Sampung taon ang makalipas...
PIKA
Sumasayaw sa hangin ang kaniyang hanggang balikat na buhok na mamula-mula. Ang kaniyang kanang mata ay natatakpan upang itago ang sikreto ng tunay niyang pinanggalingan habang ang kaliwa ay kalmadong asul ang makikita. Ang kaniyang taas ay tama lamang at ang magandang katawan na maihahalintulad sa isang babae ay natatakpan ng pulang roba na may balahibo sa kwelyo. Ang mga puno at halaman sa paligid ay nagsasayawan sa ihip ng hangin at ang makukulay na pakpak ng mga paru-paro na nagliliparan sa paligid niya ay nagbibigay ng kakaibang liwanag sa paligid.
Oo, bawat nilalang sa isla ay kakaiba. Ang mga Paru-paro doon ay nagliliwanag ang mga pakpak. Ang bawat insekto ay may kani-kaniyang katangian tulad ng isang bersyon ng lamok. Sa mga normal na mga tao ay nakamamatay ang insekto na iyon ngunit sa isla ay iba. Naamoy nila ang sakit o lason na dumadaloy sa dugo ng isang nilalang at iyon ay ang pagkain nila. May mga uri ng hayop na may anyong tao tulad ng mga lobo at mayroon din naman na mga tinatawag na Hunyango, mga nilalang na kayang gayahin ang iba't ibang anyo. Walang naka-aalam ng tunay na itsura nila maliban sa iilan na sinasabing ang tunay nilang itsura ay may ulo ng tao, katawan ng butiki at buntot ng ahas na ang dulo ay ginto. Bukod doon ay iba't ibang uri din ang mga Puno, halaman at mga bulaklak. May mga bulaklak na nagtataglay ng lason, mayro'n naman na nakagagamot, humihimig at kumakain ng buhay na nilalang, bulaklak na tumutulong sa pagdadalantao.
Ngunit ang kakaiba at nasa ituktok ng lahat ay ang Puno ni Horus. Sa tagal ng panahon ay hindi na matanto kung ano ang tunay na pangalan ng malaking puno na nasa gitna at mataas na bahagi ng isla ngunit sa ilan ay Puno ni Horus, ng kanilang diyos ng kalangitan. Ang punong iyon ay iba-iba ang bunga at bawat bunga ay sumisimbolo sa bawat lahi sa mundo. Iba-ibang uri, iba-ibang hugis, depende sa lahi.
Walong ikot ng mundo kay Ra lamang ang edad niya nang huling dalawin niya ang Puno na buhay pa ang kaniyang angkan at masdan ang simbolo ng kanilang lahi, ng kanilang Tribu, ang Tribu Elementa. Ang tribung nanganganib na mabura sa kasaysayan ng isla. Noon ay napakaliwanag ng perpektong bilog na bunga na iyon at maaaninag ang iba-ibang kulay na sumisimbolo sa kanilang mga mata na nag-iiba ng kulay depende sa kanilang emosyon.
Ngunit ngayon, ang liwanag niyon ay naglaho na. Parang lamparilya na nauupos na at naubusan ng pampaningas. Dahil siya na lamang ang nag-iisa ay napakalabo na ng liwanag niyon at ang mga kulay ay hindi na maaninag.
"Sinasabi ko na nga ba't nandito ka nanaman Pika."
Napabuntong hininga siya at humarap sa nagsalita. Si Alexius iyon, ang kaniyang kapatid, matalik na kaibigan at kung ano-ano pang rolyo na binansag niya rito.
"Alam mo naman na dito lamang ako nakakahinga ng maluwag at nakakapag-alis ng pagod." Sagot niya sa bagong dating. Lumapit ito at naupo sa isang malaking ugat na naka-usli at tinapik ang tabi niya at sinasabing maupo siya sa tabi nito. Bagay na kaniya naman ginawa. Isinandig niya ang kaniyang ulo sa balikat nito saka pumikit.
"Malapit na ang paglitaw ni Ra, maglalaho na si Mensis, bakit gising ka pa?" Tanong ni Pika sa kaibigan, ama-amahan, kapatid.
"Pika.... umaga, u-ma-ga!! Gabi, ga-bi, madaling araw, tanghali!! Hindi mo ba talaga matututunan ang tamang pagsasabi ng panahon o oras? Pinagkaiba ng bawat oras? Ilang taon ka na? Edad? Alam mo iyan, itinuro ko sayo." Iritadong tanong ni Alexius.
"Sa isang gabi ay ang aking labing walong ikot ng mundo kay Ra, sa araw." Muli ay isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ng lobo at iiling-iling na napasapo na lamang ito sa kaniyang noo.
"Wala ka na'ng pag-asa." Nasabi na lamang nito.
"Pagsapit ng ikalabing-walong pag-ikot, magsisimula nang mabuo ang katawan ko bilang senyales na maari na akong magdala ng sanggol sa aking sinapupunan, ngunit ang ibang aspeto ng aking tribo ay sa ikadalawampu... nais ko'ng malaman kung bakit inubos ng Tribu Lumos ang aking tribo bago dumating ang araw na iyon."
BINABASA MO ANG
CHROMIA SERIES
FantasyA pooled series of BxB authors with different stories under one banner series. Stories' genre: Fantasy, BxB, Mpreg Stories and Contributing Authors: Chromia Series: The Vengeful Past by @Adamant Chromia Series: Secret of the Dawn @sasuke21uzumaki Ch...