Apatnapu't Isang Panaginip

30 6 0
                                    


Nakinig si Cassy at mariin ngang ipinikit ang kaniyang mga mata. Agad namang sumambulat ang harapang bahay ni Tita Sabel. Nasa bandang unahan niya si Kevin na marahang iginagalaw ng hangin ang may kahabaang buhok. Sa kabila ng tila pagiging payapa ng paligid, saglit na kumirot ang puso niya sa bagay na 'di pa gaanong tumatatak sa kaniyang isipan, ang bagay na kanina lamang niya natuklasan.

Paano nangyari ito?

Hindi pa rin niya lubos-maisip na ito si Kevin--na nagpunta lang ito sa mundo niya at sa panahong ito para magpanggap na Jacob.

Bakit?

Sariling isipan lang din niya ang tumugon.

Dahil kay Faye...para muli itong mabuhay.

Kung ganoon, paano ako? Paano ako kapag bumalik na siya? Mamamatay na ba ako? O ako naman ang makukulong sa katawan ko? Sa katawan ko na magiging pag-aari na ni Faye.

"Kevin, naririnig mo ba ako?" lakas-loob niya itong kinausap ngunit hindi ito lumingon.

Nakatanaw ang lalaki sa labas ng gate kung saan kausap ni Sherryl ang mga kaibigan nitong pare-parehong nakalingon sa gawi nila.

"Talaga? Pinsan mo 'yan?" tanong ng isa na halos manlaki ang mata.

"Oo. Anak ng tita kong nurse na nag-asawa ng albularyo."

"Albularyo? As in 'yong manong na naghahampas-hampas ng dahon-dahon?"

At nagtawanan na ang mga ito na halos umalingawngaw sa buong street.

"Sayang. Guwapo sana, mukha lang probinsiyano," wika ng isa saka humagalpak ulit ng tawa.

"G*gi!" Napahalakhak din si Sherryl nang mapalingon. "Bakit? Type mo?" Nakangising tanong nito saka sumenyas sa lalaki. "Jacob, halika! Type ka raw nitong tropa ko!"

Hindi tumugon ang lalaki na nalipat ang pansin sa gate kung saan matatanaw ang labas. Maging si Cassy, hindi maiwasang sundan ng tingin ang dalawang taong tinitingnan nito--si Mira at ang past self niya. Magkalingkis ang mga braso ng dalawa at parehong may ngiti sa labi. Saglit na lumingon ang mga ito pero nagpatuloy lang sa paglalakad patungo sa kung saan. Kahit ang grupo ni Sherryl ay napatingin sa mga ito at naging abala na sa pagbubulungan.

"Bakit siya nandito?" usal ni Kevin gamit ang may katamtamang tinig.

Siya ang babaeng kailangan mong bantayan. Hindi ka pa dapat mapalapit sa kaniya. Dahil hindi pa napapanahon.

"Bakit...siya?" muling tanong ng lalaki na ngayon ay salubong na ang kilay.

"Dahil siya ang kailangan nating pareho. Sa nakikita mo, bersyon siya ng babaeng iyong pinakamamahal. Hindi ko siya maibabalik kung walang paglalagyan ang kaniyang alaala."

"A-anong sinabi mo?" Gulat nang mapalingon si Kevin.

Halos mabingi naman si Cassy sa bagay na narinig. Isa ito sa mga kutob niya pero nakakabigla pa ring makumpirma ang bagay na ito.

"Pero, hindi ko alam..." wika ng lalaking napapailing-iling. "Paanong..."

Wala ka ng magagawa. Hindi ka na makakaatras sa usapan. Sa mundo at panahon ng babaeng iyon, naganap na ang lahat ng ito, kaya nga siya napunta sa mundo mo. 'Wag kang mag-alala, hindi siya mamamatay. Sa oras na maisalin ko sa kaniya ang ikalawang sisidlan, magiging isa na sila ng babaeng iyong pinakamamahal.

Hindi sumagot si Kevin na sinusundan pa rin ng tingin sina Mira at ang bersyon niya sa ibang panahon.

Nagsimulang humakbang ang mga paa nito palabas. Awtomatiko naman ang pagsunod ni Cassy dahil sa nilalang na kumukontrol sa kaniya. Halos mamanhid na ang isipan niya dahil sa mga natutuklasan niya. Parang walang totoo sa lahat ng nangyayari.

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon