Yakap ang kaniyang sarili ay tumakbo si Liwayway palayo sa kung saan isinasagawa pa rin ang pagtitipon. Naninikip na ang kaniyang lalamunan at kaniyang dibdib at ang kaniyang mga paningin ay unti-unting nanlabo nang dahil sa luhang unti-unting pumupuno sa kaniyang mga mata,
Masakit...napakasakit ng nadarama niya sa kaniyang dibdib nang marinig ang sinabi ng ina ni Isagani.
Masakit dahil sa...hindi iyun totoo. Ang pagtanggi ng kaniyang isipan. Mahal niya ang Agba at sa pagmamahal niya ay ayaw niyang masaktan ang mga ito. Hindi na maulit pa ang sakit na idinulot ng isang estranghero sa buhay ng isang Agba.
Napasinghap siya at hinawakan niya ang kaniyang dibdib at lalamunan na mas lalong nanikip. Lalo na nang manumbalik na naman ang mga salita ng ina ni Isagani ay hindi na niya napigilan ang mga luhang pumatak mula sa kaniyang mga mata.
Uh oo nga pala...hindi mo iyun mararamdaman dahil sa...hindi mo naman ramdam ang pagiging Agba. Ang iyong kakatwang mga mata ay hindi nakikita ang tunay na kalagayan ng aming pamumuhay.
Napasinghap siya at pinahid niya ang luha sa kaniyang mga mata at pisngi. At walang lingon-likod ay ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakad. Sa kabilang bahagi siya ng Nabalitokan a Langit nagtungo. Iyun ang daan patungo sa sinasabing tahanan ng mga espiritu at dios ng kabundukan.
Ngunit hindi sa tahanan ng mga ito siya patungo. Ni hindi niya namalayan kung saan siya dinala ng kaniyang mga paa sa kaniyang paghakbang. Hindi na makita ng kaniyang mga mata ang tinatahak niyang daan bagkus ay hinayaan niyang ang kaniyang puso at ang kaniyang mga paa ang maggiya sa kaniya sa kung saan siya dadalhin ng mga ito.
At sa pag-agos ng kaniyang mga luha ay narinig niya ang tunog ng lagaslas ng tubig. Sandali siyang huminto sa kaniyang paglalakad at hinuli ng kaniyang kamay ang laylayan ng suot niyang balabal. At saka niya pinahid ang luha sa kaniyang mga mata at sa kaniyang pisngi. Makailang ulit siyang humikbi at pinahid ang luha sa kaniyang mga mata. Makailang ulit rin siyang kumurap para malinawan ang kaniyang paningin para makita kung saan siya dinala ng kaniyang mga paa. Ang isang lugar na malapit sa kaniyang puso. Ang talon sa Nabalitokan a Langit ang Hagdan ng mga Diosa, Agdan Ti Diosa.
Mula sa kaniyang kinatatayuan ay tila ordinaryong talon lamang ito. Malaking bahagi ng tubig na nahuhulog mula sa mataas na bundok. Ngunit may dahilan kung bakit tinawag itong hagdan ng mga diosa.
Ang puso niya ang nagdala sa kaniya sa lugar na iyun, ang sabi ng kaniyang isipan. Muli siyang humikbi at mariin na lumunok at saka niya ipinagpatuloy ang kaniyang paglalakad. May kasukalan na ang parte na iyun ng kabundukan. Halos magkakadikit na ang mga puno at nagtataasan na ang mga halaman.
Pababa ang binagtas niyang daan at ang kaninang mamasa-masang lupa na may kumot ng mga damo ay unti-unting naging naging mabato. At nang maabot niya ang dulo ng daan ay bumati sa kaniya ang tila mga baitang ng hagdan na may dumadaloy na tubig.
Sinasabing doon naliligo ang mga Diosa kaya naman ang parte na iyun ng Nabalitokan a Langit ay ipinagbabawal sa mga lalaki. Sabi sa mga kuwento ng mga ninunong Agba na kapag may nangahas na lalaking manghimasok sa lugar na iyun ay iibig ang mga ito sa mga Diosa na halos mabaliw at isusuko ng mga ito ang kanilang puso at kaluluwa sa mga diosa.
"Pag-ibig kapalit ng kanilang mga buhay." Ang bulong niya. At nakaradam muli ng kirot ang kaniyang puso.
Naalala niya ang kaniyang ina. Siya man ay musmos pa noon ngunit natatandaan niya ang mga sandaling iyun. Mga kaunting ala-ala niya ng kaniyang ina.
Sa talon na iyun madalas silang nagtutungo doon ay sabay silang naliligo habang umaawit at pagkatapos ay sinusuklay nito ang kaniyang buhok.
Naalala niya ang sinabi nito sa kaniya na ang tubig sa Agdan ti Diosa ay nakalilinis ng puso at isipan. Naalala niya na inihihiga siya ng kaniyang ina sa mga bisig nito saka siya nito ilulubog sa tubig. At kapag iniangat siya nito ay sasagap siya nang malalim na hininga. Simbolo raw iyun na nahugasan na ng tubig ang bigat na dinadala ng kaniyang puso at ng kaniyang isipan.
BINABASA MO ANG
Breaking Mr. Rake (complete)
Lãng mạnDriven with his willingness to prove that he's not just a "rake of a man" and also to prove his family that he too just like his older brother Ace can handle and manage a business. He eagerly packed up and left the city to visit the property above t...