Apatnapu't Apat na Panaginip

31 6 0
                                    


Isang literal na bangungot ang bumungad sa kaniya. Kaagad na ginapangan ng pagkakilabot ang kaniyang sikmura nang makita ang halimaw na may biyas ng kabayong dalawang beses ang taas kaysa sa tao. May kahindik-hindik itong hitsura, kulay itim na may pagkapula ang balat na mistulang may bitak ng nagbabagang bulkan. Kulay pula rin ang mata nitong nagpapalit-palit sa itim at puti na tila mga likidong malumanay na gumagalaw.

Mas lalo pa siyang tinubuan ng hilakbot nang marinig ang mataginting nitong pagtawa na animo'y nanunuya. Hindi na niya maiwasang mapaatras nang mapansin ang ilang pares ng mga matang nakalutang sa kulay lilang paligid.

Saka lang niya napansing naroon pala si Peya--na nasa kaniyang katawan, naghihinagpis habang hawak ang kamay ng lalaking duguan ang dibdib na nakahiga at mukhang malapit ng mapatid ang hininga. Sinusubukan nitong pagalingin ang lalaki ngunit kahit anong gawin nito ay hindi gumagana ang kakayahan nito. Mas lalo tuloy humahalakhak ang halimaw na nagpasaring na walang ano mang kapangyarihan ang makapagliligtas sa lalaki laban sa kamandag ng sandatang ginamit nito.

At ang mga sumunod na pangyayari ay mistulang mabilis nang dumaan sa kaniyang mga mata. Hindi niya malaman kung saan nagmula ang napakatinding liwanag ngunit pagdaan nito, napasinghap siya nang mapansin ang paggulong ng ulo ng halimaw sa lapag, habang ang katawan nito'y nabuwal na mula sa pagkakatayo, kasunod ang pagdanak ng masaganang dugo sa 'di niya maipaliwanag na kulay.

Hawak na ni Peya ang sandata habang punong-puno ng pagkapoot ang luhaang mga mata nito.

Nang muling bumulusok ang liwanag, agad din 'yong napalitan ng matinding kadiliman. Nakikita na lang niya ang kaniyang sarili sa kabila ng dilim sa paligid. Ang kaniyang kinatatayuan lamang ang may liwanag, ngunit bukod doon, isang malaki at pabilog na salamin ang nasa kaniyang bandang harapan. Kataka-taka lang dahil naiiba ang repleksyong nakikita niya roon. Isang babaeng may napakahabang buhok puting buhok na halos umabot sa talampakan nito ang nakayuko habang nakasalampak sa sahig at humihikbi.

"Bakit 'di ko mapigilan iyon? Bakit hindi ako makapunta roon? Bakit wala akong magawa?"

Narinig na ni Cassy ang normal na tinig ng nakilala niyang Haliah. Sa kabila ng lahat ng nagawa nito, hindi niya maiwasang 'di madurog ang puso dahil sa paghihinagpis nito.

"Haliah?"

Nang mag-angat ito ng mukha, halos maubusan ng hangin si Cassy sa nakikita.

Dahil ang kaniyang kaharap sa salamin ay mayroon ding eksaktong hitsura niya. Magkaiba lamang ang kanilang buhok, at ngayon ay tila may nagniningning na rin sa mala-porselanang kutis nito.

Bukod pa roon, isang memoryang 'di niya masiguro kung saan nagmula ang naglalaro sa kaniyang balintataw.

Ang batang bersyon ng halimaw kanina na may biyas ng kabayo ay may kaakit-akit din palang hitsura noon... at kasama ito ng babaeng nasa harapan niya. Masaya itong magkayakap sa tabi ng malawak na parte ng tubig. Sa tinginan pa lang ng mga ito, kapansin-pansin na ang matinding pag-ibig. Parang walang ano man ang makakabuwag sa pagiging matapat nito sa isa't isa.

"Kung ganoon...ikaw ang..." usal niya habang 'di makapaniwalang nakatitig sa kakaibang repleksyong nasa salamin.

"Ngayon, naiintindihan mo na ba, kung bakit ikaw ang kailangan kong sakupin?" pahayag ng nilalang na muli na naman itong napahikbi.

"Haliah..." wika niyang halos 'di pa rin makapaniwala sa natuklasan.

"Hindi Haliah ang pangalan ko." Tumalikod na ito habang bagsak ang balikat. "Magpahinga ka na."

Ibinalik lang ito ng lawa...at prinotektahan sa pamamagitan ng pagkukubli sa tunay nitong kapangyarihan at kaanyuan...

Ngayon, gusto na niyang maghiganti sa pamamagitan ng...katawan ko?

In Another Dream: The Other Side of the ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon