"Salamat po lola Olivia," ang sabi ni Liwayway nang ihatid siya nito sa may harapan ng malaking puno.
"Sa tingin mo ba? Tama na iyong puno na ito? Matanda na ang punong ito, nabili namin itong property lupa pa lang at maraming mga puno at halaman at ito...itong puno na ito ang isa sa mga punong naabutan namin at hindi namin pinutol...sguro...may nakatirang espiritu rito?" ang sagot ni lola Olivia sa kaniya.
"Ang lahat po ay may espiritu, ang mga halaman, ang buhay na dumadaloy na tubig, mga puno at bato, ang kalangitan at ang kalupaan, kasama ng hanging nilalanghap natin sa araw-araw para tayo ay mabuhay...kaya dapat lang na tayo ay mag-alay at magpasalamat."
"Magpapasalamat ka ba muli? Katulad nang ginawa mo bago kumain?" Ang tanong ni lola Olivia sa kaniya.
"Opo pero...ang ritwal ay para sa kahilingan." Ang kaniyang matapat na sagot. Mayroong bahagi sa kaniyang isipan na matapat ang pagtatanong nito sa kaniya. Hindi para kutyain kundi para matuto ito sa kaniyang pananampalataya.
"Anong...hihilingin mo?" Bigla itong natigilan at tinakpan nito ang bibig, "oops sorry, mukhang masyadong personal na yata...pasensiya ka na at masyado na akong nakikialam."
Pinagmasdan niya si lola Olivia. Mayroon man siyang pagdududa sa kabaitang ipinapakita nito sa sang banda ay nais niyang ipakita rito ang kaniyang paniniwala bilang isang Agba. Hihintayin na lamang niyang kutyain siya nito kung magpakita na ito ng tunay na kulay sa kaniya.
Isang mahinang buntong-hininga ang kaniyang pinakawalan, "gusto ko pong, humiling ng...kalakasan ng loob at pag-iisip." Ang kaniyang sagot at sa likod ng kaniyang isipan ay isa pa sa mga dahilan ay ang kasagutan tungkol sa kaniyang panaginip.
Nakita niyang tumikom ang mga labi ni lola Olivia at saka ito matipid na ngumiti sa kaniya. "Gusto mo ba ng kalinawan ng pag-iisip tungkol sa...tungkol sa inyo ng apo kong si Rake?"
Hindi siya nagsalita bagkus ay itinikom niya ang kaniyang mga labi at saka siya tumango bilang kasagutan.
Mahinang nagbuntong-hininga naman si lola Olivia bago ito muling nagsalita. "Kung iyan ang kailangan mo iha, Liway...ay...tutulungan kitang humiling."
Kumunot ang kaniyang noo at bahagyang napailing ang kaniyang ulo. "Tutulungan?"
Tumango ang ulo ni lola Olivia, "uh-huh, gusto kong matutunan kung paano kayo mag-alay para humiling."
Tikom siyang ngumiti at saka siya tumango. "Sige po." Ang kaniyang kasagutan at nakita niyang nagliwanag ang mukha ni lola Olivia.
"So...anong gagawin natin? Kailangan ko bang magpalit ng mas demure na damit?" ang tanong nito sa kaniya at itinuro ng mga palad nito ang damit nitong may maninipis na manggas at kulay bughaw na bestida na gawa sa makintab at malambot na tela. Halos pareho ang suot nilang damit ang kaibahan lang ay mayroon siyang balabal na habi ng mga Agba na nakaikot sa kaniyang mga balikat.
"Hindi na po kailangan,ang kailangan lang po ay ang alisin natin ang ating mga sapin sa paa." Ang sagot niya.
Tiningnan ni lola Olivia ang kanilang mga suot na sapin sa paa. Ang suot nitong tsinelas na may balahibo at sa kaniya ay ang luma niyang sandalyas na lagpas na ang kaniyang mga daliri sa paa.
"Ugh, huwag ka sanang magagalit ha? Liway, pero siguro kailangan nang magpaalam ng sandals mo, mamimili rin tayo mamaya ng sapatos mo, pero sa ngayon, let's do that ritual." Ang sabi sa kaniya nito.
"Uh...s-sige po." Ang kaniyang sagot at inalis na nila ang suot nilang mga sapin sa paa.
"Dito po kayo sa aking tabi." Ang kaniyang turo kay lola Olivia at saka niya itinuro ang mga susunod na gagawin. Lumuhod sila sa harapan ng malaking puno. "Sundan niyo lang po ang gagawin ko, hayaan ninyong...maramdaman ang espiritu, isara ninyo ang inyong mga mata at damhin sila...nasa paligid lamang sila...buksan ang ating puso at atin silang damhin, at ating buksan ang ating isipan at pakinggan ang kanilang mensahe."
BINABASA MO ANG
Breaking Mr. Rake (complete)
RomanceDriven with his willingness to prove that he's not just a "rake of a man" and also to prove his family that he too just like his older brother Ace can handle and manage a business. He eagerly packed up and left the city to visit the property above t...