ng pinunong supremo."

Mistulang natigilan ang babae at hindi agad nakasagot.

Lumapit ang lalaking kamukha ng dad niya at hinawakan ang babae sa magkabilang balikat. "Mahal kong pamangkin, sa kahit anong laban, kailangang may maisakripisyo. Hindi ito ang tamang oras para maging mahina."

Napakuyom sa kamao ang babae. Ramdam sa hangin na hindi nito nais ang iniuutos ng taong kausap. Ngunit, sa kabila nito, tumugon pa rin ito, "Naiintindihan ko po. Gagawin ko po ang inuutos n'yo." Sumaludo na ito at tumalikod at doon pa lang niya napagmasdan ang mukha nito.

Muntik ng malaglag ang puso niya dahil sa pagkagulat.

Pero, hindi siya maaaring magkamali!

Sarili niyang mukha ang nakikita niya. Napakatapang lang ng ekspresyon nito at mukhang mas mature kaysa sa kaniya, ngunit natitiyak niya ang pagkakahawig nila.

Humakbang ang babae palabas ng pinto kaya gumilid siya. Muli siyang lumingon sa kamukha ng ama na sinusundan lang ito ng tingin.

Napagdesisyunan ni Cassy na humabol sa babae, ngunit kataka-takang biglang nagbago ang paligid. Napatingala pa siya para pagmasdan ang mabilisang pagbabago ng kulay ng pader, na mistulang pinipinturahan ng bagay na hindi niya nakikita.

Nang iyon ay matapos, pansin niyang nasa isang simpleng silid pa rin siya. Mas maliit kumpara sa opisinang pinanggalingan kanina. Dito ay mayroong kama, maliit na mesa at upuan, maging ilang aparador na may katamtamang laki.

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon