CHAPTER 33

257 29 14
                                    

Nang bumukas ang mga pinto ng elevator ay mas lalong lumagabog ang tibok ng kaniyang puso. Sanay siyang maglakad pababa at paakyat ng Nabalitokan a Langit at hindi nananakit o bumubigat ang kaniyang mga binti at paa sa kaniyang paglalakad. Ngunit nang sandali na iyun ay tila ba may mga mabibigat na bagay na nakatali sa kaniyang mga binti na nagpapahirap sa kaniya na maglakad.

Hawak pa rin ni Rake ang kaniyang kamay habang naglalakad sila sa pasilyo nang ikasampung palapag ng gusali. Tahimik ang palapag na iyun at sa katahimikan ay sa palagay ni Liway ay maririnig ni Rake ang kaba ng kaniyang dibdib.

Habang papalapit sila sa silid na kanilang tutuluyan ay unti-unti niyang napagtanto ang katotohanan na magsasama sila ni Rake sa iisang silid. Sa iisang kama. Mukhang napasubo yata siya sa ginawa niyang pagsisinungaling dapat yata sinunod na lang niya ang sinabi ng kaniyang apong. Paano kung? Gusto nito na...magniig sila? Baka...madagdagan ang bukol nito sa ulo sa kabilang bahagi naman at baka tuluyan na itong hindi makaalala kahit nang nakaraan nito.

"Here it is," ang sabi ni Rake na ikinagitla niya dahil sa lumilipad ang kaniyang isipan. Huminto sila sa harapan ng isang kulay tsokolateng pintuan. Binawi ni Rake ang kamay mula sa pagkakahawak sa kaniyang kamay at ibinaba rin sa sahig ang bitbit nitong bag. Itinapat nito ang hawak na card sa isang maliit na screen sa pintuan at saka nito pinihit ang doorknob at itinulak para buksan ang pinto.

Dinampot nitong muli ang bag at nauna itong humakbang papasok at pinagmasdan niya itong kinapa ang dingding sa tabi ng pintuan at doon ay nagliwanag na ang loob ng silid. Itinulak pa nito nang husto ang pinto at sinenyasan siya nitong pumasok sa loob. At kinakabahan man ay wala na siyang nagawa pa kundi ang humakbang papasok.

Ikaw ang nakaisip nito Liwayway kaya pangatawanan mo, ang bulong ng kaniyang isipan. Para ito sa mabuting layunin mo sa Agba. Ang paalala pa niya.

Sumunod siya kay Rake na mukhang sanay na sanay sa ganung lugar. Malaki ang silid na napili nito para sa kanilang dalawa. Mas malaki pa nga iyun kung tutuusin kung ikukumpara sa pangakaraniwan na tahanan ng isang pamilyang Agba.

Nanatili siyang nakatayo sa may sulok ilang hakbang ang layo sa kama na sa kaniyang palagay ay magkakasya ang apat na tao para humiga. Naalala niya ang kaniyang higaan sa kanilang bahay sa Nabalitokan a Langit at ang kaniyang kama sa isang bahay na kaniyang matagal na ring tinakasan. Ngunit ang sakit ay sariwa pa rin sa kaniyang puso at isipan.

"Anong gusto mong kainin?" ang narinig niyang tanong ni Rake. Kumurapkurap ang kaniyang mga mata at saka niya niyakap ang sarili. Hindi dahil sa nilalamig siya kundi dahil sa pakiramdam niya ay nakalabas na ang buo niyang katawan. Naiwan kasi niya sa sasakyan ni Rake ang kaniyang balabal na hinabi pa ng kaniyang mismong ina.

Nilingon niya si Rake na inilalagay ang bag nito sa loob ng closet. "Uhm ikaw...ikaw na ang b-bahala."

"Okey...Mag-shower ka na at oorder na ako ng pagkain natin," ang sagot nito sa kaniya.

Gusto na sana niyang maligo. Kahit maglublob sa malamig na tubig ng talon. Pero hindi niya naman magawa ang bagay na iyun. Wala kasi siyang pamalit na damit dahil nga sa minamaneho na niya pababa ng Catalina ang sasakyan ni Rake nang magbago ang kaniyang pasya. Hindi na niya nagawang bumalik pa sa kanilang bahay para kumuha ng damit at gusto na niyang maalis ang bestida na iyun sa kaniyang katawan. Hapit na hapit kasi ito at labas na ang matagal niyang itinagong dibdib habang siya ay nasa Nabalitokan a Langit.

"P-pero...hindi ako makakapag-shower." Ang sagot niya.

Itinulak ni Rake ang pinto ng closet at kunot ang noo nitong tiningnan siya. "Ha? Bakit? Takot ka sa tubig?"

Breaking Mr. Rake (complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon